"Shh, tahan na. Tahan na.." Pag-aalo muli ni Justin kay Kathryn na nakayakap sa kanya at kanina pa hindi matigil sa pag-iyak. Hindi lang naman pag-iyak, kundi paghagulgol kung tutuusin.
"Akala ko, masakit 'yong alam kong patay na siya, pero mas masakit 'yong alam kong iyon ay kalokohan lang pala.. Niloko niya 'ko.." Mga lumabas sa bibig ni Kathryn at walang maisagot si Justin kundi pagpapatahan sa kanyang nobya, dahil pati siya ay nagulat at nagugulat sa kanyang dinadalang kaalaman.
Mahigit isang linggo na ang nakalipas simula nang bumulaga kay Kathryn ang balitang inangkin ng dalawang tao at itinago sa kanya sa mahabang panahon. Isang linggo na rin simula nang dumagsa sa kanya ang kapighatiang kailanma'y hindi naman nawala, kundi nadagdagan nga lang at mas bumigat. At sa linggong ito, walang araw na hindi lumiban ang mga luha niya sa pagsapit ng gabi, sa gabing nag-iisa siya at nag-iisang inaangkin ang kalungkutan sa kabila ng lahat ng taong natutuwa sa pagbalik niya.
Bakit nga ba siya matutuwa? Tanong niya. Bakit nga ba? Lolokohin niya lang ang sarili niya kung matutuwa siya sa pagbabalik ng asawa niya, dahil mismo ang lahat, alam nila na peke lamang ang iginagawad na saya at ngiti ni Kathryn sa pamilya niya at pamilya ng asawa niya. Nakangiti nga siya sa mga anak niyang masasaya sa piling ng ama, ngunit ang ngiting ito ay may bahid ng pangarap at dalangin na sana ay siya rin, sana ay isa rin siya sa pinapasaya ng taong nagbalik at pinangarap niya ngang magbalik.
Sa isang pangarap na lamang, dahil wala na siya sa posisyon para maramdaman iyon kung sa anim na taon, may iba at bago nang nakakaramdam iyon. May iba nang pinapasaya si Daniel, hindi lamang si Samuel, si Isabel, kundi isang taong.. hindi niya kilala ngunit sa tuwing naiisip niya ay parang ikamamatay niya kung malaman niya.
Hinala. Pero hinala pa ba kung mismong narinig niya? Sentro ng utak ni Kathryn ay ang hinala niyang may iba na si Daniel at may anak pa ito. Posible nga, natatawa na lamang si Kathryn kung hindi naman. Lalaki si Daniel, lalaki ang asawa niya at alam niyang may pangangailangan ito, hindi lang sekswal na pangangailangan, kundi pangangailangan sa isang babae na manatili sa kanyang tabi at siya'y mahalin. Anim na taon, anim na taong lumipas, posible nga.
Siya nga, mayroong Justin sa kanyang tabi ngayon. Nakayakap sa kanya at iniiyakan niya, sa asawa niya pa kaya? Pero hindi balanse, dahil si Daniel, mukhang masaya sa buhay na mayroon siya ngayon, hindi tulad niya na kahit palitan niya ang lalaking dahilan kung bakit siya umiiyak, hindi pa rin maibsan ang sakit na mayroon siya.
At ang tanong na nandito naman siya, bakit pa siya naghanap ng iba? Sapat na siguro ang napagtanto niyang hindi na siya mahal kaya naghanap na ng iba.
At ang pag-iyak niya ngayon, pinipilit niyang dahilan ang panloloko ni Daniel sa kanya sa kamatayan nito kahit hindi naman iyon ang rason. Kundi ang bumabalot sa kanyang selos sa naiisip niyang babaeng bagong kinakasama na ng asawa niya.
Wala siyang ideya, gusto niya man tanungin si Carla o pati si Samuel na siyang nakakita ng tawag sa telepono ni Daniel at tanungin niya kung ano ang pangalan ng babae, ngunit pinapaatras siya ng mga konklusyon na naiisip niyang maaaring isagot ng dalawa. Ayaw niya, malamang, ayaw niya. Hindi niya alam kung kakayanin niyang malaman at mismong si Daniel ang magsabi sa kanya kung sino ang babaeng iyon, at sabihing may ibang nagmamay-ari na ng kanyang puso.
Ang tanga ni Kathryn para maisip ito, ni hindi niya lang maisip na siya ang unang pumalit sa puwang ni Daniel sa kanyang buhay.
"Nakausap mo na ba siya kung bakit niya iyon nagawa sa'yo?" Tanong ni Justin at pinapakalma pa rin si Kathryn sa kanyang dibdib.
BINABASA MO ANG
A Chapter Untold (Broken Vows Book 2)
RomanceSa isang istorya, may lihim na kabanata. Ipinagkait upang hindi na gambalahin pa ang alam ng lahat. Itinago, inilihim at ginawang isang palabas. At sila, hindi na binuksang muli dahil sa tagal ng panahon na ang nakalipas upang tuluyan na ngang kalim...