"Tiktilaok!" sigaw ng manok na tandang sa likod ng malaking bahay.Pagmulat ng aking mga mata ay naaninag ko sa bintana ang sinag ng araw, napabalikwas ako sa aking kinahihigaan sabay sabing "Umaga na pala!"
Bumangon ako't nagtungo sa kabilang bakuran, sa kabukiran na kung saan ay naroon ang mga kalabaw, baka at kambing na pag-aari ng iba't ibang tao. Sa isang pilapil ay may mga batang nagpapalipad ng saranggola, sa ibabaw naman ng nakatimbon na dayami ay ang mga batang naglalaro ng wrestling.
Namitas ako ng ligaw na kangkong malapit sa pinagsusugahan ng isang barakong baka. "Ayos na siguro ang dami nito."
"OONGAAAA!" Sigaw ng baka.
Bumalik ako sa malaking bahay at ipinakain ang mga dahon ng kangkong sa alaga kong pagong na si Donatelo.
Nang sumapit ang tanghaling tapat ay naisipan ko munang magpaalam kay Nanay Bintang.
"Nanay Bintang, uuwi muna po ako sa'min."
"O sige, iuwi mo narin itong suman na ginawa ko." Tugon ni lola habang dinudukot ang mga suman sa basket.Sa aking paglalakad, napansin ko ang mga puno ng saging malapit sa poso ng kapitbahay, isa dito ay may nakasibol na malaki at makintab na puso.
Bigla kong naalala ang kwento ni Nanay Bintang.
"Pagsapit ng alas dose (hatinggabi), tumingala ka sa tapat nang puso ng saging at ika'y ngumanga. Hintayin mong pumatak sa'yong bibig ang mahiwagang mutya na magbibigay sa'yo ng kakaibang lakas-kas-kas-kas..." (with matching echo sa huli).
"Pumatak kaya ang mutya kahit na katanghalian?" tanong ko sa sarili.
Tumingala ako't ngumanga sa tapat nang puso ng saging at nagbakasakaling malaglag mula dito ang mahiwagang mutya. Para akong si Juan tamad na nag-aabang sa isang bunga ng bayabas at naghihintay na malaglag ito sa aking bibig.
"AAHHHHH!!"
Halos mangawit ang aking leeg sa pagkakatingala at mangalay ang panga sa pagkakanganga ngunit walang mutya na nalaglag mula sa puso ng saging, hindi rin isang mabalahibo at maitim na lagtaw ang sumulpot sa aking likuran kundi isang batang bulol.
"Marvin, an-anong gi-ginag-ginagawa mo?"
Kaagad kong nilingon ang pinagmulan ng tinig, nakita ko ang isang bata na para bang hinimod ng dila ng kalabaw ang ulo dahil sa kintab at dami ng baby oil sa buhok nito.
S'ya si Bagyo, kung bakit ito ang kanyang naging palayaw? dahil habang isinisilang s'ya ng kanyang ina sa kanilang tahanan ay kasabay nito ang malakas na ulan at ihip ng hangin na dulot ng Bagyong Bebeng.
"Alam mo ba? sabi ni Nanay Bintang, kapag tumingala ka daw at ngumanga sa puso ng saging ay malalaglag ang mahiwagang mutya!" sagot ko sa batang bulol.
"A-anong ma-mahiwag-mahiwagang mu-mutya?",
"Kapag nilunok mo daw ito ay magiging malakas ka!"Umuwi muna ako sa bahay namin upang kumain ng tanghalian. Naiwan si Bagyo sa sagingan, pagdating ko sa bahay ay nakahain sa hapag ang mainit na kanin at pritong talapya. Palibhasa'y naliligiran ng lawa ang aming lugar kaya madalas kaming nakakapag-ulam ng isda. Masayang nag salu-salo sa pananghalian ang pamilya habang ibinibida ko sa kanila ang tungkol sa mahiwagang mutya.
Matapos mananghalian, naisipan kong bumalik sa malaking bahay para manguha ng aratiles. Napadaan akong muli sa may sagingan at napansin ko si Bagyo na nakatayo at nakatingala sa puso ng saging, banat na banat ang bunganga nito sa pagkakanganga.
Napansin din n'ya kaagad na nakatingin ako sa kanya.
"Mar-Marvin, gus-gusto ko-ko rin ng mu-mutya!" ani Bagyo na determinadong makuha ang mutya.
Hindi ko na lamang s'ya gaanong pinansin, dumeretso ako sa bakuran ng malaking bahay at maspinagtuunan ng oras ang pangunguha ng mga aratiles.
📓📓📓
BINABASA MO ANG
DIARY NG TROPANG PROBINSYANO
No Ficción📓📓📓 If you're seeking for a non-fictional exciting, jolly and humorous story from a group of friends that based from their original experiences. I highly recommend to read "DIARY NG TROPANG PROBINSYANO" written by Tenrou21...