Kabanata 8

2.3K 67 0
                                    

"Mas bet ko si Sir Shun para sayo. Kaysa doon sa hinayupak na Bryan na 'yon." nakangising sabi ni Lilibeth sa kaniya.

Magkakasama silang tatlo sa kusina. Wala ang dalawa nilang amo kaya hindi sila abala ng araw na iyon.

"Andrian aminin mo nga. Kayo ba ni Sir?" seryosong tanong sa kaniya ni Alona.

Tumingin lamang siya rito at kay Lilibeth. Ano bang isasagot niya? Oo na hindi? Ang hirap naman kasi ng sitwasyon nila ni Shunichi.

"Hindi." sabi niya na pinipigilang gumaralgal ang boses. Pakiramdam niya ay tutulo na ang mga luha nya.

"Hindi? Bakit parang iba ang napapansin namin?" takang tanong nito.

Sasagot na sana siya nang dumating ang kanyang tiyahin.

"Andrian pwede ba kitang makausap?" seryosong tanong nito. Tumango lamang siya at sumunod sa tiyahin papunta sa kwarto niya.

"Umamin ka nga, kayo ba o hindi? Wala rito ang mga pinsan mo kaya pwede mong sabihin sa akin ang totoo." natahimik siya sa sinabi nito. Matagal bago siya makasagot. Hindi niya kasi alam kung anong sasabihin.

"Hindi ko po alam." nakayukong sagot niya sa tiyahin.

"Hija, alam mo ba ang pinapasok mo?" tanong ng tiyahin niya habang pabalik-balik ang paglalakad sa harapan niya.

"Mahal mo ba siya?" napatingin siya rito nang itanong nito iyon.

Mahinang tango lamang ang isinagot niya rito. Ayaw niyang magsalita. Baka kasi sa unang salitang lumabas sa bibig niya ay tumulo na ang mga luha niya.

"Mahal ka ba niya?" sa tanong nitong iyon tuluyang bumagsak ang kaniyang mga luha.

Mahal ba siya ni Shunichi?

"Andrian, itigil niyo na yan. Ikaw rin ang masasaktan bandang huli." nag-aalalang sabi nito sabay yakap sa kaniya para patahanin siya.

"Tiyang, pwedeng bigyan niyo muna ako ng panahon? Susulitin ko lang 'yong mga oras at araw na makakasama ko siya." umiiyak na sabi niya rito.

"Andrian."

"Titigil agad ako kapag ramdam kong wala na talagang pag-asa." sabi niya sa tiyahin.

Tango lamang ang nakuha niya sa tiyahin saka ito umalis.

Hindi na muna siya lumabas ng kwarto. Parang biglang sumama ang pakiramdam niya dahil sa mga bagay na iniisip.

Mahal ba siya ni Shunichi o hindi? Kung oo, bakit wala itong sinasabi? At kung hindi naman bakit ganoon na lamang ito kung umakto kapag kasama siya?

Sa kakaisip niya sa binata ay nakatulog na siyang hilam sa luha ang mga mata.

Nagising siya sa naramdamang palad sa kaniyang pisngi.

Si Shunichi.

Naroon na naman ang binata sa kwarto niya.

Bigla siyang napaupo. Naramdaman niyang hinawakan ni Shunichi ang kamay niya.

Marami siyang gustong itanong dito. Pero walang lumabas sa bibig niya.

"Okay ka lang?" tanong nito. Napansin niyang damit pang opisina pa rin ang suot ni Shunichi kaya tumingin siya sa orasan. Alas-once na pala ng gabi.

"Kakarating mo lang?" tanong naman niya rito.

"Oo, kumain ka na ba? Ang sabi kasi sa akin ni Alona, hindi ka raw niya nakitang lumabas ng kwarto mula kaninang tanghali." mahabang sabi nito. Bakas sa mukha ni Shunichi ang pag-aalala.

Road To My Forever [COMPLETED] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon