[052518]
Sandaling mapapatigil ang batang si Adan at ang kababata niyang si Eba na parehong hubo’t hubad, sa kanilang pagbabahay-bahayan sa paraiso ng Eden—gawa ng bigla nilang maririnig ang intro ng kantang Eye of the Tiger na nagmumula sa kung saan. Magugulat silang dalawa at parehong kakabahan, dahil iisipin nila na iisipin ng ibang mambabasa, na ang nilalaro nilang bahay-bahayan e iba ang kahulugan.
At habang palingon-lingon nga sila sa paligid para hanapin kung saan ‘yon nanggagaling, e bigla namang mahahawi ang ulap sa kalangitan kasabay ang mas malakas na intro ng kantang nasabi ko kanina. Doon pala ‘yon nanggagaling kaya mapapatingala silang dalawa. Lalabas do’n ang mukha ng kanilang ama, kasunod ang paghinto ng kanta.
“Adan... anak...”
“Po?”
“Ako e naparitong muli hindi upang tumanggap ng sorry sa may mga kasalanan, o salitang ‘sana’, kasunod ang bagay na hindi nila kayang gawin o maging kaya naman nila. O di kaya e pasasalamat naman bilang sa pagtanggap nila ng biyaya, na sila o ang iba rin naman mismo ang may gawa. Ako e sawang-sawa na sa ganyan. Ako e hindi naparitong muli para d’yan.”
Mapapatanga ang dalawang bata.
“Bagkus!”
At biglang magugulat.
“Ako e naparito para bigyan ka ng isang misyon!”
Magtitinginan ang dalawang bata at parehong mapapalunok ng laway.
“Ipapadala kita sa future.”
“Ano po ‘yung future?”
“Hinaharap.”
Mapapatingin ang batang si Adan sa future ng kababata niyang si Eba.
“Adan anak, hindi ‘yan ang tinutukoy ko. Kailangan mong panindigan sa mga mambabasa ang paniniwala ng iba sa panahon n’yo. Na inosente kayo pagdating d’yan. Understand?”
Muling titingala si Adan. “Ok po, Ama. Pero ano po ba talaga ang tinutukoy n’yo?”
“Ang tinutukoy ko, e ‘yung panahon na tanging ako lang ang nakakaalam. ‘Yun ‘yung panahon na hindi n’yo mapipigilan. Do’n mangyayari ang lahat ng ayon sa ‘king plano. Ang panahon pagkatapos ng kasalukuyan.”
“Di ko po gets.”
“Ok. Wari na, ang plano ko daw sa ‘yo e... maging doktor ka. Sa panahon na ‘yon, doon ka magiging doktor. Pero siyempre, hindi mangyayari ‘yon kung wala kang gawa. Dahil ako, ang sa ‘kin lang naman, e ang awa.”
“Ano pong mangyayari pagkatapos no’n?”
“E di ‘yung nakaplano talaga. ‘Yung talagang hindi natin mapipigilan. ‘Yung... kamatayan.”
Mapapatingin ang batang si Adan sa kababata niyang si Eba. Mapapansin niya at ng mga mambabasa na wala man lang itong dialogue ni isa. Na wala naman talaga hanggang huli.
Sabay tingala ulit sa kalangitan.
“Di ko po gets.”
“A, basta. Tama na ang maraming satsat at nangangawit na ang mukha ko dito. Ang misyon mo, dadalhin kita sa future—sa ibang anyo—kung sa’n mangyayari ang kauna-unahang kasalanan sa universe, na magiging dahilan din ng kamatayan. Pero gaya nga ng sinabi ko kanina, hindi n’yo ‘yon mapipigilan. Kaya ang gagawin mo, aalamin mo lang kung sino nga ba talaga ang may kasalanan. Kase... feeling ko talaga e ako. Di ba nga, ‘yun ang panahon kung sa’n mangyayari ang lahat ayon sa ‘king plano.”
“Di ko po ge—”
Hindi na matatapos ng batang si Adan ang walang kamatayan niyang linya dahil agad siyang ipapadala ng kanilang ama sa sinasabi nito.
Parehong lugar; sa anyo ng ahas sa isang puno.
BINABASA MO ANG
DIKOGETS - Koleksyon ng mga Dagli
Short StoryMga orihinal na gawa ng malikot na isip ng may-akda... simula sa kaniyang pagiging hilaw... at pagiging hindi pa rin hinog. Kiligin, kabahan, matakot, masaktan, magulat, matawa, mapaisip, at mapasabi ng walang kamatayang linya na: DIKOGETS.