Chapter 2

670 23 0
                                    

"Aba'y bakit ba? Wala akong ganitong baunan noon. Sa cellphane lang ibinabalot." Naiinggit si Abegail dati na naka-lunch box noong bata pa siya. Laman ng iba't ibang pagkain habang siya ay nagtitiyaga sa kanin at tuyo. O kaya ay malamig na pandesal o biscuit. Maswerte pa siya no'n dahil minsan wala siyang baon at tatakam-takam lang sa kaklase. "Saka 'di ba sa mga commercial naka-lunch box ang mga batang sosyal at mayayaman? "

Dream come true sa kanya ang magandang baunan. Tapos mga Disney Princess pa ang tatak. Bakit ba napaka-kontrabida ng pinsan niya? Lahat na lang kailangan nitong kontrahin.

"Abegail, hindi ka na preschool!" Sinapo ni Aiona ang noo. "Kahit nga mga preschool ayaw na ng lunch box."

"Wala nga akong ganito kahit noong bata pa ako. Wala akong pakialam sa ayaw ng ibang tao."

"Pagtatawanan ka ng mga elementary students kapag nakita ka. Even preschools hindi na nagbabaon. We have a cafe in case you don't know. They serve good food there."

Umingos siya. "Gusto ko 'yung baon ko."

"But please put it in a bento box. It is more classy. N-Not like that."

"Gusto ko ng lunch box..." giit niya. "Saka mahal ang bili dito. Orig ito na Disney lunch box sabi ng saleslady."

"It doesn't matter. Ang baduy pa rin ng lunch box mo."

"Pagbigyan mo na si Abby, Aiona. Kahit isang araw lang. Maranasan man lang ng pinsan mo na magka-lunchbox. Besides, it is cute," narinig niyang komento ni Roumel sa likuran.

Nang-aasar siyang ngumisi sa pinsan. "Cute daw sabi ni Roumel."

Matalim siyang tiningnan ni Aiona. "Huwag kang sasabay sa akin na mag-lunch mamaya. Huwag mo rin 'yang ihaharap sa maraming tao. Magiging katawa-tawa tayo sa lahat. Madadamay pa ako sa kahihiyan mo."

Lakompake! Kay Roumel lang ako naniniwala.

Natatanaw na ang main building na gawa sa pulang bricks. Kahalintulad iyon ng mga gusali sa Europa at Amerika. Sa gitna niyon ay ang bilog na orasan na nagsasabing alas siyete na ng umaga. Kapag nakikita niya iyon, parang pumapasok siya sa mundo ng K-drama at J-drama. May kalahating oras pa bago magsimula ang klase.

"We are here," pakantang sabi ni Aiona. Kumaway agad ito sa mga tao sa labas pagbukas pa lang ng pinto. "Hi! How's your vacation?"

Nauna na si Abegail kasama ang mga kaibigan nito sa pathwalk. Nagkukumustahan ang mga ito. Habang wala namang pamilyar na mukha sa kanya. Parang isa siyang bata na nawala sa parke o mall.

"Roumel, where have you been? Buong bakasyon mo kaming pinagtaguan. Sa photography workshop ka lang namin nakita tapos 'di ka na sumama sa mga hang out natin," sabi ng isang lalaki na mukhang kaklase ni Roumel. Kulay violet ang buhok nito at may hawak na gitara.

"Busy," sagot ng binata. "Spending time with a new friend. This is Abegail, Aiona's cousin. Abegail, classmates ko, si Lourd at si Florence."

"The lost heiress," sabi ni Lourd na mahaba ang buhok at mas mukha pang babae sa kanya. Nakita na niya ito minsan sa commercial ng biscuit.

"Welcome to Bright Minds Academy," sambit ni Florence at kinamayan siya. "Kaya naman pala hindi namin mahatak si Roumel nitong bakasyon. You should also hang out with us. I play for a band."

"Kapag pinayagan ako ni Tatay na lumabas at isinama ako ni Roumel," sabi niya.

"Ano iyan, Roumel? Bakit ka may lunch box? Pink pa," tatawa-tawang tanong ni Lourd.

"At may Disney princess," dagdag ni Florence na pigil lang bumulanghit ng tawa.

"Akin iyan," angkin ni Abegail at kinuha ang baunan mula kay Roumel.

"Huwag mong sabihin na magla-lunch box ka pa kahit senior high ka na?" nanunuksong tanong ni Lourd. "Kahit mga preschool ayaw na ng lunch box. After all, we can use our ID to buy whatever we want."

"ID?" naguguluhang tanong ng dalaga.

"Well, our ID has an electronic chip. Hindi ka lang basta bibigyan ng chip para makapasok sa loob ng campus. Pwede din maging debit card or credit card iyan para pambili ng pagkain sa cafeteria, pambili ng libro at iba pa. By the end of the week, ibibigay na sa atin iyon. Hindi mo na kailangan ng lunch box, magbaon o magdala ng pera," paliwanag ni Lourd.

"Bakit ka nga ba may dalang lunch box?" tanong ni Florence.

Naitago ni Abegail ang lunch box sa likuran. Nakita niya ang panghuhusga sa mata ng mga kaibigan ni Roumel. Kapag sinabi niya na sa kanya ang lunch box na iyon, tiyak na magiging katatawanan siya sa buong Bright Minds Academy. Pihadong kamumuhian siya ni Aiona kapag pati ito ay naidamay niya sa kahihiyan.

"She's supposed to give it to some random poor street kid. Kaso wala kaming nakita. Hindi ba, Abby?" malambing na singit ni Aiona pero nagbababala siyang tiningnan.

"You are charitable," komento ni Florence.

"Impluwensiya namin sa kanya," singit ni Arianne, isa sa mga kaibigan ni Aiona at miyembro ng girl group na Sassy.

Naimpluwensiyahan? Saan banda? Allergic nga ang Sassy sa mga hampaslupa. Pero bilang palusot, pagbibigyan na niya si Arianne.

Ikiniling ni Aiona ang ulo. "Let's go, girls. Baka ma-late pa tayo sa klase. See you during break, Abby." Pero lumipat ang tingin nito sa lunch box. "Or maybe not."

"Ihahatid na kita sa room mo. Anong baon mo?" tanong ng binata at sinilip kunyari ang lunch box niya.

"Binagoongang baboy. Luto pa ni Manang Selya iyan."

"Wala akong baon. Pahingi ako," ungot ng binata at pinapungay ang mga mata na parang nagpapaawang tuta. "Sabay tayong mag-lunch ni Aiona."

"Kaso ayaw akong kasabay ni Aiona kung may dala daw akong lunch box." At 'di naman kaila sa kanya na mas gustong kadikit ni Roumel ang pinsan.

"Doon tayo sa garden. Mas sariwa ang hangin doon at 'di crowded kumpara sa cafeteria. Sabay tayong kumain mamaya?" alok nito.

"Sige," sagot niya na hanggang tainga ang ngiti. Siya ang pinili nitong makasama. 'Di na masama para sa unang araw niya sa Bright Minds Academy.

The Princess Trouble #Wattys2019Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon