𝕯𝖎𝖘𝖎 𝖔𝖘𝖙𝖔 ♱

341 6 0
                                    

MATAPOS mag-half bath ay binalot ni Marilyn ng tuwalya ang katawan ng kanyang pamangkin at agad na kinuha ang ternong pajama nito.

"Maya, magdasal ka bago matulog, ha?" paalala niya habang binibihisan ito.

"Yes, Tita," sagot naman ng bata.

Pinaupo niya ang pamangkin sa kama. Inabot niya ang suklay na nasa tokador at sinuklay ang mahaba nitong buhok.

"Goodnight, Maya." Mabining hinalikan niya ito sa noo.

"Goodnight po, Tita." Humalik din ito sa pisngi niya.

"Mag-shower lang ako," paalam niya rito.

"Tita, dito ka ba matutulog sa kwarto ko?"

Tumango siya. Inayos niya ang unan at ibinigay dito ang malambot na kumot.

"Tita, magdadasal na po ako. Inaantok na ako." Pumikit ito at nagsimulang magdasal.

Nang matapos magdasal si Maya, inihiga niya ang bata at kinumutan.

Lumapit si Marilyn sa aparador ng pamangkin. May mga pantulog din siyang nilagay doon para kahit anong oras na gusto niyang matulog sa kwarto ng bata, hindi na niya kailangang pumunta sa kwarto niya para lang kumuha ng maisusuot.

Kumuha siya ng ternong pajama na may print ng cartoon character na si Spongebob. Humihikab pa siya nang tinungo ang banyo para maligo.

***

NAGMAMADALING tinungo ni Perlita ang malaking gate. Napag-usapan nilang magkasintahan na susunduin ito ng alas-nuwebe ng gabi.

Binuksan na ng dalaga ang gate nang makarinig ito ng kaluskos na nagmumula sa punô ng avocado malapit sa gate.

Hindi ito nakaramdam ng takot dahil ang tanging nasa isip nito'y daga o pusa lang ang naroon sa puno.  Lumabas ito nang hindi napapansin ang maliit na nilalang na mabilis ding lumabas ng gate.

"Ay, kalabaw ka!" gulat na bulalas ng dalaga. May naapakan itong matigas na bagay. "Manika?" dagdag na sabi nito habang pinupulot ang manika na nakadapa sa semento.

Napangiti si Perlita at pinagmasdan nang mabuti ang manika. Ang manika na ito ay kay Maya. Napakagandang manika. Siguradong magugustuhan ito ng aking bunsong kapatid!

"Kahit luma ka na at medyo creepy, ang ganda mo pa rin, Dolly!" Hinaplos nito ang mukha ng manika. "Napakaraming magagandang laruan si Maya. Baka nagsawa na siya sa 'yo at itinapon ka. Pero sayang ka, kaya iuuwi na lang kita. Mapapakinabangan ka pa ng kapatid ko."

Hindi napansin ng dalaga ang mga nakatagong kamay ng manika sa likod nito. May hawak itong patalim na nakita sa likod ng bahay. Ang kutsilyong ginamit ni Mang Alfonso kanina habang nag-iihaw ng isda.

Gayon na lamang ang gulat ni Perlita nang makita ang manika na nakangisi. Umarko ang mga kilay nito at ang mga mata na kasingdilim ng gabi ay nabuhay. Nagtaas ito ng kamay na may hawak na kutsilyo, kumikinang ang talim dahil sa liwanag mula sa post lamp. Nanlamig at kinilabutan ang dalaga.

Humagikgik ang manika at sinaksak sa leeg at mga mata si Perlita. Hindi na makasigaw ang dalaga dahil sa tindi ng takot na nararamdaman. Nabitiwan ng dalaga ang hawak na manika.

"Isa kang demonyo!" sindak na sigaw ni Perlita. "Tulong!"

Walang nakarinig sa sigaw ng dalaga dahil nasa labas na ito ng gate at malayo pa ang pagitan ng mga bahay doon. Pasuray-suray ito at hindi namalayan na nakatayo na pala sa gitna ng kalsada.

Humahalakhak sa tuwa ang manika habang umaakyat sa gate para muling makapasok sa bakuran. At ang mga mata nitong 'sing dilim ng gabi ay masayang pinagmamasdan ang pasuray-suray na dalaga dahil wala itong makita at nakahawak pa rin sa leeg.

"Tulong!" hinging saklolo ni Perlita. Hindi na ito makasigaw dahil may butas ang lalamunan nito dahil sa tinamong saksak. Wala rin itong makita dahil duguan ang mga mata na ang isa'y lumuwa na sa eye socket.

***

SA kabilang banda, makikita naman ang isang motorsiklo na paparating, nakangiti ang rider dahil muli nitong makakasama ang kasintahang si Perlita.

Bahagyang binagalan ng rider ang pagpapatakbo ng motorsiklo dahil nakita nito sa side mirror na may isang trak. Trak ng basura pero walang laman. Umaalingasaw ang amoy kapag umihip ang hangin.  Mabilis ang takbo ng trak. Kaya minabuti ng rider na ihinto muna ang motorsiklo sa gilid ng kalsada para makaiwas sa aksidente.

"Pare, tigil!" Nanlaki ang mata ng lalaking katabi ng driver sa loob ng trak. May nakita itong babaeng pasuray-suray sa gitna ng kalsada.

Nataranta ang driver ng trak. Inapakan nito ang preno ng sasakyan ngunit huli na, dahil nahagip na ng trak ang babae.

Tumilapon sa malayo ang katawan ng babae.

"Ano'ng gagawin natin?!" hintakot na tanong ng lalaki sa kasama.

"Pare, ayokong makulong! Halika, tulungan mo akong isakay ang babae sa trak!" naghihisterikal na sabi ng driver. Ipinarada nito ang trak na sa gilid ng kalsada.

"Paano kung napatay natin ang babae, pare?" natatakot na wikang muli ng lalaki.

Itinulak ng driver ang kasama at bumaba rin ito ng trak. Nagpalinga-linga ang dalawang lalaki, wala masyadong sasakyan ang dumadaan sa lugar na iyon.

"Hayón ang babae! Bilisan mo, tulungan mo ako!" sigaw ng driver.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon