𝕭𝖊𝖓𝖙𝖊 𝖀𝖓𝖔♱

340 8 1
                                    

"MARILYN!"

Mula sa ikalawang palapag, narinig ng dalaga ang sigaw ng kanyang ama.
Parang may kakaiba sa sigaw nito. Hinawakan niya ang kamay ng pamangkin at hinila palabas ng kuwarto.

Pagdating sa sala, nakita ni Marilyn ang tatlong pulis, agad siyang kinabahan.

"Good morning," bati ng dalaga sa mga panauhin. "Sir, maupo po muna kayo."

Umupo ang tatlong pulis sa sofa sa tapat ng kanyang mga magulang. Umupo siya sa isang monoblock chair at pinaupo sa kandungan ang pamangkin.

Napatingin ang tatlong pulis sa bata. Agad naunawaan ni Marilyn ang nais iparating ng mga ito.

"Maya, punta ka muna sa kuwarto mo, ha?"

"Bakit po, Tita?" inosenteng tanong ng bata.

Tumingin siya sa isang pulis bago ibinalilk ang paningin sa pamangkin. "May pag-uusapan lang kaming importante."

Tumango si Maya. Humalik muna ito sa pisngi niya bago bumaba mula sa kandungan niya. Hatid-tanaw niya ang bata na ngayo'y paakyat na sa hagdan.

Tumikhim siya. "Sir, ano po ang maipaglilingkod namin?" kinakabahan niyang tanong. Wala pa rin siyang ideya kung bakit may mga pulis sa tahanan nila.

"Nag-report sa aming tanggapan ang mga magulang ni Miss Perlita De Guia," simula ng isang pulis.

"Bakit, anong nangyari kay Perlita?" tanong ni Aling Pacing. Gumuhit sa mukha ng ginang ang pag-aalala para sa kasambahay. Mabilis namang niyakap ito ni Mang Alfonso.

"Ayon sa mga magulang ni Miss De Guia, nandito siya sa bahay ninyo kahapon?"

"Totoo po, sir. Day off niya kahapon pero pinakiusapan ko siyang tulungan kami sa pagluluto," si Marilyn. Parang sinilihan ang buong katawan niya. Hindi siya mapakali sa kinauupuan. Parang hinahalukay ang buong pagkatao niya sa ginawang pagtitig sa kanya ng babaeng pulis.

"Pero nagpaalam siyang uuwi bandang alas nuebe ng gabi. Pinigilan pa siya ng anak namin at inalok na magpalipas ng gabi sa bahay pero tumanggi siya," singit ni Mang Alfonso.

"Tama ang tinuran ng aking ama. Sinabi sa akin ni Perlita na magkikita sila ng boyfriend niya." Lihim na umusal ng panalangin si Marilyn na sana'y walang kinalaman ang napanaginipan niya kagabi tungkol kay Perlita.

Napuna naman ng isang pulis ang pagiging balisa ng dalaga. "Namumutla ka, miss?"

Biglang nag-angat ng ulo si Marilyn. Pinagsiklop niya ang kanyang mga kamay para pakalmahin ang sarili.

"Kagabi napanaginipan ko si Perlita. Duguan ang buo niyang katawan at nakaluwa ang isang mata niya sa socket nito. Kinakabahan ako at baka may nangyaring masama sa kanya," pag-amin ng dalaga kahit alam niyang hindi siya paniniwalaan ng tatlong pulis.

Tama ang sapantaha niya, dahil hindi pinansin ng mga ito ang sinabi niya.

"Maari bang masilip namin ang buong bahay?"

"Yes. Go ahead, sir."

Nagsimulang halughugin ng tatlong pulis ang buong bahay. Naghiwalay ang mga ito para hanapin ang nawawalang si Perlita De Guia.

"Negative!" sigaw ng isang pulis nang lumabas mula sa isang kuwarto.

Isang ikot pa ang ginawa ng tatlong pulis sa buong bahay pero wala silang makitang bakas na naroroon nga ang babaeng hinahanap.

"The investigation is still ongoing. Wala pa kaming primary suspect dahil hindi pa rin malinaw kung ano ang nangyari kay Miss De Guia."

"Mga sir, paki-update po kami kung magkaroon kayo ng balita kay Perlita," ani Marilyn.

"Magsaliksik na rin kami sa labas baka sakaling may nakakita sa kanya. Aalis na po kami at maraming salamat sa pagpaunlak na masilip namin ang inyong buong bahay. Bahagi iyon ng aming serbisyo."

"Nauunawaan po namin. I-update ninyo kami kung may balita na kay Perlita. Sobrang nag-aalala ako sa kanya. Gaya nga ng sabi ko, apektado ako sa masamang panaginip ko kagabi."

Hinarap siya ng babaeng pulis. "Huwag po muna kayong mag-isip ng negatibo, ma'am. Sige, aalis na po kami."

Kasama ni Marilyn ang kanyang mga magulang nang ihatid hanggang sa labas ng gate ang tatlong pulis. Nang makabalik na sila sa loob ng bahay, malungkot na umupo ang dalaga sa sofa at napahawak sa sariling noo.

***

SA kabilang banda... Sa kahabaan ng highway may kakaibang naramdaman si Mang Kardo sa minamanehong sasakyan. Napansin nitong matigas ang brake pedal at ayaw kumagat sa preno.

Nakaramdam ng pangamba ang drayber ngunit pinilit nitong pakalmahin ang sarili sa takot na baka maapektuhan ang pagmamaneho. Ang kasalukuyang tinatahak na daan ng sasakyan ay ang tinatawag na bitukang-manok sa bayan ng San Jose Magallanes.

Sumulyap sa rearview mirror si Mang Kardo at nakita ang mag-asawang amo na nakapikit ang mga mata. Ngunit sa pagbalik ng paningin nito sa highway ay kinakailangan nang lumiko pakaliwa dahil kung hindi, mahuhulog sila sa bangin.

Pikit-mata na inapakan ng drayber ang brake ngunit hindi pa rin kumakagat ang preno. Nanlalaki ang mga matang napasigaw ito. "Sir, hindi gumagana ang preno!"

Sabay na napadilat ng mga mata ang mag-asawa.

"Anong nangyayari?!" takot na tanong ni Aling Dolores.

"Mahuhulog tayo sa bangin!" muling sigaw ng drayber. Hindi na maitago ang takot sa mukha nito.

"Diyos ko!" sindak na sambit ng ginang sa naghihisterikal na boses.

Niyakap ni Mang Leo si Aling Dolores. Sabay na nanalangin ang mag-asawa para sa kanilang kaligtasan. Pero huli na...

Maririnig ang sigaw na punô ng sindak at takot ang mga sakay ng sasakyan.

At mula sa ilalim ng bangin ay maririnig ang malakas na pagbagsak ng sasakyan. Nagsimulang magliyab ang likurang bahagi ng kotse.

Tuluyan nang nilamon ng malakas na apoy ang buong sasakyan kasama ang tatlong sakay nito.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon