Nauso ang kalapati. Naalala ko ang mga alagang kalapati ng aking pinsan, tingin ko ay pwede na akong humingi dahil nasa tamang edad na'ko para mag-alaga, 'yun nga lang ay matagal na pala s'yang huminto sa pag-aalaga nito. Nabalitaan ko na 50 pesos ang isa nito sa kabilang baranggay. Tamang-tama, nakaipon ako ng 100 pesos, sapat na para ibili ng isang pares na kalapati kaya kaagad akong nagtungo sa kinaroroonan ng bilihan.Tuwang-tuwa ako ng makauwi, bitbit ang isang pares na kalapati. Isang kulay puti at isang checkered, dinala ko 'yun sa likod ng malaking bahay at doon ginawan ng hawla.
"Parang kailan lang ay nangangarap akong magkaroon nito, pero ngayon ay natupad na!" bulong ng aking isipan habang masaya kong pinagmamasdan ang aking bagong mga alaga.Nalaman ito ng buong tropa, nainggit sila at gumaya. Ngayon ay halos lahat kami ay may mga alaga ng kalapati. Laking tuwa ko nang isang araw ay nakita kong may itlog na sa pugaran, 'di nagtagal ay naparami ko ang aking mga alaga.
Paminsan-minsan ay nagpupunta kami sa malalayong baranggay bitbit ang aming mga kalapati, doon ay sabay-sabay namin itong ihahagis at tsaka kami papalakpak ng malakas habang pinagmamasdan ang paglipad ng mga ito sa alapaap.
Nagagalak kaming makita ang aming mga kalapati na nauuna pang makarating sa aming baranggay lalo na't madatnan ang mga ito na nasa loob na ng kanilang mga hawla, ngunit nag-aalala naman kapag may isang kulang.
Napansin kong may mga kakaibang kulay ng kalapati ang sumama pauwi sa aking mga alaga. Kaya pala, mga kalapati 'yun nila Rabby, Amay at Jokno na nakilala ko dahil sa mga kulay at suot na singsing ng mga ito. Naghagis ako ng patuka sa loob ng hawla na yari sa lambat, pumasok ang mga ito para tumuka at doon ko ito hinuli.
"Siguradong nag-aalala na ang ibang tropa dahil hapon na pero 'di pa nakakauwi ang kanilang mga kalapati," sabi ko sa aking sarili.
May naisip na naman ako. kumuha ako ng ballpen at tatlong maliliit na papel, bawat papel ay sinulatan ko't naitali sa paa ng kanilang kalapati tsaka ko ito pinakawalan.
Kinabukasan, araw ng sabado. Pinuntahan ko si Rabby, bago pa lang n'ya ako nakita ay tawa na ito ng tawa. Nabasa daw kasi n'ya 'yun mensahe na naitali ko sa paa ng kanyang kalapati na may nakasulat na,
"Rabby, bakit ganoon kung tumawa ang tatay mo? tawang manyakis! -M."Nagtungo kami ni Rabby sa bahay nila Jokno, tawa din ito ng tawa habang hawak ang papel na nakita n'yang nakatali sa paa ng kanyang kalapati na may nakasulat na,
"Jokno, bakit ganoon kalaki ang ilong ng tatay mo? dahil ba 'yun sa sinusitis o kamag-anak n'ya lang talaga si Rodolf? -M."Sumama sa'kin sila Rabby at Jokno papunta kila Amay. Nakita namin si Amay na nagpapatuka ng kalapati sa likod ng bahay, wala itong nababanggit tungkol sa mensahe kaya nagtaka ako.
"Hoy! nabasa mo ba 'yung mensahe na naitali ko sa paa ng kalapati mo?" tanong ko kay Amay,
"Anong mensahe?? wala akong nababasa, ano bang nakasulat?" ani Amay.Sinabi ko kay Amay ang tungkol sa papel na may nakasulat na,
"Amay, bakit laging ganoon ang hairstyle ng tatay mo? Idol ba n'ya si Jackie Chan? kung kinakarate ko kaya s'ya! -M."Tiningnan namin ang mga paa ng kanyang mga kalapati ngunit wala kaming nakita, hanggang sa dumating ang kanyang ama dala ang isang tasang kape at tila may dinudukot sa kaliwang bulsa, sabay sabing...
"Marvin, ikaw ba ang nagsulat nito ah?"
📓📓📓
BINABASA MO ANG
DIARY NG TROPANG PROBINSYANO
Non-fictie📓📓📓 If you're seeking for a non-fictional exciting, jolly and humorous story from a group of friends that based from their original experiences. I highly recommend to read "DIARY NG TROPANG PROBINSYANO" written by Tenrou21...