📓PAHINA 22- Miryenda time.

18 7 0
                                    


     Highschool life. Katulad ng public elementary school na pinanggalingan ng tropa ay walking distance lang din ang public high school na aming papasukan. Masaya at exciting dahil masmaraming mga bagong mukha ng estudyante ang makikita na nagmula pa sa iba't ibang baranggay sa aming lugar.

     Natuwa naman kami sa pagbabalik ni Lounar galing Aklan lalo na't nalaman namin na dito na ulit s'ya mag-aaral kasama namin.
     "Mamayang hapon, pagkatapos ng klase, magkita-kita tayo sa malaking bahay." Sabi ko sa tropa.

     Hapon, naisipan namin na maglaro ng chinese kit sa bakuran ng malaking bahay.
     "One, two, three, four, five!" sa ikalimang bilang ay nilakasan ni Lounar ang sipa sa chinese kit na gawa sa tingga na may balat ng candy, humagis ito sa bandang kanan sa kabilang bakuran at sumampid sa ibabaw ng kulungan ng manok na yari sa lambat.

     Si Jokno ang taya kaya lumakdang s'ya sa bakod na 'di kataasan para kunin ang tingga. Mula sa kabilang bakod ay tila napatagal si Jokno.
     "Pssstt! Marvin, halikayo!" Mahina ngunit may diin na sabi ni Jokno.
     "Bakit?" tanong ko habang nakatingin kaming lahat sa kanya.

     Itinuro ni Jokno ang isang kaing na pugaran ng manok at natanaw namin ang maraming itlog, nagkatinginan ang tropa dahil oras na ng miryenda ngunit wala naman kaming mamiryenda.

     Sa oras na ito'y ako naman ang kabado.
     "Wag na at nakakaawa naman ang may-ari," wika ko.

     Ngunit nagsasalita pa lamang ako ay kinuha na ni Jokno ang mga itlog at naiabot kila Rabby at Jonjon samantalang ang ibang tropa naman ay nagpunta na sa likod ng malaking bahay para ihanda ang kawali na pagpiprituhan.

     Wala na akong nagawa, Nakasalang na sa kalan ang kawali na may mantika at nakalapag na ang mga itlog sa mesa.
     "O sige, bumili na kayo ng tinapay para masmasarap ang kain natin." Sabi ko sa tropa habang naiaabot ko kay Jeje ang bente pesos.

     Kumulo na ang mantika, napatingin kami lahat dito at lalong natakam. Dinampot ko ang isang itlog na para bang isang batikan na kusinero, nakatingin lang ang tropa sa ginagawa ko at excited na sa miryenda, pinukpok ko ng kutsara ang itlog.

     "PLOK!" Nang malaglag ang laman ng itlog sa kawali.

    Nagulat kami sa aming nakita. Isang patay na sisiw na may hindi kanais-nais na amoy ang laman nito, bugok pala ang mga itlog na aming kinatatakaman kaya humagalpak na lang sa kakatawa ang tropa.

     "Bahala kayo d'yan, kayo ang maglinis ng kawali!" sabi ko habang nakatakip kami ng ilong.

                                                                        📓📓📓

                                                                        📓📓📓

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
DIARY NG TROPANG PROBINSYANOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon