Simula

7.5K 132 0
                                    


Tumutulo ang luhang nakatingin siya sa gate ng pamilya Perez. Ang bahay ng nobyo niyang niloko siya at ipinagpalit sa kaniyang matalik na kaibigan. Gusto niya itong kausapin pero ipinagtabuyan lamang siya nito at ng pamilya nito.

Noon pa man ay hindi na siya gusto ng Ina nitong Mayor ng kanilang bayan. Naka-angat lang ng konti akala mo siya na ang pinakamayaman sa buong Bicol, gayong dati naman itong tulad nila.

"Andrian anak tara na, uulan na." Saktong pagkasabi ng nanay Mila niya ay bumuhos naman ang napakalakas na ulan. Kaya wala siyang ibang nagawa kundi ang umuwi na lamang.

"Nay, baka po lumuwas ako ng Maynila." Sabi niya sa nanay niya kinabukasan nang maratnan niya itong nagbibilad ng damit na nilabhan nito.

Isang labandera ang nanay niya, ang tatay naman niya ay dating security guard sa isang pawnshop. Kaya lamang ng ma-stroke ito ay hindi na ito muling nakabalik sa trabaho. Tatlo silang magkakapatid. Siya ang panganay, sumunod ay si Raul na nasa huling taon nito sa high school. Ang bunso naman nila na si Carina ay grade five pa lamang.

Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral, dahil ang perang pang kolehiyo niya ay ginamit sa pagpapagamot ng kaniyang tatay. Ayos lang naman sa kanya iyon, dahil para rin naman sa kalusugan ng tatay niya ang pinagkagastusan.

"Bakit naman anak? Napakalayo ng Maynila. Saan ka doon mag-uumpisa?" Takang tanong ng nanay niya.

"Nakausap ko po si T'yang, pwede raw doon sa pinagtatrabahuhan niya. Nabanggit niya kasi sa amo niya na naghahanap ako ng trabaho. Kaya ang sabi, doon na lang daw ako." Sagot niya sa kaniyang nanay at tinulungan ito sa pagsasampay.

"Baka naman mapahamak ka doon Rian?" Nag-aalalang sabi nito.

"Nay mabait po si Mr. Dela Vega. At sa pagkakaalam ko mabait rin po yung anak niya. Kasama ko naman po sina Lilibeth at Alona sa pagpunta roon." Tukoy niya sa dalawa pang pinsan.

"Sigurado ka na ba riyan anak? Maayos naman tayo dito. Kailangan pa bang mahiwalay ka sa amin?" Tanong nito habang nakatingin sa kaniya ng mataman.

"Nay ginagawa ko ito para kay tatay, sa mga kapatid ko, sa atin. Gusto kong makapagtapos sila ng pag-aaral na hindi natupad sa akin. At ayaw ko na ring maglabada kayo. Malaki naman daw ang sasahurin ko, kaya hindi niyo na kailangang gawin 'to." Nakangiting panghihikayat niya sa Ina.

"Kung iyan ang gusto mo, hindi na kita pipigilan. Pero mag-iingat ka doon ah. Kapag hindi mo na kaya umuwi ka na dito. Maliwanag ba?" Tumango lamang siya sa kaniyang inay at niyakap ito.

Kung matutuloy siya ay iyon ang unang beses na makakapunta siya sa Maynila.

Sana ay maging maayos ang buhay niya roon.

Road To My Forever [COMPLETED] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon