—032718
—MarsoriFic Fest: Bring It On! Week 3 Day Two 1st place winner.Kaugalian na ng pamilya Pineda na pagkatapos ng kanilang tanghalian ay agad ding magmeryenda. Habang ang kasunod din, ay ang pagtulog nila.
Dala-dala ni Aling Anita ang isang plato at tasa papunta sa sala kung saan naroon ang Unico Hijo niya—si Damian—na lumilipad ang batang isip habang nilalaro sa matanda niyang kamay ang isang laruan. Napalingon ito sa kaniyang ina’t napangiti. Gutom na ulit siya. ‘Yun lang alam niya bukod sa laro. Na siya ring pinakadahilan ng kanilang kaugalian.
Gaya ng parati, tinapay at gatas na naman ang kanilang meryenda. Walang nagbago. Malamig ang gatas. Ang monay ay mainit pa. Dahil halos kabibili lang. Na sa loob ay may palamang keso. Pero ‘di tulad ng dati, hindi hinati ni Aling Anita ang tinapay para ibigay kay Damian. Naupo lang siya at nagsimulang kainin ito, kasunod ang pag-inom sa gatas.
Natatakam si Damian pero hindi siya pinapansin ni Aling Anita. Nakatitig lang ito sa malayo habang halatadong tinatakam ang kaniyang anak. At doon, nakuha na ni Damian na alam na ng nanay niya ang kaniyang kasalanan. Hinugot niya sa kaniyang bulsa ang mga barya—na kulang na—at inilapag sa lamesita. Kasunod ang pag sambit ng mga salitang ang kahulugan ay paghingi ng tawad—na tanging ina lang niya ang nakaiintindi.
Ninakaw ni Damian ang mga barya. Sa tindahan malapit sa kanila. Pangalawang beses. At dahil sa kalagayan ng bata, na naiintindihan ng mga taong naroon, ay tanging nanay niya na lang ang nagbibigay-parusa rito.
Hindi ito pinansin ni Aling Anita. Nilagok nito ang gatas kasunod ang pagsenyas sa anak na matulog na. Lalong humikbi si Damian. Wala siyang nagawa kung hindi ang matulog nang gutom.
———
Nang magising si Damian sa pagkakahiga sa upuan sa sala ay wala na ang kaniyang ina. Pero nandoon pa rin ang mga barya sa lamesita—na kumpleto na, nandoon pa rin ang platong may monay na may palamang keso—na buo na at hindi hati, kasama ang tasa ng malamig na gatas. Tinitigan niya isa-isa ang meryenda at mga barya. Naguluhan sa kung ano ang unang kukunin niya. Pero tumayo lang siya—kasunod ang pagpunta sa kusina kung saan alam niyang naroon ang kaniyang ina.#SobrangShortStories
#MarsoriFicFestWeek3
BINABASA MO ANG
DIKOGETS - Koleksyon ng mga Dagli
Short StoryMga orihinal na gawa ng malikot na isip ng may-akda... simula sa kaniyang pagiging hilaw... at pagiging hindi pa rin hinog. Kiligin, kabahan, matakot, masaktan, magulat, matawa, mapaisip, at mapasabi ng walang kamatayang linya na: DIKOGETS.