HALOS madurog ang puso ni Marilyn habang pinagmamasdan ang pamangkin, wala pa rin itong tigil sa pag-iyak. Mahigpit na yakap nito ang kabaong ng ina at pagkatapos ay lumipat naman sa kabaong ng ama.
"Mama!" sambit nito sa pagitan ng pag-iyak. "Papa, sasama ako sa inyo."
Napapikit ng mga mata si Marilyn sa narinig na sinabi ng pamangkin. Sobrang naaawa siya sa bata. Walong taong gulang pa lang ang pamangkin niyang si Maya, pero naulila nang maaga sa magulang.
Mahigpit na niyakap ng matandang babae ang apo na walang tigil sa pag-iyak. Pilit na inilalayo sa mga kabaong dahil ipapasok na ang mga ito sa butas kung saan ilalagak ang mga kabaong.
"Mama!" sigaw ng bata. Umiiyak na nagwawala ito sa mga bisig ng lola. "Papa!"
Mabilis na nilapitan ni Marilyn ang kanyang ina. Kinuha niya ang nagwawalang pamangkin.
"Maya," tawag niya sa pangalan ng pamangkin. Niyakap niya ito nang mahigpit. "Nandito pa naman si Tita Marilyn, hindi kita pababayaan. Mahal kita. Mahal ka namin ng mga lolo't lola mo."
Yumakap sa kanya ang bata habang tuloy pa rin ang pag-iyak
"Tita, hindi ko na ba makikita sina Mama at Papa?" inosenteng tanong nito sa kanya.
Tumingala siya upang pigilan ang luhang sumisilip sa kanyang mga mata.
"Maya, kahit kailan ay hindi ka iiwan ng Mama at Papa mo. Mahal na mahal ka nila. Hindi mo man sila nakikita pero lagi silang nakatingin sa iyo. Babantayan ka nila, Maya..." paliwanag niya sa pamangkin habang hinihimas ang likod nito.
"Totoo po, tita?"
Tumango siya.
"May pupuntahan lang ang Mama at Papa mo, pero lagi ka nilang babantayan. Huwag ka ng umiyak, huh? Ako ang mag-aalaga sa 'yo. Mamahalin kita tulad ng pagmamahal ng mga magulang mo."
Tumango ang bata pero humihikbi pa rin ito.
***
PAGKATAPOS ng libing, tumuloy na muna sila sa bahay ng kanyang kapatid, ang namayapang ina ni Maya. Pinag-usapan nila kung kaninong pangangalaga mapupunta ang bata.
"Iuuwi ko na lang ang aking apo sa probinsiya," sabi ni Aling Dolores.
"No!" agad naman nag-react si Marilyn. "Napakalayo ng inyong probinsya. Paano namin madadalaw ang bata?"
Mabilis naman siyang hinawakan sa kamay ng kanyang ina para patahimikin. "Marilyn!"
"Hindi, 'nay!" piksi niya. "Kung tutuusin, higit na may karapatan tayo kay Maya. Apelyido natin ang ginagamit niya."
Totoo ang sinabi ni Marilyn. Dahil bago pa man ikasal ang mga magulang ni Maya, iniluwal na ito ng ina. At dahil sa hindi naman agad tinanggap ng lalaki ang bata, napilitan silang ipagamit ang apelyido nila sa bata.
Natahimik naman si Aling Dolores. Nakuha nito ang ibig ipahiwatig ng dalaga. Hindi sila boto sa naging asawa ng namayapa nilang anak, ama ni Maya.
"Sa probinsya mabibigyan namin siya ng magandang buhay. Nag-iisang apo lang namin si Maya. Ang lahat ng aming ari-arian sa kanya mapupunta," segunda naman ni Mang Leo, lolo ni Maya sa father side.
"Ang kailangan ni Maya, totoong pagmamahal. Hindi ako papayag na dalhin niyo siya sa probinsya ang bata. Kahit humantong pa tayo sa hukuman ay hindi n'yo makukuha sa amin ang bata!" matigas na sabi ni Marilyn.
"Tita..." Boses ni Maya.
Sabay na napalingon ang mga nasa sala sa mahabang hagdan. Nakita nila ang batang si Maya, nakatayo sa itaas ng hagdan.
"Excuse me," paalam ni Marilyn sa mga kausap. Tumayo siya at tinungo ang hagdan upang puntahan ang bata.
Naiwan naman ang apat na matanda sa sala. Muling pinag-usapan ng mga ito ang kustodiya ng bata.
Inakay ni Marilyn ang pamangkin. Muli niya itong dinala sa silid. Binuhat niya ito at pinaupo sa ibabaw ng kama.
"Maya, pakiusap, huwag ka sumama sa lolo at lola mo sa probinsya. Malulungkot ako," aniyang mahigpit na niyakap ang bata. Gumanti naman ito ng yakap sa kanya.
"Tita, huwag mo po akong ibibigay sa kanila, huh? Dito na lang po tayo sa bahay ni Mama," malumanay na sabi ni Maya.
Hinalikan ni Marilyn ang ulo ng pamangkin. "Oo, Maya. Hindi ako papayag na kunin ka nila sa amin. Kami ang iyong pamilya. Kami ang totoong nagmamahal sa 'yo."
"Talaga po, Tita Marilyn?" inosenteng tanong nito sa kanya. Tumingala pa ang bata kaya nakita niya ang malungkot nitong mukha, namamaga ang mga mata dahil sa pagdadalamhati nito sa pagkamatay ng mga magulang.
"Pangako, hindi ako papayag na makuha ka nila sa amin," paniniguro niya. "Sige na, magpahinga ka muna. Papanaog muna ako sa ibaba." paalam niya sa bata.
"Sige po, tita." Tumango pa ito.
"Gusto mo bang manood ng TV?''
"Opo."
Tumayo si Marilyn, kinuha niya ang remote control ng telebisyon. In-on niya ang telebisyon, saglit na namili ng kids show.
"Ok na ba 'yan o papalitan ko pa?" tanong niya sa pamangkin. Spongebob squarepants ang napili niya.
"'Yan na lang po," malumanay na sagot nito.
Muli siyang naupo sa kama, hinalikan niya sa noo ang bata. Inabot niya ang dalawang malalaking unan at nilagay iyon sa likuran nito. Bahagya niyang pinahiga ang pamangkin. Nakita niya kasi ang panay-panay nitong paghikab. Alam niyang pagod ang bata. Kulang ito sa tulog, dahil ni minsan hindi ito umalis sa tabi ng kabaong ng mga magulang. Lagi itong umiiyak.
Muling nakaramdam ng lungkot at awa ni Marilyn para sa pamangkin. Napakabata pa nito para maulila sa mga magulang.
Car accident ang ikinamatay ng mag-asawa. Kasalukuyang papunta ang mga ito sa trabaho nang mahagip ng malaking truck ang kotse ng mga ito. Masakit din sa kanila ng kanyang magulang ang pagkawala ng mahal nila sa buhay lalo na't panganay ang Ate Esmeralda niya. Mabait, mapagmahal na anak at kapatid.
Naalala pa niya kung paano nito kinaya ang pagbubuntis sa pamangkin niyang si Maya. Kahit alam niyang sobrang nasasaktan ito dahil hindi pinanagutan ng lalaki ang pinagbubuntis nito. Lalo pang nagsumikap sa buhay ang kanyang Ate Esmeralda, nang manganak ito. Mataas ang pangarap nito para sa anak.
Subalit, nang tumuntong sa edad na dalawang taon ang batang si Maya ay muling nagparamdam ang lalaki. Inalok nito ng kasal ang kanyang ate. Siyempre, no'ng una ay hindi sila pumayag dahil sa ginawa nitong pang-iiwan sa ate niya. Pero wala rin naman silang nagawa, mahal pa rin ng ate niya ang lalaki.
Kinasal ang dalawa, nagsama sa iisang bubong bilang isang masayang pamilya. Nakita naman nila ang pagsisikap ng lalaki para makabawi sa mag-ina, kaya natutunan na rin nilang patawarin ito.
Pero sadyang may hangganan ang buhay ng tao. Walang nakakaalam kung kailan kukunin ng maykapal. Kung hanggang saan lang ang buhay na binigay ng Diyos.
Napabuntong hininga si Marilyn. "Lalabas na muna ang tita," paalam niya sa bata.
Inaantok na tumango naman ang bata. Muli niya itong hinalikan sa noo bago siya lumabas ng silid nito.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...