𝕭𝖊𝖓𝖙𝖊 𝕿𝖗𝖊𝖘♱

334 6 3
                                    

NANLULUMO na muling umupo sa sofa si Marilyn. Positibo siyang si Perlita ang babaeng nakita sa dumpsite. Lalo na nga't nabanggit ang kanilang lugar kung saan daw ito nasagasaan.

Maging si Mang Alfonso ay hindi rin makapaniwala sa napanood na balita. Nanginig ang kamay nito nang patayin ang telebisyon.

"Itay, anong gagawin natin?" tanong niya sa ama.

"Hindi pa tayo sigurado kung si Perlita nga ba ang babaeng nakita nilang bangkay," wika ni Mang Alfonso, nabahala ito sa nakikitang pag-aalala sa mukha ng anak.

"Si Perlita 'yon, 'tay. Iyon ang kasuotan niya nang gabing umalis siya rito," sabi niyang mangiyak-ngiyak na. Naaawa siya sa sinapit ni Perlita. Kung alam lang sana niya na sasapitin 'yon ng dalaga, sana hindi na talaga niya ito pinaalis ng bahay. Sobrang na-guilty siya sa nangyari rito. "Kasalanan ko ang nangyari kay Perlita," sa pagpapatuloy niyang sabi.

Niyakap siya ng kanyang ama. Umiyak siya sa balikat nito. "Ssh. . . 'nak, 'wag mong sisihin ang iyong sarili. Walang may gusto sa nangyari kay Perlita. Sadyang ganyan ang buhay. Hindi natin alam kung kailan tayo kukunin ng Panginoon. Maaaring hanggang dito na lang ang misyon niya sa mundo," mahabang eksplanasyon nito.

"Pero hindi ko mapigilan sisihin ang aking sarili sa nangyari sa kanya, 'tay." Wala pa rin siyang tigil sa pag-iyak.

Sa gano'n tagpo sila naabutan sa sala ng kanyang ina na may hawak pang sandok sa kaliwang kamay.

"O, anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Aling Pacing sa asawa. "Bakit umiiyak ang anak mo?"

Agad na niyakap ni Marilyn ang ina. Halatang nalilito pa rin ito. "Si Perlita, 'nay..." mahinang sambit niya.

"O, nakauwi na raw ba siya sa kanila?" tanong nito sa kanya.

"Patay na po si Perlita!"

"A-ano kamo?"

"Wala na si Perlita. Patay na siya!"

"Diyos na mahabagin!" Hindi makapaniwala sa narinig si Aling Pacing.

Naramdaman ni Marilyn ang bahagyang pagtulak sa katawan niya ng ina.

"Tama ang iyong narinig," sabad ng kanyang ama.

"Sandali!" Hinarap siya ng kanyang ina. "Marilyn, ano ba ang nangyari kay Perlita?"

Ang kanyang ama nang nagsabi sa kanyang ina kung ano ang nangyari sa kasambahay nila. Maging ito'y naiyak rin matapos marinig ang kalunos-lunos na sinapit ng dalaga.

MORTUARY in hospital. Kinilala ng mag-asawang Mang Tasyo at Aling Loleng ang bangkay ng isang babae na nakita sa dumpsite.

Ang matandang lalaki ang nagtanggal ng puting tela na nakatakip sa buong katawan ng bangkay.

"Perlita!" panangis ng mag-asawa.

"Anak!" Mahigpit na niyakap ni Aling Loleng ang wala nang buhay na katawan ng panganay na anak.

"Diyos ko! Bakit ang anak ko pa?!" Umiiyak na sinuntok ni Mang Tasyo ang dingding ng ospital.

Bilang mga magulang, napakasakit para sa mag-asawa ang biglaang pagkawala ng panganay nilang si Perlita. Kalunos-lunos ang sinapit ng kanilang anak. Hindi na nakontento sa pananaksak sa anak nila ang dalawang suspek, sinagasaan pa ng truck.

Walang may ibang nakakaalam sa totoong sinapit ni Perlita. Maging ang mga pulis mas pinaniniwalaang alibi lang ng mga suspek na hindi ang mga ito ang sumaksak sa biktima. 

Mas pinanigan ng batas ang alam nilang katotohanan na ang dalawang suspek ang pumatay sa dalaga. Sa hinagap, hindi kailanman iisipin ng kahit sino, na ang totoong salarin sa pananaksak ay isa lamang laruan. Ang manikang si Dolly.

"Mga hayop! Wala silang awa!" Parang gustong magwala sa galit na nadarama ang matandang lalaki.

"Sir, huminahon po kayo." Nag-aalalang nilapitan ng babaeng pulis si Mang Tasyo. Nangamba itong baka atakihin ng kung ano mang sakit na mayroon ang lalaki, lalo na't may katandaan na.

"Napakasama nila! Napakabait ng aming anak, tapos gano'n lang kadali para sa kanilang kunin ang buhay ng aming si Perlita!" Panangis ni Mang Tasyo. Sa labis na paghihinagpis ay lumupasay ito sa sahig.

"Sir, 'wag po kayong mag-alala. Sisiguraduhin naming mabubulok sa kulungan ang dalawang suspek na pumatay sa inyong anak," anang babaeng pulis na si SPO1 Vanessa Castro; isa ito sa mga naatasang sunduin ang mga magulang ng biktima. Ito rin ang nakahuli sa ikalawang suspek.

"Dapat lang! Kulang pa ang mga buhay nila sa buhay na kinuha nila sa amin!" galit na sabi ni Mang Tasyo. Nilapitan nito ang umiiyak na asawa na yakap pa rin ang walang buhay na anak.

"Tasyo! Wala na ang ang ating anak!"

Umiiyak na yumakap si Aling Loleng kay Mang Tasyo. Nagwala ito sa labis na sama ng loob hanggang mawalan ng ulirat sa mga bisig ng asawa.

"Tulong!" sigaw ng matandang lalaki.

Makakatulong ang apat na pulis na binigyan ng first aid si Aling Loleng. Habang kabado naman sa isang tabi ang asawa nitong si Mang Tasyo. At nang makitang muling bumalik ang malay ng asawa ay niyakap ito nang mahigpit.

"Ma'am, alam po naming masakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Pero hindi po makabubuti sa inyo ang labis na depresyon lalo na't may mga anak pa kayong naghihintay sa bahay ninyo," mahabang sabi ng isang lalaking pulis na si SPO1 Caoagdan; ito ang isa sa mga pulis na pumunta sa bahay ng ate ni Marilyn para mag-imbestiga.

"Kami na po ang bahala sa mga suspek. Sinisiguro namin sa inyo na hindi sila makakalabas ng bilangguan. Mabibigyan natin ng karampatang hustisya ang pagkamatay ng inyong anak. Hindi niyo na rin iisipin pa ang bayarin dito sa morgue at maging sa pagpapalibing ng inyong anak," ang sabi ni SPO1 Castro.

Mahirap lang ang pamilyang pinagmulan ng biktima na si Perlita. Kaya ang pamunuan na ng munisipyo mismo ang nag-offer ng tulong na mailabas sa morgue ang bangkay. Sinagot na rin ng alkalde ng Sitio Kamias ll, lalawigan ng Cavite ang pagpapalibing sa biktima. Nagpaabot din ito ng pera para makatulong sa naiwang pamilya ng dalaga.

"Maraming salamat sa tulong ninyo mga tsip! Ang mahuli ang dalawang suspek ay napakalaking tulong na para sa amin upang mabigyan hustisya ang pagkamatay ng aking anak," wika ni Mang Tasyo. Mahigpit pa ring yakap nito ang asawang hindi pa rin matigil-tigil ang pag-iyak.

"Ginagawa lang po namin ang aming trabaho," tugon ni SPO1 Castro.

Inakay ng mga pulis ang mag-asawa na lumabas ng silid na 'yon upang maayos ng mga morgue staff ang bangkay ni Perlita.



Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 06, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon