Totoo nga ang sinabi nila Nanay Nellie. Pagkalipat pa lang namin ng tirahan ay inimbitahan na kami ng ilang kapitbahay para makipag-inuman. Nakikita ko na agad sa malayo ang mga mangingisda na nag-aayos ng mesa. May mga kababaihan ding nagluluto ng pagkain para sa salu-salo.
"Ayaw mo bang pumunta? Pwede namang tumanggi kung ayaw mo.." Sabi ni Trion. Napalingon ako sa kanya at kita kong kakatapos niya pa lang maligo. Naasiwa ako dahil tanging pang-ibaba lang ang suot niya. Kahit kailan yata ay hindi ako masasanay sa ganitong sitwasyon.
"Ayos lang. Nakakahiya kung tumanggi. At isa pa, minsan lang naman ito." Sabi ko. Hindi na siya umimik.
Bago pa kumagat ang dilim ay pumunta na kami sa kumpulan ng mangingisda. Mainit na pagbati ang sumalubong sa aming dalawa.
"Nako, Arissa! Pagkagwapo naman ga ng asawa mo!" Sabi nila Aling Teresa na isa sa mga kasundo at kasamahan ko sa palengke kapag nagtitinda.
"Hindi naman ho.." Nahihiya kong sabi.
Magkatabi kami ni Trion habang nakapulupot ang kamay niya sa bewang ko. Siya ay magalang na nakikipagkwentuhan sa mga mangingisda samantalang ako ay asiwang-asiwa. Tanging ngiti lang ang ipinupukol ko sa mga taong pumupuna sa akin.
Nang makita ko sila Helen at ang ilang kasamahan na papalapit ay nakahinga ako ng maluwag. Shet! Makakatakas na rin ako sa wakas.
"Trion.." Tawag ko.
Lumingon siya. Kinabahan ako dahil ilang pulgada na lamang ang layo niya sa akin.
"Why?" Bulong niya sa akin.
"Uhmmm... Doon muna ako kina Helen. Dito ka muna." Sabi ko para makawala. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa bewang ko at saka tumango. Nagulat na lang ako nang bigla niyang halikan ang pisngi ko kaya nanlaki ang mata ko.
"All right.." He smiled. Umulan ng sigawan mula sa mga mangingisda. Hindi ko na naintindihan dahil nagmamadali akong lumapit sa mesa nila Helen.
"Bakit may paghalik? Nasabi mo na?" Nakangising tanong ni Helen sa akin. Umiling ako sa kanya.
"Bakit ko naman sasabihin?" Sabi ko.
"Arissa, asawa mo iyon?" Tanong nila Lian sa akin na parang hindi makapaniwala. "Kung ganoon ay ang swerte mo! Napakagwapo!" Sabi nila na tila kinikilig.
Hilaw na ngisi lang ang isinukli ko. Lumingon ako sa pwesto ni Trion at halos mamula ako nang makita kong nakatingin siya sa akin. Gosh, hanggang dito ba naman hindi siya titigil sa pagtitig?
"Sinabi mo pa! Jackpot iyang si Arissa. Galing yata sa mayamang angkan iyong si Trion!" Halos kurutin ko si Helen dahil sa matabil na bibig nito.
"Malaki ba?" Tawa-tawang tanong ni Estrella. Namula ako sa tanong. Grabe naman talaga!
"Ang alin?" Tanong ko. Humalakhak sila kabilang si Helen.
"Yung ano?" Natatawang sabi ni Helen. Nang makita ko ang malisyoso nilang tingin ay saka ko lang nakumpirma na talagang kalokohan ang tanong nila.
"E-Ewan ko! Hindi ko alam!" Muli silang nagtawanan samantalang ako ay hiyang-hiya sa usapan.
"Ay inosente pala talaga itong si Arissa. Kung ako sa'yo, matanggal ko ng nasunggaban iyan at nang hindi na makawala." Sabi ni Lian na halatang nanunukso.
Hindi na lang ako umimik. Kumuha ako ng isang baso ng beer at sunod sunod na lumagok. Halos mangalahati ang laman ng baso dahil sa biglaan kong pag-inom.
"Nako, patay na. Andyan na si Aleli." Iling iling na sabi ni Lian. Tumingin ako sa tiningnan ng kaibigan. Si Aleli iyong magandang babae na madalas isali sa beauty contest kapag may paligsahan. Maganda si Aleli. Iyon bang ganda na halatang hindi naninirahan sa isla.