Pinagsamantalahang Kahinaan

11 1 0
                                    

Kagabi natulog akong basa ang unan,
Ang mga mata'y luhaan,
Pinilit kitang kalimutan,
Baka sakaling ang utak ay hindi na maguluhan.

Gano'n ba talaga kahirap kalimutan?
Bakit ba ang sakit maiwan?
Ilang beses kong sinubukang iwasan,
Pero mabilis talagang makahabol ang nakaraan.

Hindi lahat ng nakangiti ay masaya,
Hindi lahat ng tumatawa ay walang problema,
Sadyang magaling lang silang itago sa maskara,
Na sa tuwing gabi lamang sila lumuluha.

Malayo sa mga matang mapanghusga,
Sa lipunang mahilig mangutya,
Panandalian akong nakakawala.
Sa sarili ko'y hindi ko na rin magawang makawala.

Gusto kong pumunta sa ibang mundo,
Gusto kong maging panibagong tao,
Masakit na nakaraan ay takpan ng masasayang nabuo,
Ngunit kahit kailan, hindi mo mababago kung sino ang tunay na pagkatao.

Utak mo'y puno ng panibugho,
Patuloy na nawawasak ang iyong puso,
Hindi mo nais na bumalik sa realidad ng mundo.
Ngunit 'di ka rin naman maaring manatiling abo.

Nilanghap mo ang lahat ng usok,
Katawan mo'y naging mapusok,
Habang dahan-dahan niyang itinuturok,
Mistulang baril na sa bibig mo'y nakatutok.

Hindi mo alintana kung ito'y pumutok,
Ni hindi mo alam kung paanong ika'y malapit na sa rurok,
Ngunit bigla mong sinukuan ang mga pagsubok,
Pinatunayan mo sa lahat na tunay kang marupok.

Lalo kang pinahirapan ng puso mong maraming alinlangan,
Andami mong pangangailangan na hindi kayang tustusan,
Ako'y naging alipin ng ating nakaraan,
Patuloy akong naligaw sa kalawakan ng kawalan.

Unti-unti akong nauubusan ng pasensya,
Hindi ko na maramdaman ang iyog presensya,
Paano ko nga ba makukuha ang hustisya?
Kung nagawa mong magpiyansa sa sarili mong konsensya?

Bakit nga ba sa kama,
Lahat ng mali ay nagiging tama?
Kung sabagay, lahat nga ng mabait, sumasama.
Baka sakali, balang araw ay maputol na ang sumpa.

Wala akong lakas na manggago,
Pero paulit-ulit mo lang akong niloloko,
Paano ako makakaalis dito,
Kung kasama kita sa bawat segundo at sa bawat minuto.

Sa halip na manakal,
Pinili kong magmahal,
Ngunit sa kamay na bakal,
Dinurog mo ang pusong pagal na 'di magawang umangal.

Speak Your Heart Out - Spoken Poetry CollectionWhere stories live. Discover now