SO?

124 7 0
                                    

[051818]

Magigising na lang bigla sa loob ng isang medyo madilim na kwarto ang magboyfriend-girlfriend na sina Luna at Sherwin. Magkaharap sila sa ilalim ng maliit na ilaw habang katabi ang isang 14 inches flat screen TV. Parehong nakaupo sa isang kakaibang upuan. At pareho ring balot ang paa, binti, hita, at braso ng kung anong matatalim na kutsilyo. Habang ang ulo naman e may kung anong nakasuot na kakaibang bakal.

Magugulat sila sa kung anong meron. Kaya’t parehong masusugatan. Titingin sa paligid at sa kinauupuan.

Sisigaw si Sherwin ng, “Nasa’n ako?!”

Sasagot naman si Luna ng, “Wow! Ikaw lang? Baka tayo?” na agad din niyang babawiin. “Ay, wala na nga palang ‘tayo’”. Gawa ng trust issues.

Hindi sasagot si Sherwin. Pilit lang siyang papalag para makawala kaya lalo siyang masusugatan.

Iiyak si Luna. Sisigaw si Sherwin. Pero bigla silang mapapatigil dahil maaaninag nilang may paparating.

Taong naka-mascott ng Dyigso. Naka-mountain bike. At may nakasukbit sa leeg na maliit na speaker na mabibili lang sa Recto. Dahan-dahan siyang lalabas mula sa madilim na parte at lalapit sa kanila.

Mapapatingin silang dalawa. At sabay na itatanong kung bakit sila nando’n. Pero hindi sila nito papansinin dahil ang role lang niya sa kwento na ‘to e lumapit lang sa kanila’t iparinig ang nasa speaker.

Biglang ‘yong tutunog nang garalgal. Tatahimik ang dalawa, at maririnig nila na wala man lang ‘yong ka-bass-bass at puro treble lang.

“Gusto niyong maglaro? Bukod sa relasyon n’yo?”

Walang sasagot sa kanilang dalawa.

“Simple lang.”

Sasabihin ni Dyigso na ang lalaruin nila e ‘Pinoy Henyo’, kasama ang paliwanag na, “Ikaw manghuhula Sherwin, ta’s ikaw naman Luna sasagot. ‘Pag nahulaan n’yo ‘yung sagot, makakawala kayo. Pero pag hindi, within two minutes, e sisikip ‘yang bakal na nasa ulo n’yo hanggang sa mapipi ‘yan at sumabog.” kasunod ang nakakalokong tawa. “Ngya hA Ha ha HA hA!” at, “Paalala, no cheating, no coaching. Oo, hindi, at pwede lang. Ok?”

Kakabahan ang dalawa. Wala silang magagawa kundi maniwala at sumunod. Lalabas sa bakal na nasa ulo ni Sherwin ang kailangan niyang hulaan. Mangingibabaw ang kaba ni Luna.

Dahan-dahang ipepedal ng taong naka-mascott ng Dyigso ang mountain bike papunta ulit sa madilim na parte. Kasunod ang pagtunog ulit ng speaker. “Your timer starts now.” Biglang bubukas ang TV sa kanilang tabi at makikita nila do’n ang natitirang oras.

Agad na sisigaw si Luna ng, “Hinde!”

Sisigaw pabalik si Sherwin ng, “Wala pa nga, e?!” kasunod ang, “Tao?!”

“Hinde!”

“Bagay?!”

“Hinde!”

“Hayop?!”

“Hinde!”

“Lugar?!”

“Hinde!”

“Pangyayari?!”

“Hinde!”

“Elements?!”

“Hinde!”

Hihinto si Sherwin para mag-isip. Kakawag sa pagkakaupo si Luna kaya lalo na rin siyang masusugatan. Sabay baling sa timer.

“Hinde! Hinde! Hinde!”

Matatapos mag-isip si Sherwin. Pero mapagtatanto niyang wala siyang naisip at nagsayang lang siya ng halos isang minuto’t kalahati. Mapapagod si Luna sa kakasigaw at lalong maiiyak.

Hanggang sa tuluyan na silang mawawalan ng pag-asa. Pareho na lang nilang tititigan ang natitirang 10 seconds sa timer. Kasunod ang pagbaling nila ulit sa isa’t isa. At halos sabay na pagsabi ng, “Sorry.”

Mauunang sisikip ang bakal na nasa ulo ni Luna hanggang sa tuluyan na ‘yong mapipi at sumabog. Kakalat ang mata, dugo, at utak niya.

Agad din namang susunod ang kay Sherwin. Sisikip din ang bakal na nasa ulo niya. Kung sa‘n naro’n ang hindi niya nahulaang sagot... na salitang... “Hindi.”

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon