Dumating ulit sa punto na napakadalang nalang magkasama-sama at makumpleto ang tropa. Bukod kasi sa may pamilya na ang iba ay abala pa sa trabaho sa siyudad kaya kung makauwi man ay kailangan din makabalik agad sa kani-kanilang tinitigilan sa mainland. Hindi na halos umuuwi ng probinsya ang iba lalo na sila Rabby at Eruel na madalas ay buhay barko, sa Singapore naman nagpatuloy ng trabaho si Lounar samantalang sa Qatar naman si Jokno.11:00pm.
Lumabas ako sa aking kwarto. Hinalungkat ko ang mga lumang libro sa isang estante na nakasandal sa dingding, malapit sa hagdanan. Hinahanap ko kasi ang mga luma kong komiks.
"Nasaan naba 'yun?"
Sa aking paghahalungkat ay napansin ko ang isang puting notebook na medyo inaagiw.
"Parang pamilyar sa'kin ang itsura nito ah."
Kinuha ko 'yon, pinaspasan at hinipan. Nang aking buklatin at basahin ang nilalaman ay biglang nagbago ang emosyon na aking naramdaman, tuwa na parang mapapaluha.
"Ito pa 'yung diary ko noong highschool ah, ang diary na required sa subject ni Ma'am Tagumpay."
Halos puro lyrics ng mga kabisado kong kanta ang nakasulat sa diary pero habang binabasa ko 'yon ay nag-flashback sa'kin ang masasaya, makukulit, at makalokohan na eksenang minsa'y naganap sa tropa.
Naalala ko 'yung mga oras na inaakyat namin ang tuktok ng bundok sa lugar namin,
Namingwit ng isda at naligo ng hubo't hubad sa lawa,
Pinapak ang ostiya ng simbahan nong panahon ng kamusmusan,
Nagpi-picnic ng ginataang kuhol kahit bahaw ang kanin,
Nangunguha ng napapanahong prutas kahit 'di kami ang may-ari,
Naglaro ng tagu-taguan kahit mga binata na,
Nagpuyat sa tambayan dahil sa kwentuhan,
Binentahan ng kalapati ang pet lover na pari,
Pinagmasdan ang mga bituin at humiling sa bulalakaw,
Lumundag kada newyear sa paniniwalang tatangkad,
Naging team mate sa liga ng basketball,
Nagsabihan ng sikreto,
Nag bible study,
Nagdamayan sa lungkot at saya,
at marami pang iba (the untold story).Naalala ko rin noong 'di ako nakapag-submit ng diary (project) sa isang minor subject noong college ako.
"Kapag ganyan ka, you wouldn't have a single space in writing!"
-Professor Sampaguita.Matapos mag-flashback ang lahat ay sinabi ko sa aking sarili na kahit 'di ako katulad at kasing galing ng ibang manunulat, 'di man ako makagawa ng isang magandang talaarawan o libro, isusulat ko parin nang malaya kung ano ang dinidikta ng aking puso't isipan sa mga oras na 'yun.
Isang araw.
Habang kumakain ako ng turon at humihigop ng mainit na kape sa kusina ay naisipan kong mag-open ng facebook messenger. May mga bagong mensahe na naman ang mga kolokoy kaya nai-click ko ang group chat ng tropa.
"TARA REUNION TAYO!"
"Hindi nga kayo makauwi e!"
"I-set na ang date!"
"Totoo naba 'yan?!"
"Maniwala sa inyo!"
"NYEEE!!"
"Saan natin gaganapin?!"
"Hoy! mga drawing!!!"
"HAHAHAHA!"
.........(Typing)Ito ang Istorya, ito ang kwento, Ito ang mga nilalaman ng Diary ng Tropang probinsyano.
📓📓📓
BINABASA MO ANG
DIARY NG TROPANG PROBINSYANO
Non-Fiction📓📓📓 If you're seeking for a non-fictional exciting, jolly and humorous story from a group of friends that based from their original experiences. I highly recommend to read "DIARY NG TROPANG PROBINSYANO" written by Tenrou21...