𝕭𝖊𝖓𝖙𝖊♱

322 6 3
                                    

"SEE?" Ipinakita ni Marilyn sa pamangkin ang manika. Nakapatong 'yon sa ibabaw ng tokador. Kasalukuyang nasa loob na sila ng kuwarto ng pumanaw niyang kapatid.

"P-pero totoong nakita ko po si Dolly kanina!" pinagpipilitan pa rin ni Maya ang nakita.

"Dolly is here!" sabi niya sa malakas na boses. Agad naman niyang sinapo ang sariling bibig. Hindi naman niya sinasadyang masigawan ito.

Nakita niyang lumamlam ang mga mata ng bata na tila ba'y kahit anong oras ay babagsak na ang luha sa mga mata.

"Lahat tayo'y nasa panganib, Tita Marilyn!" pasigaw na sabi ng bata. Hindi na napigilan ang sarili na maiyak. Masama ang loob dahil hindi pinaniwalaan ng tiyahin nito.

"M-Maya, I-I'm so sorry… hindi ko sinasadya," tukoy niya sa pagtaas ng boses kanina. Hindi niya binigyan pansin ang huling sinabi ng pamangkin.

Mabilis na lumapit si Marilyn kay Maya. Umiiyak ito at malungkot ang tingin sa kanya. Akmang yayakapin niya ito ngunit mabilis na tumalikod ang bata at tumakbo palabas ng kuwarto.

"Marilyn, kayong dalawa'y lagi na lang nagkakatampuhan," sermon sa kanya ng ina. Kinuha nito ang vacuum na nakasandal sa gilid ng tokador.

"Kasi nama'y pinagpipilitan ni Maya na nakita niya ang manika sa labas ng bahay. Paanong mangyayari 'yon? Heto ang manika, nakaupo sa ibabaw ng tokador."

Kung pagmamasdan nang mabuti ang manika, isa lamang itong normal na laruan na may nakabibighani na kagandahan. Walang buhay.

Napabuntong hininga si Aling Pacing. Naisip ng matanda na may katotohanan ang sinasabi ng anak. At saka, paano nga ba mapupunta sa labas ng bahay ang manika, wala naman itong kakayahang lumakad dahil isa lamang laruan?

"'Nay, sinabi sa 'kin ni Maya na may kakaiba raw sa manikang si Dolly. Pero sa tingin ko, siguro dahil sa pagdadalamhati niya sa pagkawala ng parents niya, nagkaroon siya ng imaginary friend. Para sa bata, may buhay ang manika," mahabang turan ni Marilyn. Naihilamos niya ang mga kamay sa mukha.

"Ikaw ang mas matanda kaya ikaw ang umunawa," anang kanyang ina. "Hala! Puntahan mo muna ang apo ko sa kanyang kuwarto at baka hanggang ngayo'y umiiyak pa rin."

"Opo, 'nay," malumanay niyang sagot.

Lumabas din ng kuwartong 'yon si Aling Pacing. Naiwan ang manika na nagdiriwang ang kalooban nang may kagalakan.

Narinig ng manika ang pag-uusap ng mag-anak sa sala kaya agad itong nakaakyat sa kuwarto kung saan ay ginawang kulungan nito.

Bumaba ang manika sa aparador at itinago ang ginamit na kutsilyo sa ilalim ng kama na naroon. Muli ay sinubukan ng itim na kaluluwa na makaalis sa katawan ng manika ngunit nabigo ito.

Nagngingitngit ang kalooban na umakyat muli sa tokador ang manika.
Nasasabik na itong makipagpalitan ng katawan kay Maya.

NAKAILANG katok na si Marilyn sa pinto ng kuwarto ni Maya pero hindi pa rin binubuksan ng bata ang pinto.

"Buksan mo ang pinto, Maya," aniya sa malumanay na boses.

"Leave me alone!" sigaw ng bata sa loob ng kuwarto.

"Please, Maya..." Muli siyang kumatok sa pinto. "Mag-usap muna tayo."

"Ayaw mong maniwala sa sinasabi ko eh!" muling sigaw nito.

"I'm sorry, okay?" matapat niyang sabi.

Biglang tumunog ang cell phone niya na nasa bulsa ng shorts niya. Mabilis niya itong kinuha. Napakunot ang noo niya nang makita ang numerong hindi naka-save sa contact list niya.

"Hello?" bungad niya nang sagutin ang tawag.

"Hello, Miss Marilyn Cruz?"

"Yes, sino po sila?"

"Ako po si Teacher Odette Santos. Nais ko lang pong ipaalam na patay na si Mrs. Castillo. Ang libing niya'y sa darating na linggo. Hinihikayat po namin ang lahat ng mag-aaral sa Karawisan Elementary School na dumalaw sa huling gabi ng lamay niya."

Hindi siya nakasagot agad. Nabigla siya sa naring na balita. Inaasahan niyang nasa maayos na kalagayan ang principal ngunit patay na pala ito.

"Miss Cruz, nandyan ka pa ba?"  tanong ng nasa kabilang linya.

"Y-yes po, ma'am," sagot niya. "Medyo nabigla lang po ako sa masamang balita."

"Pupunta ba kayo ni Maya sa huling gabi ng burol ni Mrs.Castillo?"

"Kakausapin ko po muna si Maya. Tatawag na lang po ako sa iyo, Ma'am Odette."

"Sige. Tumawag lang ako para ipaalam na patay na si Mrs. Castillo. Ibaba ko na ang phone. Bye!"

Natitigan niya ang hawak na cell phone pagkatapos nilang mag-usap ng guro. Hindi pa rin siya makapaniwala na patay na si Mrs. Castillo. Napakabilis ng pangyayari.

Muli siyang kumatok sa pinto ng kuwarto ng pamangkin.

"Maya, buksan mo ang pinto at may sasabihin ako sa iyo. Tungkol ito sa principal teacher mo sa school." Naghintay siya nang ilang sandali. Sa wakas, pinagbuksan siya ng pinto ng bata.

"Ano pong nangyari kay Mrs. Castillo?"

"Maya, 'wag ka nang magtampo sa akin, ha? Mahal na mahal kita at alam mo 'yan," sa halip 'yon agad ang nanulas sa bibig niya. Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang pamangkin.

"Tita, gusto ko lang naman magsabi sa iyo ng totoo. May buhay si Dolly at masama siyang manika!"

"Ssh… Huwag muna natin pag-usapan si Dolly. Gusto ko lang sabihin sa iyo na wala na si Mrs. Castillo," aniya at niyakap nang mahigpit ang bata.

Sandaling napamaang ito. "Y-you mean, she's dead?"

Tumango siya. Bahagyang lumayo sa kanya ang bata.

"Tita, tinulak po ni Dolly si Mrs. Castillo pababa ng hagdan," pagtatapat ni Maya.

"Anong sinabi mo?" Tuluyan niya nang binitiwan ang pamangkin.

"Yes, Tita. Tinulak po ni Dolly si Mrs. Castillo," ulit nito.

"P-pero paano mangyayari 'yon?" Hindi pa rin siya makapaniwala sa sinasabi ng pamangkin. Lalo na't si Dolly ay isang hamak na laruan lamang.

"Believe me, Tita. Masama si Dolly. Nagiging bata rin siya minsan. Nakikita at nakakausap ko siya."

Nasapo niya ang sariling noo. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba ang sinasabi nito. Tinitigan niya ito sa mga mata.

Isa lang ang nabanaag niya sa mga mata ni Maya... takot.







Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon