📓PAHINA 15- Wisik!

21 5 0
                                    


     Hapon. Habang naglalaro kami ng teks sa kalsada ay dumating sila Amay at Jeje, kasamahan nila ang kanilang classmate na bukod sa may pagkakengkoy ay pilosopo pa. Isang bata na mahilig din magbitaw ng mga jokes kaya madali rin itong nakapalagayan ng loob ng buong tropa. S'ya si Jokno, ang batang game rin pagdating sa kalokohan.
     "Anong parte ng katawan ng tao ang nagyeyelo?!" tanong ni Jokno,
     "Ano?!" tugon ng tropa,
     "E 'di ngipin!" sagot ni Jokno.

     Napaisip kami at napatawa dahil nagyeyelo (yellow) ang ngipin ni Amay.

      Isang gabi. Naisipan naming maglaro ng tagu-taguan, si Jokno ang taya kaya nagtakip ito ng mata, yumuko sa isang poste malapit sa kalsada at nag-umpisang magbilang.
    
     "Pagkabilang ko ng sampu nakatago na kayo! 1! 2! 3! 4!...."

     Habang patuloy s'ya sa pagbibilang ay sama-samang nagtago ang tropa sa bukaran ng isang bahay. Sumiksik kami sa kinaroroonan ng mga halamang orchids, mula dito'y 'di na maririnig ang pagbibilang ni Jokno.

     Napagsasagi namin ang mga orchids at nagkabali-bali ngunit 'di namin pinansin 'yon dahil nagmamadali kaming makahanap ng magandang pwesto na aming pagtataguan sa pangamba na baka makita na kami ni Jokno.

     Dumapa kami sa isang sulok na para bang nananalangin ang bawat isa na
huwag sana kaming makita. Naramdaman namin na may paparating malapit sa aming pinagtataguan kaya lalo pa kaming nagsiksikan sa aming pwesto.

     "Nand'yan na si Jokno." Bulong ko sa kanila.

     Halos magkadikit-dikit na ang aming mga mukha sa kinalalagyan namin, hanggang sa may narinig na kaming boses.

     "Magsilayas nga kayo at nagkabali-bali na ang mga orchids ko!" sigaw ng isang ginang na s'yang may-ari ng bakuran.

     Tumayo kaming lahat ng dahan-dahan at 'di na nakatakbo pa dahil halos katabi na namin ito. Dala n'ya ang kanyang tabo at timba na may lamang tubig na ginagamit n'ya sa pagdidilig.

     Habang pinapagalitan naman kami nito ay biglang dumating ang taya na si Jokno, sabay sigaw ng, "Bong Amay! bong Rabby! bong Marvin!"

     Halos binanggit din n'ya ang pangalan ng ibang katropa maliban lamang sa pangalan ng ginang na may-ari ng bakuran.

     Nang papaalis na ang tropa ay kumadlo ng tubig ang ginang at pinagsasabuyan ang kanyang mga halaman.

     "Wwwiissssiiikkkkk!!!!!"

      Nagtaka lamang kami kung halaman lang ba talaga ang kanyang dinidiligan, dahil pati kami ay halos maligo na sa talsik ng tubig.

                                                                        📓📓📓

                                                                        📓📓📓

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
DIARY NG TROPANG PROBINSYANOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon