Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa binatang nasa harap niya ngayon. Pakiramdam niya ay isa siyang batang nahuling nangungupit sa mga oras na ito. Malamang ay sobrang pula na ng kaniyang mga pisngi.
Nakatingin lamang sa kaniya ang binata. Pagdaka'y ngumiti ito at dahan-dahan siyang hinila papalayo sa kusina.
"Kanina pa po ba kayo dumating?" mahinang tanong niya rito. Hindi siya makatingin ng diretso sa amo. Dahil para siyang matutunaw sa titig nito.
"Oo, halos kasunod lang ako ni Chrome." seryosong sagot nito sa kaniya. Nagpasya siyang magpaalam na rito dahil hindi niya na matagalan ang kahihiyang dinaranas. Hindi niya alam kung anong iniisip nito ng mahuli siyang nakikinig sa usapan ng amo niya at ng bisita nito.
"Sandali. Ikaw ba si Andrian?" tanong ni Shunichi. Namula siya sa isiping alam nito ang kaniyang pangalan.
"Opo." nahihiyang sagot niya rito at pilit na ngumiti.
"Wag mo na uling gagawin iyon. At wag mo na rin sanang ikwento sa mga kasama mo ang mga narinig mo kanina." seryosong sabi nito at umalis na bago pa man siya makasagot.
Napalunok siya ng ilang beses at napahinga ng malalim. Nang mawala na sa paningin niya si Shunichi ay kaagad niyang pinakawalan ang ngiting kanina pa niya sinusupil. Kinikilig siya sa kaalamang nakita niya at nahawakan siya ng amo. Kaagad naman niyang sinuway ang sarili nang mapansin ang paglabas ng bisita sa kusina.
"Mukhang maganda ang gising mo ah?" natatawang sabi ni Alona.
"Maganda kasi panaginip ko." pagsisinungaling niya gayong ang dahilan naman talaga niya ay ang binatang amo.
"Sus! Ano naman kaya iyong napanaginipan mo? Na nakita mo na ang iyong prince charming?" pang aasar sa kaniya ni Lilibeth. Agad siyang napangiti dahil sa sinabi nito. Parang ganoon na nga; gusto sana niyang isagot sa pinsan.
"Mag-ayos na kayo at maya-maya lamang ay lalabas na iyong magpinsan." singit ng tiyahin nila. Kaagad naman siyang napaayos nang marinig ang sinabi nito.
Ibig sabihin walang pasok ang kaniyang amo. Makikita niya ulit si Shunichi.
Pero ganoon na lamang ang pagkadismaya niya ng utusan siya ng tiyahin na magdilig sa garden. Nawala bigla ang kaniyang pananabik na makita ang binata.
Sa ilang buwan niyang pagtatrabaho sa mga Dela Vega ay hindi niya maipagkakailang nasisiyahan siya. Mababait ang kaniyang mga amo kahit pa minsanan lamang kung makita niya ang among lalaki.
Natutuwa siya kapag naroon ang mga kaibigan ng mga ito. Lalo na kapag naririnig niya ang malulutong na tawa ni Shunichi. Napansin niya rin ang pagiging maalalahanin nito sa pinsan. Ramdam niya ang pagmamahal nito kay Zerine.
"Oy, Rian, ikaw na bahalang magpatay ng mga ilaw ah, matutulog na kami." paalam sa kaniya ng mga pinsan. Hindi pa kasi siya tapos sa paghuhugas at paglilinis sa kusina.
Nang matapos ay naisipan niyang magtimpla muna ng kape, nilalamig kasi siya. Gusto muna niyang magpainit kahit saglit bago matulog.
Habang hinihigop ang kape ay nagulat na lamang siya nang pumasok si Shunichi sa kusina. Bigla siyang napadaing nang mapaso ng kapeng iniinom.
"Okay ka lang?" seryosong tanong nito nang marinig ang pag-aray niya.
"Opo." mahinang sagot niya at tinutok ang pansin sa iniinom.
Ilang minutong katahimikan ang namayani, akala niya ay nakaalis na ito. Kaya nagulat na lamang siya ng biglang tumikhim ang amo.
"Ahm, may kailangan po kayo?" tanong niyang nahihiya habang pinupunasan ang kapeng natapon dahil sa pagkagulat.