📓PAHINA 12- Anong ikinamatay ni Kropek?

33 6 0
                                    


     Linggo ng umaga. Ginising ako ng aking ina, sinabihan n'ya akong maligo at magbihis. Gusto n'ya kasing dumalo ako sa kids service sa isang Christian church malapit sa'min, kahit inaantok pa ako ay pinilit kong bumangon at sumunod sa gusto n'ya.

     'Yun ang unang beses kong makadalo sa isang gawain ng mga bata na hindi ko kasamahan ang aking mga katropa. Pinagmasdan ko ang mga batang nakaupo sa paligid  at nakiramdam kung anong gagawin, dumating ang isang babae at nagpakilala bilang aming teacher.

     Sa isip ko'y "Tila babalik na naman yata ako sa pagiging estudyante, akala ko'y makakatakas na ako sa senaryong nangyayari sa school dahil bakasyon na."

     Pinatayo n'ya kami at nag-umpisa na s'yang mag opening prayer. Nang matapos manalingin ay pinaupo n'ya muli kami at nagsimula na s'yang magkwento ng istoryang galing sa Biblia.

     Ito'y tungkol sa paglikha ng Diyos sa Kalikasan, sa mga hayop at sa tao.
Naging interesado naman ako sa pakikinig dito at sa katunayan ay nasundan pa ng maraming beses ang pagdalo ko sa gawaing ito.

     Ninamnam ko ang mga kwento at istorya tungkol sa Biblia at minsan ay sabay-sabay din kaming umaawit na may kasamang aksyon sa kantang,
     "Ang mga ibon na lumilipad
      minamahal ng Diyos
      'di kumukupas
     ang mga ibon na lumilipad
     minamahal ng Diyos 'di kumukupas
     wag ka ng malungkot
     o praise the Lord."

     Ngunit habang tumatagal ay nagsimula narin akong magkaroon ng palya sa gawaing ito, hanggang sa natuluyan na nga akong hindi na nakadalo pa. Mas nabigyan ko ng panahon ang paglalaro kasama ang ibang mga bata sa kalsada at napagtuunan ng atensyon ang bago kong mga alagang ibon tulad ni Kropek, ang inakay na ibong kilyawan.

Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa kalsada para ipakita si Kropek sa aking mga katropa, nainggit naman sila dito lalo na si Rabby.
     "Ang ganda ng ibon, kulay dilaw!" sabi ni Rabby na manghang-mangha,
     "Maganda talaga 'to kasi ibong kilyawan 'to e!" pagyayabang ko sa kanila,
     "Sa-saan yan ga-galing Mar-Marvin?!" wika ni Bagyo,
     "Nahingi ko lang!" sagot ko.

     Bumalik ako sa'min para pakainin ang inakay na ibon. Nailapag ko si Kropek sa mesa at kinuha ang mga bunga ng alatiris na nasa tabo na may lamang tubig.

     Bumuka ang tuka nito at nagpapahiwatig na nagugutom. Pinigaan ko ng isang hinog na alatiris ang nakangangang tuka nito, sumiyap ang ibon na para bang sarap na sarap sa katas ng alatires.

     "TWIT! TWIT! TWIT!"

     Muli akong dumampot ng isa pang alatires at piniga sa nakangangang tuka ng inakay, sumiyap muli ang ibon na parang tuwang-tuwa.

      "TWIT! TWIT! TWIT!"

     Tila gutom parin ang inakay na ibon. Dumampot ulit ako ng isa pang alatires at naitapat sa tuka nito, nang pipigain ko na ang alatires ay dumulas ito sa aking daliri at bumagsak sa nakangangang tuka ng inakay.

     "Uggghh!" ng mahirinan si Kropek.

     Kaagad na nalunok ng ibon ang isang buong alatires at bumukol 'yon sa lalamunan nito, napansin kong bigla itong nahirapang huminga.
    
     "Nanay! Tatay! hindi makahinga ang ibon ko!" sigaw ko habang tumutulo ang aking luha, ngunit walang dumarating ni isa man sa kanila.

     Ang kulay dilaw na ibon ay unti-unting bumubughaw.

     "Kropek huminga ka! huhuhu!" sabi ko sa ibon habang marahan kong hinahagod ang leeg nito, umaasa akong maisasalba ko pa ang kanyang buhay.

     Dumating ang isa kong nakababatang kapatid na babae at nakita n'ya akong umiiyak sa harapan ng inakay na kilyawan, kaagad n'ya akong tinanong kung anong nangyari sa ibon ngunit hindi ko s'ya pinapansin.

      Patuloy lang ako sa paghagod sa leeg ng ibon.

     "Kropek parang awa mo na! huminga ka!" wika ko habang umiiyak.

     Hanggang sa lumiyad na ang ibon at biglang tumumba, 'di na ito nakabangon pa. Hindi na gumalaw ang inakay na kilyawan, natuluyan na nga s'yang nagpaalam.

     "KROPEEEEEEEKKK!!!..."

     Isang malakas at mahabang sigaw na may pagdadalamhati habang pinagmamasdan ang walang buhay na si Kropek.

                                                                        📓📓📓

                                                                        📓📓📓

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
DIARY NG TROPANG PROBINSYANOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon