Halik

243 4 0
                                    

[012018]

Nakatutok ang kasado nilang baril sa isa't isa. Parehong nakapantay sa tiyan ang hawak at pareho ring nakapasada ang hintuturo sa gatilyo, na sa isang kalabit lang ay mabilis na magpapabuga ng bala.

"Bakit hindi mo iputok?" nakangiting tanong ng pulis sa kilalang bandido.

"Sa 'yo ko yata dapat itanong yan," sagot nito kasunod ang nakakalokong tawa.

Ngumiti lamang ang pulis.

Naglakad ang bandido papalibot sa pulis. Nananatiling nakatutok ang baril nito.

"Nagkita tayo muli, Tagapagligtas," nakangiti niyang sabi.

Hindi sumagot ang pulis. Sinundan lamang niya ng kaniyang mata ang bawat galaw ng bandido.

Lumipas ang trenta minutos ngunit wala pa ring nagbago sa pangyayari.

"Bakit hindi mo iputok?" nang-iinis na tanong ng bandido." Tumigil siya sa paglalakad. Hinawakan niya ng kabilang kamay ang kaniyang mahabang baba't hinimas-himas.

"Teka, teka. Bakit ko nga pala tinatanong e samantalang alam ko naman ang sagot. Alam naman natin... na hindi mo kayang pumatay ng tao... o kahit pa ng mga katulad ko. Kaya... hindi mo kayang iputok 'yan. Di ba?"

Nagpatuloy muli siya paglalakad.

"Ang kaya mo lang gawin, ay kunin ang mga mga taong katulad ko, para bigyan sila ng dahilan na magbago—mga taong nagpagpapalaganap ng kasamaan sa lugar na 'to—na siya ring dahilan kung bakit nand'yan ka—na siyang pumipigil sa mga tulad ko."

Huminto muli siya.

"Pero... hindi mo kami kayang pigilan sa ibang paraan. Hindi mo kayang..."

"Oo. Hindi ko kayang pumatay. Hindi ko kayang pumatay ng tao kahit pa 'sing sama mo. Kaya't makikiusap ulit ako sa 'yo. Sumuko ka na lang..." sagot ng pulis.

Sandaling nag-isip ang bandido na nauwi rin sa pagsang-ayon.

"Sige. Pero susuko ako sa isang kondisyon," Bumuntong-hininga muna siya bago itinuloy ang sasabihin.

"Itatapon ko sa malayo ang baril ko; itatapon mo rin sa malayo 'yang iyo." dagdag nito.

Sandaling nag-isip ang pulis na nauwi rin sa pagsang-ayon. Sabay nilang itinapon sa malayo ang kani-kanilang baril.

Ngumiti ang bandido.

"Kung gano'n..." Mabilis niyang hinugot ang isa pa niyang baril sa kaniyang bulsa't mabilis ding kinalabit ang gatilyo. Sa pinabagal na pangyayari ay dahan-dahang lumabas ang bala nito't tumumbok kung saan ito nakatutok. Bumagsak ang pulis na tinamaan sa dibdib.

Lumapit ang bandido, umupo sa tabi ng naghihingalong pulis, at humalik sa pisngi nito.

"O, Hesus," bulong niya kasunod ang pagkalabit muli sa gatilyo.

DIKOGETS - Koleksyon ng mga DagliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon