Maikling Kwento

202 6 1
                                    

[060118]

Sa makabagong panahon ng panulat kung saan ang kahit anong ideya sa isang istorya e halos nagamit na ng lahat, pupuntahan ng hindi epektibong manunulat na si Densyo, ang isang bundok na nakita niya sa Internet. Nabasa niya ro'n na naro'n daw ang isang matandang katutubo na sinasabing may kakayahang sabihin na cliché ang naisip mong plot. Sa halagang 500 pesos. Na para di magmukhang mahal e may libre nang kritisismo.

At matapos nga ang ilang oras na biyahe, e tuluyan na niyang mararating ang bundok. Makikita niya ro'n ang nasabing matanda na may mahabang balbas at bigote na kulay puti. Nakasuot ng kulay brown na robe. Hawak sa kamay ang isang tungkod. Habang nakasingkit ang mga mata na parang may sinisipat. Lalapitan n'ya 'yon at mapapansin niyang hindi siya nito titingnan.

"A..." sisimulan ni Densyo ang conversation.

"Hmm." magha-hum lang ang matanda.

"E..."

"Hmm."

"A-a-ak-k-ko po-po-po s-s-si Dede-dede-dede-nsyo. Na-na-na-kiki-kiki-kiki-ta ko-ko-ko po-po-po ka-ka-kayo sa-sa-sa In-tete-tete-tete-ternet.

"Ano ka, robot? Hindi 'yan babasahin ng ibang mga mambabasa. Ayusin mo ang dialogue mo. Alam kong nauutal ka kasi kinakabahan ka o nahihiya. Pero wag mo ipakita sa ganyang paraan. Okey nang ang doblehin o triplehin mo e 'yung unang letra lang ng salita. Hindi na kailangang halos lahat. Mahirap intindihin. Isa pa, nagiging bastos."

"A-a-ako po s-s-si Densyo."

"Much better. Okey, anong maipaglilingkod ko sa 'yo?"

"B-b-balak ko po kasi sanang... i-publish 'yung compilation ng mga maikling kwento ko..."

"Teka. Ang tama e 'maiikling', at hindi 'maikling', dahil gumamit ka ng salitang 'mga', na nangangahulugang ang tinutukoy mong bagay e marami at hindi lang isa. Pero dahil nga nakapaloob sa isang dialogue 'yan, okey na ring tanggapin para mas mabigyang-buhay ang karakter mo. Hindi naman tayo gano'n kapormal o kamakata sa pang-araw-araw nating pananalita. At maging sa mga makabago mang kwento. Ano 'yon, kunyari ano, papara daw sa jeep 'yung protagonist sa kwento mo, ta's... ang sasabihin niya sa driver e... 'Para ho. Ako'y bababa na ho sa tabi ng Generics Pharmacy. Mangyari lamang hong isakto ninyo ako't huwag na huwag ilalampas. Dahil otso pesos lamang ho ang ibinayad ko't hindi nueve.' Di makatotohanan. At isa pa, baduy. Di ba?"

"May point po kayo. Pero masyado po 'ata kayong eksaj."

"Aminado 'ko sa part na masyado 'kong exaggerated. Pero di bale, balik tayo sa sinasabi mo."

"Ayon, balak ko nga po sanang i-publish 'yung..."

"A... kaso... di mo magawa dahil... wala kang budget? O dahil wala kang kumpiyansa sa sarili mong gawa? Ta's... makikita-kita mo na lang sa mga National Bookstore nationwide e, nakasalansan sa mga shelves ang samu't saring mga makabagong libro na pulos pilit at palasak na pagpapakilig lang ang laman. At wala nang iba pa bukod do'n. Na hindi naman natin mapipigilan ang pagdagdag ng bilang sa merkado't hindi tayo pabor. Dahil hindi naman 'yon kasalanan ng mga may-gawa. Kundi 'yung mga tumatangkilik na mga mambabasa."

"Hindi naman po sa wala 'kong budget o wala 'kong kumpiyansa. Sadyang hindi lang po talaga 'ko komportable na... hindi saktong 35 'yung mga maiikling kwento ko bago ko i-publish. Kaya kailangan kong gumawa ng isa pa. Ang problema nga lang po e... feeling ko cliché 'yung mga naiisip kong plot."

"Cliché nga."

Matatawa si Densyo. "Wala pa nga po, e?"

"Gusto mo magsulat, di ba? At gusto mong magpublish."

"Opo,"

"E magbasa ka."

Magha-hang ang utak ni Densyo.

"Paano tutulo ang gripo kung walang lamang tubig ang tangke?"

"Masyado pong poetic. Di ko po gets."

"Ang sabi do'n, may kakayahan akong sabihin na cliché ang naisip mong plot. Hindi 'kung', cliché."

Tuluyan nang hindi magpa-process ang utak ni Densyo.

"Di ko po gets."

"Masyadong mahina reading comprehension mo. Basahin mo ulit."

---

Mao-offend si Densyo sa part na 'yon. Kaya't tatapusin niya ang maikling kwento na 'to sa pagsakal sa matanda. Hanggang sa mamatay 'yon.

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon