Missing #4

6.1K 325 18
                                    

"YES, NANDITO NA AKO. NASAAN NA BA KASI KAYO?" tanong ni Joy sa kausap sa cellphone. Naglalakad na siya papasok sa may likuran ng abandonadong gusali ng subdivision nila kung saan dati nilang ginagawa ang Friday Trip ng barkada.

"Malapit na kami Joy. Wait mo na lang kami doon sa spot natin," tugon ni Cez mula sa kabilang linya na ang tinutukoy ay ang pwesto kung saan nila nilalaro noon ang tagu-taguan.

Tuluyan ng naabandona hindi lamang ang gusali kundi ang buong paligid nito. Wala na ring naglakas loob na bumili dito. Dahil na rin siguro sa mga tsismis na may ilan ng sinalvage at doon itinatapon ang mga bangkay kaya't marami ang nagmumulto o nagpaparamdam na kaluluwang hindi matahimik.

"Okey, basta bilisan ninyo na huh," aniya at ini-end na ang tawag. Hindi niya lubos maisip kung paano ba siya napapayag ng barkada na sa lugar na iyon gawin ang kanilang reunion. At sa dis oras pa talaga ng gabi. Naagaw ng bilog at maliwanag na buwan ang pansin niya kasunod ang pagyakap sa mga braso ng makaramdam ng malamig na ihip ng hangin. Saglit niyang iginala pa ang mga tingin. Maraming mga puno ang nagkalat na halos nakadikit na ang malalaking ugat sa mga katabing kapwa malaki ring puno. Karamihan sa mga ito ay tuyo na at wala ng mga dahon. Paano ba niya nagagawa noon na maglaro at magtago kung saan-saan sa ganitong nakakatakot na lugar na pwede na halos pag-shooting-an ng isang horror movie.

"Ang tagal naman nila..." Naiinis niyang isinandal ang likuran sa katawan ng malaking punong mangga. "Nasaan na ba 'yung iPod ko?" bulong niya ng maalalang hinahanap niya iyon sa bag bago tumawag si Cez. Kaya sinimulan niyang muling magkalikot ng gamit sa loob ng shoulder bag na hawak.

'Tagu-taguan maliwanag ang buwan...'

Kasabay ng paghinto ng pagkilos ng mga kamay niya sa loob ng bag ay ang pagtindig ng mga balahibo niya dahil sa narinig na boses ng isang bata.

'Pagbilang kong tatlo nakatago na kayo...'

Dahan-dahan siyang napalingon sa pinanggagalingan ng boses na naririnig. Isang malaking puno na ilang hakbang lang ang layo sa kanya ang nakita niya. Kung saan may isang bata ang nakatalikod mula sa kanya at nakaharap sa katawan ng malaking puno. Kung hindi siya nagkakamali, ito rin ang batang lalaki nakita niya kanina sa sala ng bahay nila.

'Isa...'

"This is not real..." Nararamdaman niya ang panginginig ng buong kamay niya. Kanina pa niya gustong ilabas ang cellphone mula sa bag ngunit pakiramdam niya ay literal na nawalan ng lakas ang buong katawan niya.

'Dalawa...'

"Oh my God!" Tila pati mga luha niya ay natakot na ding mangilid sa mga mata niya. Kung may alaala man siyang hindi malilmutan noong kabataan niya ay ang suot na jacket ng batang ito. Hindi siya maaaring magkamali, kilala niya ang may-ari ng acket na iyon at kilala niya ang batang iyon.

'Tatlo!'

At sa isang pagkurap lang na ginawa niya ay ang pagtambad ng malapitan ng duguang mukha nito sa kanya.

'HULI KA!'

***

***

MABILIS AT MALALIM ANG PAGHINGA NI JOY ng bumangon mula sa kama habang nagsisimula ng mamuo ang mga butil ng mga pwis sa noo niya.

"N-nightmare..." bulong niya at inilibot ang paningin sa loob ng silid na tanging lampshade lamang ang nagbibigay liwanag. Mabilis na nawala sa alala niya ang huling parte ng bangungot ngunit hindi ang takot na nararamdaman niya.

Wala sa loob na napatingin siya sa suot na relo. "Four-twelve a.m."

'Tagu-taguan maliwanag ang buwan...'

Napalunok siya sa narinig na iyon kasabay ang lalong paglalim ng hininga niya. At mula sa suot na relo ay dahan-dahan niyang inilipat ang mga tingin sa harapan.

Ito na yata ang pinakanakakatakot na mukhang nakita niya sa buong buhay. Sinoman ang makakita sa batang lalaki na nakaupo ngayon sa ibabaw ng kama at nakaharap sa kanya ay malamang na nawalan na ng malay. Magkahalong kulay ng putik at pulang likido ang nabalot sa tila dati ay kulay asul na jacket na suot nito. Putok na ang kanang bahagi ng mukha nito na tila anumang oras ay maaaring lumuwa na ang pisak na mata mula sa kinalalagyan.

'Pagbilang kong tatlo nakatago na kayo...'

"N-no..." Nakaramdam siya ng mas matinding takot ng magsimula ng kumilos ang bata palapit sa kanya. Sinubukan niyang sumigaw ngunit walang kahit na anong boses ang lumabas sa bibig niya.

'Isa...'

Kitang-kita niya ang pagtulo ng malapot na dugo mula sa bibig nito patungo sa puting kutson ng kama niya.

'Dalawa...'

Nanginginig na ang buong katawan niya. Patuloy pa din ang bata sa paggapang palapit sa kanya at may isang dipa na lang halos ang layo nito mula sa kinauupuan niyang sulok ng kama.

'Tatlo...'

Tila tuluyan na siyang nanigas sa kinauupuan hanggang sa may isang dangkal na lang ang layo ng mukha nito sa mukha niya. Amoy na amoy na niya ang lansa ng nabubulok na karne mula sa hininga nito. Halos masuka na din siya ng mapansin ang mga gumagalaw na uod sa pisak na mata nito na walang tigil ang pag-agos ng dugo sa kanang pisngi nitong naagnas at inuuod na din. Hindi na niya kaya ang takot na nararamdaman niya. Anumang oras ngayon ay maaaring panawan na siya ng ulirat na hinihiling niya na sana ay mangyari na.

'Magtago kana...'

***

***

"JOY... JOY..."

Magkasabay na naririnig at nararamdaman ni Joy ang boses ng mama niya at mahihinang tampal nito sa magkabilang pisngi niya.

"Joy, wake up..."

Nag-aalalang mukha nito ang nasilayan niya ng idilat ang mga mata. Kasunod ng pagbangon niya at pagsiksik sa dulo ng kama ay ang paglibot ng tingin sa buong kwarto. Bahagya siyang nasilaw sa liwanag na pumapasok mula sa bukas na bintana.

"L-la..." aniya ng makita ang lola niya sa kabilang gilid ng kama katabi ang katulong nila. Pati sa mukha ng mga ito ay bakas din ang pag-aalala. "W-what happened 'ma?" ibinalik niya ang mga tingin sa mama niya na bahagyang napaatras sa ginawa niya na biglang pagsiksik sa sulok.

"You're having a nightmare, Joy," ang lola na niya ang sumagot.

"Kanina ka pa umuungol na parang gustong mong sumigaw pero hindi mo magawa," sabi ng mama niya. "Ano bang napaginipan mo, anak?"

"H-hindi ko po maalala, 'ma." Sa kabila ng labis na takot na nararamdaman ay hindi na niya maalala ang buong detalye ng panaginip niya. Isa lang ang sigurado siya. 'It's all about Franco...'

***

***

Sa mga napapadaan po d'yan... Please Vote, Comment and Share... :) ^_^

THANK YOU SO MUCH! ^_^

Where is Franco? (Published under VIVA PSICOM and featured as TV Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon