📓PAHINA 30- The kwak!-kwak! moments

33 5 0
                                    


     Litera. Kalalabas pa lamang namin sa gate ng school nang may binibida na kaagad si Amay.
     "Pumunta kayo mamaya sa'min, ipapakita ko sa inyo ang bago kong alagang bibe!" Ani Amay,
     "Anong kulay?" tanong ko,
     "Puting-puti!" pagmamalaking sagot ni Amay,
     "Barako ba o dumalaga?" ani Rabby,
     "Dumalaga!, malapit na ngang mangitlog e!" mabilis na sagot ni Amay,
     "Teka Amay, 'diba may practice tayo ng sayaw mamaya sa kabilang baranggay para sa P.E. subject natin?" paalala ng kaklase n'yang si Jokno.
     "Oo nga pala. Sige magpractice muna tayo, pagkatapos ay daanan na lang natin ang mga katropa mamaya at sabay-sabay tayong pumunta sa'min.

     Nagtungo sila Amay at Jokno sa meeting place ng kanilang mga kaklase at naglaan ng oras sa pag-eensayo ng sayaw para sa group performance na required sa P.E., Nang matapos ito'y dumaan muna sila sa bawat bahay ng mga katropa, sama-sama kaming naglakad patungo sa bahay nila Amay makalampas ng bukid, malapit sa bandang ilog.
     "Basta Amay, kapag nangitlog na ang bibe mo at namisa, bibigyan mo'ko ng dalawa ha!" Sabi ko,
     "Ako rin!" hirit ni Rabby,
     "Ako rin bibigyan mo!" Ani Lounar.

     Lahat halos ay nagsabi ng "Ako rin!"

      "Oo! lahat kayo'y makakahingi!" madiin na tugon ni Amay.

     Nang makarating kami sa bakuran nila Amay ay napansin namin na tila may nagaganap na kasiyahan ang barkadahan ng kanyang ama. Hindi namin gaanong pinansin 'yon, basta sumunod na lang kami kay Amay patungo sa likod ng kanilang bahay kung saan naroon ang ipinagmamalaki n'yang alagang bibe na 'di umano'y puting-puti.

     "Bibibi-bibibi-bibibi!" Nang tinatawag ni Amay ang kanyang alagang bibe habang sinisilip ang pugaran sa loob ng malaking hawla na yari sa lambat.

     Nagtaka si Amay dahil sa tuwing tinatawag n'ya ito'y kaagad namang lumalabas mula sa pugaran ang alaga ngunit sa pagkakataong ito'y nakakailang tawag na s'ya pero ni anino man ng kanyang bibe ay 'di n'ya nakita.

     Kaagad na lumapit si Amay sa inuman session ng barkadahan ng kanyang ama.

     "Tatay! tatay! nakita mo po ba ang bibe ko?!" tanong ni Amay.

     Hindi kumikibo ang ama at hindi rin makatingin ng diretso sa mga mata ng anak.
     "Tatay! tinatanong po kita, nakita n'yo po ba ang bibe ko?!"

     Hindi parin s'ya kinibo ng ama nito pero may isang sumagot sa kanya,
     "Lumipad na!" sagot ng isa sa mga kainuman ng kanyang ama.

     Napalingon si Amay sa bandang kaliwa malapit sa puno ng indian mango. Nakita n'ya ang isang planggana at kanyang nilapitan, bumulaga sa kanya ang mga pinaghimulmulan ng balahibo na puting-puti.

     Muli, kaagad s'yang pumunta sa inuman session.
     "Tatay!, ano po 'yang pinupulutan n'yo???!" gigil na tanong ni Amay.

     Talagang hindi parin kumikibo ang ama nito kaya iba muli ang sumagot,
     "Kaldereta!" sagot muli ng isang epal na lasing,
     "Kalderetang ano???!" Ani Amay,
     "Bibe!!" Napilitang sagot ng kanyang ama.
  
     Nagpantig ang pandinig ni Amay, para s'yang si Son Gokou na nag Super Saiyan at nakipagbakbakan sa kanyang ama. Kaagad din namang umawat ang lolo ni Amay na abala at sarap na sarap sa pulutan, naawat ang mag-ama ngunit nagkaroon ng hidwaan.

     "Lumayas ka!!" sigaw ng ama sa anak.

     Ganoon nga ang nangyari, lumayas si Amay sa kanilang tahanan at isang linggong tumigil sa kanyang tiyuhin na may-ari ng isang panaderya. Doon ay naging katuwang s'ya bilang tagamasa ng harina at tagasalansan ng mga tray.

     Naisip kong dapat kaming gumawa ng hakbang para matulungan na mapagkasundo ang mag-ama kaya kinausap ko ang tropa habang wala pa si Amay sa aming tambayan.

     "Isang linggo na ang nagdaan pero may samaan parin ng loob ang mag-ama," wika ko,
     "Anong plano?" tanong ni Rabby,
     "Pagkakasunduin natin sila!" tugon ko,
     "Paano?" ani Lounar, samantalang ang ibang tropa ay nakikinig lang at nag-aabang ng aking go signal.
     "Ganito....." at naipaliwanag ko sa tropa ang mga hakbang na dapat naming gawin.

     Ika-6 ng hapon. Kasama namin si Amay na nagpunta sa kanilang bahay, ipinaliwanag na kasi namin dito ang aming intensyon at ito naman ay kanyang sinang-ayunan.

     Nakita namin ang kanyang ama na nakatayo sa pintuan ng kanilang bahay, nakita n'ya kami na kasama namin ang kanyang anak.

     "Kayo pala Marvin, halikayo at pumasok," paanyaya ng ama ni Amay.

     pumasok ang tropa sa sala at naupo.
     "Narito po kami upang sabihin sa inyo na pinagsisisihan na po ni Amay ang nagawa n'ya laban sa inyo at gusto n'ya pong humingi ng tawad," paliwanag ko,
     "Sana po ay mapatawad n'yo s'ya!" sabak ni Lounar,
     "Oo nga po kasi gusto na talaga n'yang magkaayos kayo," ani Rabby, samantalang ang ibang katropa naman ay tahimik lang at nakikinig.

     Matapos magsalita ang ilan sa mga katropa, ang ama naman ni Amay ang s'yang nagpaliwanag.

     "Alam n'yo, 'di matitiis ng ama ang kanyang sariling anak kaya tatanggapin at tatanggapin ko 'yan sa pamamahay ko. Ang kinakasama lamang ng loob ko, saan naman kayo nakakita ng isang anak na sinuntok ang kanyang sariling ama, nang dahil lamang sa isang bibe!" wika ng ama habang napapaluha ang mga mata nito.

     "Pasensya na po kayo tatay, mangingitlog na kasi 'yung bibe ko na 'yun." Mahinahong paliwanag ni Amay.

     "Kahit pa! nang dahil lamang sa isang bibe nagkakaganyan ka!" giit ng ama.

     Kaagad namang namagitan ang tropa. Sa huli ay ang pagpapatawad, pagkakaintindihan, pagkakasunduan at pagmamahalan parin ang s'yang nanaig sa mag-ama.

     "O'pano? tutuloy na po kami," pagpapaalam ko sa mag-ama,

     "Sige, maraming salamat sa inyo," tugon ng nakangiting ama ni Amay.

     Masaya kaming lumabas ng bahay at nag-paalam habang magkatabi naman ang mag-ama sa pintuan, magkaakbay at nakangiti habang pinagmamasdan ang aming paghayo.

     "Dance with my father again..."

                                                                         📓📓📓

                                                                         📓📓📓

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
DIARY NG TROPANG PROBINSYANOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon