MUGTO na ang mata ni Abegail habang nakatitig sa inorder na pagkain sa isang lamesa sa gilid ng kalsada. Katabi niya ang ihawan at wala siyang pakialam kung mausukan man siya at mag-amoy barbeque.
Lumabas siya ng Bright Minds Academy na parang zombie at nagpalakad-lakad sa kalye. Magulo ang isip niya. Tumigil lang siya sa paglalakad nang makita ang tindahan ng ihaw-ihaw at fishball. Nag-aanyaya ang amoy. Naalala niya ang ihawan ng kapitbahay kung saan sila bumibili halos araw-araw.
Naka-isandaang piso siya sa pag-order ng isaw, kwek-kwek, fishball, barbeque, at samalamig. Naririnig niya sa utak niya ag boses ni Aiona na nagsasabing kadiri ang street food dahil puro bacteria at nausukan na ng mga sasakyan. Pinatahimik niya iyon sa pamamagitan ng pagsubo ng isaw. "Masarap. Ito ang gusto ko. Ito ako," usal niya at kwek-kwek naman ang isinubo.
Hindi na importante sa kanya ang opinyon ng iba at ang kasosyalan ngayon. Gusto niya na maramdaman na normal ulit siya - si Abby ng Looban na. Hindi si Abegail Malvarosa na isang heredera pero putik pa rin ang tingin ng iba.
Naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone mula sa loob ng bag. Inilabas niya iyon at lalong nalungkot nang makitang si Roumel ang tumatawag. Napilitan siyang sagutin iyon. "Hello."
"Nasaan ka? Sabi ko sa iyo puntahan mo ako sa The Newsmaker. Galing ka daw sa Rhythm and Movement at Changemakers pero umalis ka na."
Luminga siya sa paligid. "Nandito sa may tindahan ng fishball at ihaw-ihaw."
"The heck! Saan iyan?" anito sa nagpa-panic na boses. "Walang tindahan ng fishball at ihaw-ihaw malapit sa Bright Minds."
"Manong, saan po itong lugar na ito?" tanong niya sa nagpapaypay sa barbeque-han.
"Atimonan Street," sagot ng matandang lalaki.
"Atimonan Street daw," matamlay niyang sagot. "Nandito ako sa ihaw-ihaw ni..."
"Mang Epoy," sagot naman ng tindero.
"Mang Epoy. Malapit sa puno ng acacia."
"Okay, okay. Pupuntahan na kita diyan ngayon. Huwag kang aalis."
Patuloy lang siya sa pagkain hanggang humahangoso na dumating si Roumel. Ipinagpag nito ang palad sa harap ng mukha saka umupo sa harap niya. "Anong ginagawa mo dito? Basta ka na lang umalis nang hindi nagsasabi. Nag-alala tuloy ako sa iyo. Bakit ka napadpad ito? Sobrang layo ng narating mo."
"Gusto ba ninyo ng inihaw ni Manong Jojo?" tukoy niya sa family driver ng mga Vera-Perez. "Ililibre ko kayo."
Umiling ang binata at diskumpiyado siyang tiningnan. "Susunduin ka lang namin. Sana sinabi mo na gusto mong kumain ng ihaw-ihaw. Sana sinamahan na lang kita para 'di na ako nag-aalala. O kaya nag-request na lang tayo sa chef ng cafeteria. Pwede ka naman nilang pagbigyan sa street food na gusto mo..."
"Ayoko nang bumalik doon. A-Ayaw nila sa akin doon, Roumel. Wala akong kwenta sa paningin nila."
"Sinong sila?"
"Yung performing arts group. Ang mga nasa social entreprenuer group. Ayaw nilang lahat sa akin," aniya at humikbi. Sumubo na lang ulit siya ng kwek kwek para pigilan ang bugso ng damdamin. "Ang mga estudyante sa school na sosyal at perfect. Ayaw nila sa akin. Ikaw nga lang yata may gusto sa akin doon."
"Ano bang nangyari sa audition mo?"
"Nag-sing and dance ako ng Mamang Sorbertero tapos nagpaagaw ako ng candy," kwento niya. "Masaya naman ang audience tapos nagkagulo pa nga sila sa candy at chocolates kahit local lang iyon."
Natawa ito. "Ginawa mo iyon?"
"Tawa ka pa diyan. Nagalit sa akin si Aiona kasi ginawa ko daw children's party 'yung audition. Reject ako. Hindi daw ganoong klaseng talent ang kailangan nila. Ayos lang naman iyon sa akin. Hindi ako kasing galing ng iba. Sabi nila mag-training daw muna ako saka ako bumalik."
"How about sa social entrepreneur?"
Napabulalas ng iyak si Abegail. "Pinagbintangan ako na magnanakaw. Hindi daw nila ako matatanggap dahil iyon ang nakarating na balita sa kanila kaya kami nag-away ni Mindy."
"They did that to you?" angil ng binata.
"Kung anu-anong tsismis na kasi ang lumabas sa akin. Pasalin-salin na. Hindi man lang nila ako tinanong kung totoo ng balita ko hindi. Ni hindi nila ako binigyan ng pagkakataon na linisin ang pangalan ko. Hindi rin nila hinintay man lang ang proposal. Kahit daw gaano kaganda ang proposal ko at malaki ang potensyal ko na makatulong sa mahihirap, walang halaga iyon sa kanila dahil naaksahan akong magnanakaw. Para daw sa mahihirap ang purpose nila pero ang dali nilang maniwala sa tsismis."
Tumayo si Roumel na kuyom ang palad. "Kakausapin ko si Makjel. This is an injustice. Hindi ka nila dapat binastos o binigyan ng pagkakataon na patunayan ang sarili mo."
Umiling siya at pinigilan ang braso nito. "Huwag na. Kumain ka na lang ng isaw. Ayoko nang ipilit ang sarili ko sa mga taong ayaw sa akin. Mapapasama ka pa kung ipagtatanggol mo ako."
Ipinilig ng lalaki ang ulo. "Hindi pa rin fair para sa iyo."
"Hindi na. Sa totoo lang iniisip ko kung dapat na ipinagsiksikan ko ang sarili ko sa Bright Minds Academy na iyan. Hindi ko man lang mapatunayan ang sarili ko. Baka mas bagay akong bumalik sa squatter's area..."
"May tiwala ako sa iyo, Abegail. Naniniwala ako sa kakayahan mo. Sabi ko naman sa iyo bukas ang The Newsmaker para sa iyo." Kumuha ito ng panyo sa bulsa at pinunasan ang mukha niya. "Nakalimutan mo na nandito ako para sa iyo."
"Paano kung palpak pa rin? Baka pabigat lang ako sa iyo."
"Subukan mo muna bago mo tanggihan. I will give you an assignment."
"Ano?"
Luminga ito sa paligid. "Halika. Mas maganda na pag-usapan ito sa ibang lugar na mas tahimik para mas maintindihan mo ang offer ko. Game?"
BINABASA MO ANG
The Princess Trouble #Wattys2019
Teen FictionAt nagbabalik si Abegail na mula sa paghahabol ng snatcher sa Looban, naging tagapagmana na siya ng mga Malvarosa. Pasok na pasok na siya sa Bright Minds Academy matapos niyang makapasa sa pagsubok na ibigay sa kanya kung papasa nga siyang matawag n...