Gabi, nagpunta ako sa malaking bahay. Habang nagpiprito si Nanay Bintang ng talapya sa likod-bahay gamit ang kalan na de uling, dumeretso ako sa poso at tiningnan ang aking alagang pagong sa batiya na may lamang tubig."Nanay Bintang, pinakain n'yo po ba ng kangkong si Donatelo?" tanong ko,
"Oo pinakain ko na yan kanina!" sagot n'ya.Pumitas s'ya ng bunga ng kalamansi na nakatanim sa gilid ng poso para gawing sawsawan.
"Pumasok ka muna sa loob, kunin mo sa kusina ang patis at dito nalang tayo kumain sa likod." Utos ni lola.
Kaagad akong nagtungo sa kusina para kunin ang patis ngunit 'di ko 'yun makita.
"Nanay Bintang saan po dito!?"
"Nand'yan sa tabi ng lagayan ng mga pinggan!" tugon ng matanda,
"Hindi ko po makita!" sigaw ko,
"Magkakasama d'yan ang patis, suka at toyo!" gigil na sagot ni lola,
"Wala nga po, saan po ba dito?!"Si Nanay Bintang na mismo ang kaagad na pumunta sa kusina para kunin ang patis.
"E ano ito?! talagang ikaw bata ka ayaw mong pagaganahin ang 'yong mga mata. Nasa harapan mo na 'di mo pa makita, kung ahas lang 'yan baka kanina kapa natuklaw!" naiinis na wika ni lola.
Napakamot nalang ako sa ulo at sumunod sa kanya papunta sa likod ng bahay na kung saan ay nakahain ang aming hapunan.
Pagdating sa likod ng bahay ay sabay kaming napatingin sa mesa na kinaroroonan ng pagkain, mga tatlong hakbang ang layo nito mula sa aming kinatatayuan. Nasaksihan namin ang limang pusa na may magkakaibang kulay at laki , nilalantakan ng mga ito ang aming ulam. Napatingin din sa amin ang mga pusa na abala sa pagnguya ng pritong talapya, sabay naming binugaw ang mga ito upang masagip ang ulam.
"WUSSHHUU!!!"
Mabilis na bumaba ng mesa ang mga pusa at kaagad na tumakbo palayo, tangay ang aming ulam. Wala rin kaming nagawa dahil huli na ang lahat, nauna pang naghapunan ang mga pusa kesa sa'min.
"Nanay Bintang, bakit po kasi 'di n'yo tinakpan ang ulam???"
Tumingin s'ya sa'kin at sumagot.
"Aba! sa lagay ba ay sa'kin pa ngayon ang sisi?! ikaw na lang kaya ang tumayong lolo at ako nalang ang apo?!" nayayamot na sagot ni lola.
Inutusan n'ya akong bumili ng dalawang itlog sa tindahan, naiprito n'ya ito at 'yun ang aming inulam. Nang matapos kumain ay umupo kami sa mahabang papag bandang harapan ng malaking bahay at tinanong n'ya ako.
"Kilala mo ba si Pina?"
"Sino pong Pina?" tugon ko.Katulad ng madalas naming senaryo kapag gabi ay nagsimula muling magkwento si Nanay Bintang.
"Si Pina ay isang bata na sa tuwing inuutusan ng kanyang ina ay laging may reklamo, minsan ay inutusan s'ya ng kanyang ina na kuhanin ang sandok ngunit ang sagot n'ya ay 'hindi ko po makita ang sandok!'
inutusan s'yang kuhanin ang walis ngunit ang sagot n'ya ay
'hindi ko po mahanap kung nasaan ang walis!'
inutusan s'yang kuhanin ang pamaypay ngunit ang sagot n'ya ay
'hindi ko po mahanap ang pamaypay!'
Dahil dito ay nagalit ang kanyang ina at nakapagbitaw ng mga salitang ganito,
'Hay naku! magkaroon ka sana Pina ng maraming mata ng makita mo ang mga hinahanap mo!'
Kinabukasan ay tinawag ng ina ang kanyang anak na si Pina ngunit walang sumasagot. Lumabas ito ng bahay, nakita n'ya ang isang kakaibang halaman na tumubo sa kanilang bakuran na mayroong isang nakasibol na bunga. Para bang nababalutan ito ng maraming mata. Pinagmasdan n'ya 'yon at nagwika,
'marahil ay ito ang aking anak na si Pina, nangyari ang mga bagay na sinabi ko sa kanya.'
Simula noon ay hindi na nakita pa ng ina si Pina kung kaya't naipangalan n'ya sa halaman ang pangalan ng kanyang anak, tinawag ang halaman na Pina at 'di naglaon ay tinawag na itong pinya."Matapos magkwento si Nanay Bintang ay muling naglakbay ang aking imahinasyon.
"Ang pangit siguro kapag puro mata ang buong katawan ng isang tao, paano kaya kung isang araw ay mawala na lamang ako at biglang may tumubong pinya dito sa bakuran?"Pumipikit na ang aking mga mata dahil dinadalaw na ng antok kaya kinakailangan nang pumasok sa loob ng bahay para matulog.
📓📓📓
BINABASA MO ANG
DIARY NG TROPANG PROBINSYANO
Non-Fiction📓📓📓 If you're seeking for a non-fictional exciting, jolly and humorous story from a group of friends that based from their original experiences. I highly recommend to read "DIARY NG TROPANG PROBINSYANO" written by Tenrou21...