Chapter 19

380 20 0
                                    

"Anong ginagawa mo kasama ang Collosus?" tanong ni Roumel nang sila na lang. Kumakain na siya ng cake at napangalahati na nito ang in-order na lasagna. Kalahating oras pa daw bago sila sunduin ni Tita Graziella. Hindi daw nito basta maiwan ang party dahil may mga importanteng tao itong kausap.

"Sila ang sumama sa akin na manood ng play. Sinamahan din nila akong magpa-interview dahil wala akong kasama," kaswal niyang sagot habang pilit na itinatago ang inis. Masaya na lang siya na nakarating ito nang ligtas kahit na late na late na ito.

"I told you to stay away from them. Kung gusto mo ng kasama, sana pinaiwan mo ang assistant ni Mama pero tumanggi ka daw."

"Dahil ayoko nang mang-abala ng tao. Kaya ko naman ang sarili ko. Inaasahan ko na darating ka sa oras. Kasi ang usapan natin assistant mo lang ako at ikaw ang mag-I-interview. Bakit ako ang lumalabas na masama ngayon? Bakit parang kasalanan ko pa kung may nagmalasakit sa akin?" sunud-sunod niyang tanong hanggang habol ang hininga. Bakit parang latang pinitpit ng martilyo ang puso niya. Hindi niya maintindihan si Roumel.

"Dahil hindi katiwa-tiwala ang mga taong nagmamalasakit sa iyo. I already told you about their background."

"Wala silang ginawang masama sa akin. Di nila ako sinaktan. Di nila ako binastos," pagtatanggol ni Abegail sa Collosus. "Dapat nga magpasalamat ka dahil iniwan nila akong mag-isa kasi wala ka. Di mo ba naisip kung ano ang nararamdaman ko na mag-isa lang ako. Natakot ako. Kung hinintay pa kita, walang mangyayari sa akin. Kung hindi dahil sa pagmamagandang-loob ng Collosus, baka nasa CCP pa rin ako at hinihintay kang dumating. Wala akong napanood na ballet at lalong walang interview. Tapos gusto mo sa kanila pa ako umiwas? Sino ba sa inyo ng Collosus ang nang-iwan sa ere?"

Mariin itong pumikit. "It is not like that."

"Bakit sobrang tagal mong dumating? Naiintindihan ko pa 'yung nasiraan na van. Pero pinasundo ka na ng Grab, hindi ba? Anong oras pa iyon?" tanong niya at inilabas ang cellphone. "Ganoon na ba katindi ang traffic?"

"Hindi ko kasi maiwan si Aiona. Nakapasok siya sa second round audition at niyaya sila na mag-party. Maganda ng chance iyon para mag-network sila na mga talent."

"Ah! Party. Ang galing." Habang parang tanga siya na naghihintay sa lobby, inuna nito ang party. "Nakalimutan mo nang mag-isa lang ako at may usapan tayo. Iyon bang iiwan mo ang assistant ni Tita Graziella, siya na rin ang mag-I-interview para sa iyo?"

"Kinuha niya 'yung cellphone ko. Di daw niya ako pakakawalan hangga't hindi ako nagtatagal sa part kahit kalahating oras. Nangako naman siya na ihahatid niya ako basta magawa ang van ninyo."

Nahampas niya ang mesa. "Ah! Ang galing naman. Sira ang van pero nagawa pang mag-party. Ni hindi ka man lang ba pwedeng maki-text? Kasi kung may gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan."

Bumuntong-hininga ang binata. "Ibinalik lang niya ang cellphone sa akin nang tawagan na siya ng assistant ni Mama."

Gusto niyang sisihin si Aiona dahil sa pagiging makasarili nito. Nangingibabaw lang ang inis niya kay Roumel dahil hinayaan itong manipulahin ito. Parang ayaw niyang maniwala na napipilitan lang ito na sumama kay Aiona.

"Tapos sa halip na mag-sorry ka dahil iniwan mo akong mag-isa at di ka tumupad sa usapan natin, magagalit ka sa akin dahil tinanggap ko ang tulong ng mga taong nagmalasakit sa akin at hindi ako iniwan. Saan mo naman ako ilulugar, Roumel? Bigyan mo naman ako ng konting konsiderasyon. Takot na takot ako kanina. Hindi mo ba ako naisip habang nagpa-party ka kasama ang pinsan ko? Ako 'yung una mong kausap. Sana naman minsan isipin mo rin ako," naluliha niyang sabi at iniwas ang tingin dito dahil naiiyak na siya. "Sobrang unfair mo."

Lumipat ito ng upuan at tinabihan siya. "I am sorry. I know there's no excuse. Dapat ako ang kasama mo na manood ng play. Hayaan mo akong makabawi sa iyo at tuparin ko ang pangako ko..."

"Ano iyon? Ililibre mo ako ng fishball at kikiam? Sa palagay mo ganoon kasimple ang lahat? Huwag kang cheap." Hindi siya basta-basta mapapahinahon. Parang hayop siya na nasugatan. Inilabas niya ang notepad at ihinagis dito. "Ayan na 'yung interiew. Iaayos ko ang detalye bukas at ie-email sa iyo para wala kang masabi. Iyan lang naman mahalaga sa iyo."

"You are wrong. Importante din sa akin ang safety mo. Sa palagay mo ba, bakit ganoon ang reaksyon ko sa Collosus?"

Pinalis niya ang luha. "Sila ba ang nagpahamak sa akin? Sila ba ang naglagay sa akin sa alanganin?"

Huminga ng malalim ang lalaki. "Alam ko, ako ang may kasalanan. I should have tried harder to get here on time. Ano ba ang gusto mong gawin ko para makabawi?"

Nilingon niya ito at itinaas ang baba. "Magpasalamat ka sa Collosus at mag-sorry ka."

"Abby..." puno ng pagtutol na usal nito. "Parang sinasabi mo rin na balewala ang pag-aalala ko sa iyo. They were hooligans. May mga tao silang nasaktan."

"Noon iyon. Iba naman ngayon. O masyado ka bang mataas para hindi man lang mag-thank you o mag-sorry sa kapwa mo kahit 'di mo sila ka-level?"

Natigilan ito. "That's not what I mean."

"Hindi ka perpekto, Roumel. Walang taong perpekto, kahit ikaw. Siguro may pagkakamali ang Collosus pero naging mabuti sila sa akin habang ikaw ang pumalpak. Saka na tayo mag-usap kapag nakapag-sorry ka na sa kanila."

Bumagsak ang anyo nito. "Titikisin mo ako para sa Collosus?!"

Daig pa niya ang nanipa ng cute na tuta sa itsura ng lalaki. Nagtatalo ang puso niya kung palalamapasin niya ito. Si Roumel ang laman ng puso niya kumpara sa Collosus na bago pa lang niyang kaibigan. Hindi madaling tikisin ang binata.

Pero paano naman 'yung mga taong nagmalasakit sa akin nang panahong wala akong kasama? Kapag hinayaan ko si Roumel, ibig sabihin naniniwala ako na masama ang Collosus at 'di ako ligtas sa kanila? Mali yata iyon. Wala akong pinagkaiba sa mga snob ba taong nangmamaliit sa akin. Hindi rin malalaman ni Roumel ang pagkakamali nito at mawawala ang paninindigan nila. Wala namang kinalaman ang pagkagusto ko kay Roumel sa paniniwala ko.

Nagkibit-balikat si Abegail. "Kung ayaw mong bumawi at okay lang naman sa iyo na 'di ako kausapin, e 'di huwag. Natikis mo nga ako kanina na mag-isa, 'di ba?"

"Kapag ba nag-sorry at thank you ako sa kanila, lalayuan mo na sila?"

"Sa palagay mo may karapatan kang makipagnegosasyon sa akin? Wala akong ginawang mali sa iyo. Ikaw ang dapat na bumawi sa akin. Tatanong-tanong ka tapos biglang may kondisyon?" mataray na sabi ni Abegail. Nabuhay ang inis niya dito. 'Di bale sana kung may ginawa akong mali pero wala, wala, wala! Tumayo siya at kinuha ang bag. "Sa restroom na lang ako. Excuse me."

Tahimik siyang umiyak nang mag-isa na lang sa cubicle ng restroom. Ayaw naman niyang tikisin si Roumel dahil ayos lang siya na kasama ito kahit na second best lang siya. Si Aiona ang priority nito. At kahit may mali ang babae, sunud-sunuran ito. At sa huli siya pa ang mali. Siya na dehado, siya pa ang mali.

Di pa nasiyahan si Roumel na dinurog ang puso niya. Kasalanan din niya dahil nag-assume siya. Asang-asa ako. Inilusyon ko pa ang date namin. Ni hindi niya napansin na maganda ako ngayon. Walang kwenta lahat ng paghahanda ko. Mas mahalaga sa kanya na hindi ko siya pinakinggan na layuan ang Collosus.

Naghilamos si Abegail at saka hinarap ang sarili sa salamin. Mabuti nang malaman niya kung saan siya lulugar sa buhay nito. Isa lang siyang taga-squatter na gusto nitong hulmahin at maging sunud-sunuran dito.

Malalaman niya kung gusto ni Roumel na manatili siya sa buhay niya. Kung hihingi ito ng sorry sa Collosus at magpapasalamat, ibig sabihin ay importante siya dito. Ayaw pa niyang bitawan ang nararamdaman niya para kay Roumel. Gusto pa niyang umasa kahit minsan lang.

Please, Roumel. Huwag mo akong bitawan. 

The Princess Trouble #Wattys2019Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon