Chapter 1

1.1K 31 4
                                    

Pinagmasdan ni Abegail ang sarili sa salamin. Suot na niya ang uniform niya para sa unang araw ng klase niya sa Bright Minds Academy, isang prestihiyosong paaralan para sa mga may kaya at talentadong estudyante sa bansa.

Nakasuot siya ng uniporme na karaniwan ay sa anime lang niya napapanood. Nakasuot siya ng puting long sleeve dress na may collar. Nakatali sa leeg niya ang itim at dilaw na guhitang necktie. Pleated ang itim niyang palda. Nakahimlay sa kama ang itim na coat na mahaba ang manggas na may tatak ng Bright Minds Academy.

Maayos din na naka-pony ang buhok niya at mukha siyang fresh dahil sapat ang tulog niya nang nagdaang gabi. Kagalang-galang ang dating niya at hindi mukhang gagawa ng kalokohan o gulo.

Bago ang orihinal na balat na sapatos niya na ipinasadya pa ng tatay niya sa Marikina. Gusto sana nito ng gawa sa Italya pero ipinilit niya na pareho lang naman ang gawang-Pinoy at ang imported. Hanggang kalahati ng binti ang medyas niya na may tatak pa ng logo ng bagong paaralan. Galing pa sa Korea ang peach backpack niya at nag-aabang sa kanya ang kotse na maghahatid sa kanya sa paaralan.

Wala na ang bakas ng batang lumaki sa squatter's area. Siya na ngayon si Abegail Malvarosa, isang tagapagmana.

Halos tatlong buwan na ang nakakaraan, nagbebenta pa siya ng kakanin sa kalye. Sinusuyod niya ang mga eskinita ng Looban para lang makaipon ng pera na maipantawid sa pang-araw-araw na buhay. Ni wala siyang pang-enroll sa public school para sa unang taon niya sa senior high.

Ulila siya sa ina at di niya nakilala ang ama. Lumaki siya sa squatter's area at inaalagaan ng tiyahin at pinsan. Araw-araw kailangan niyang makipaglaban para sa mabuhay - mula sa magnanakaw, manyakis, manloloko na pati samung pisong kakanin ay dudugain pa at mga magnanakaw.

Nagbago ang lahat nang tulungan niya mula sa mga snatcher ang dalawang sosyal na nag-pictorial sa lugar nila. Nasaksak siya ng icepick dahil sa pagtulong. Doon niya nalaman na ang babeng sinagip pala niya ay pinsan niya si ama na si Aiona. At nakilala niya sa wakas ang ama na si Marcel Malvarosa.

Mukhang fairy tale ang buhay niya para sa marami pero ang 'di alam ng mga ito na 'di madali ang mabuhay bilang mayaman. Marami siyang kailangang pagdaanan para patunayan na karapat-dapat siya sa pangalang Malvarosa. Parang sumuot siya sa butas ng karayom bago siya tinanggap sa Bright Minds Academy.

Sinipat-sipat pa niya kung maganda ang pagkakalagay ng necktie niya nang may kumatok sa pinto. "Miss Abby, nakahanda na po ang agahan."

"Sige po. Pababa na po ako," aniya at muling tiningnan ang sarili sa salamin.

"Nasa baba na po ang papa ninyo. Baka daw po ma-late kayo. Unang araw pa mandin ninyo sa eskwelahan."

"Heto na po," aniya at isang beses pang tiningnan ang sarili sa salamin bago lumabas ng kuwarto.

Pinadulas niya ang daliri sa balustre ng hagdan habang pababa. Parang tinatawag siya ng balustre na magpadulas pero pinigilan niya ang sarili. Nangako siya na magiging mahinhin na ang kilos niya at kagalang-galang sa pagpasok sa Bright Minds Academy. 'Di na pwedeng haragan siyang kumilos katulad ng nakasanayan niya. Pati sa pagsasalita 'di na pwedeng barubal.

Minsan hindi siya makahinga dahil iba ang mundong nakasanayan niya. Mahirap siya noon subalit malaya. Siya ang gumagawa ng sarili niyang patakaran. Pero ngayon, limitado ang kilos niya.

Ngumiti siya nang makita ang amang si Marcel Malvarosa na nagbabasa ng broadsheet. "Good morning, Tatay!" bati niya at humalik sa pisngi nito. "Busy na naman kayo diyan sa Candy Crush ninyo. Nag-level up na po ba kayo?"

"Silly. Hindi ito Candy Crush. This is the latest app that I am testing. But this can wait." Isang investor ang ama niya at ngayon ay itinutuon nito ang atensyon sa pag-I-invest sa mga digital platform at application. Nangangapa pa siya doon dahil nito lang siya nabigyan ng cellphone at laptop. Batang Pisonet lang siya para makapag-research sa project dati. Isinantabi nito ang iPad at saka siya pinagmasdan. "Ang ganda talaga ng prinsesa ko. Kamukha ka talaga ng nanay mo."

The Princess Trouble #Wattys2019Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon