“OH PARE, buti nakarating ka.”
“Siyempre, pwede ba naman palampasin ko ang birthday ng nag-iisang inaanak ko?” tugon ni Kai sa barkadang nagbukas ng pintong kinakatok niya. Kagagaling lang niya sa libing ni Ed at hindi na rin niya natanggihan ang imbitasyon ni Adrian na dati niyang kaklase at naging isa sa pinakamalapit na kaibigan noong kolehiyo. Kaarawan kasi ng anak nito na nag-iisang inaanak niya rin sa binyag.
“Tara pasok ka,” anyaya ni Adrian.
“Wala pa ba sina Ram at Vernon?” ang ibang barkada nila ang tinutukoy niya ng makapasok sa sala at ilibot ang paningin sa mangilan-ngilang bisita na nagkalat at nagkakainan. Simple lang ang selebrasyon at halos mga kabarkada at malalapit na kamag-anak lang ang imbitado.
“Naku, wala pa. Si Vernon at JC magkasabay na daw darating. Si Ram naman, baka mga gabi pa,” si Myca na asawa ni Adrian ang sumagot. May hawak itong malaking lalagyan na menudo ang laman bago inilagay sa pabilog na malaking lamesa.
“Kumain ka na ba, pare? Baka gusto mong kumain muna?” tanong ni Adrian.
“Kumain na ako pare, nasaan na si Arlene? Para mabigay ko na muna itong regalo ko,” tanong niya.
“Nasa kwarto at nanunuod ng T.V. Napagod sa paglalaro kanina sa mga pinsan niya. Puntahan mo na lang at kanina ka pa hinihintay no’n,” turo ni Adrian.
“Adrian, wala na yatang laman ‘yung juice. Lagyan mo muna,” utos ni Myca.
“Sige pare. Ibibigay ko muna ito,” aniya. At dahil may ilang beses na rin siyang nakapunta doon ay alam na niya ang kwarto ng four years old na inaanak. Kakatok na sana siya ng mapatigil ng marinig ang boses ni Arlene na tila may kausap sa loob.
“Anong gusto mong laro? Fright night? Ano ‘yun, parang tagu-taguan?”
Hindi niya alam kung bakit tila nagsimulang tumayo ang mga balahibo niya sa may batok ng marinig ang mga sinabing iyon ni Arlene mula sa loob ng kwarto. Wala siyang ibang naririnig na boses kundi kay Arlene.
“Sige na nga. Kailan tayo maglalaro? Mamayang gabi? Ay hindi ako pwedeng lumabas ng gabi eh.”
Hindi na niya napigilan ang sariling kumatok sa pinto ng marinig na tila niyayaya ng kausap si Arlene na lumabas sa gabi. Malapit na sa kanya ang bata at hindi niya hahayaan na maimpluwensyahan ito ng masama basta ng ibang bata.
“Hello Arlene! Happy -” Napatigil siya sa sinasabi ng mabuksan ang pinto at makita ang inaanak na nakaupo sa gitna ng kama.
“Ninong Karlo!” nakangiting bati ni Arlene na hindi umalis sa kinauupuan.
Naglakad na siya palapit sa bata habang inililibot ang paningin sa apat na sulok ng kwarto.
“Gift ko po ‘yan?”
“Ay oo. Heto, happy birthday!” sa wakas ay bati niya ng makaupo sa tabi ni Arlene. “Wow! Thank you po!” ani Arlene ng maabot ang regalo.
“A-arlene, may kausap ka ba kanina?”
“Kanina po?” takang balik tanong ng bata.
“Oo, kanina,” may pag-aalinlangan na sagot niya. Sigurado siyang may kausap si Arlene kanina hindi man niya narinig ang boses ng kausap nito. Pero bakit parang walang ibang tao sa loob ng kwarto. “Narinig ko parang niyayaya ka niya lumabas sa gabi.”
BINABASA MO ANG
Where is Franco? (Published under VIVA PSICOM and featured as TV Series)
Mystery / ThrillerFright Night. Tuwing huling Biyernes ng buwan, bago sumapit ang hating gabi ay nagkikita-kita ang magbabarkadang sina Ryan, Ed, Cez, Kai at Joy sa likod ng isang abandonadong gusali sa loob ng subdivision nila. Kung saan naglalaro sila ng mga larong...