PAGKATAPOS pagsaluhan ang dalang pizza ng dalaga, hinarot naman ni Marilyn ang pamangkin. Pinupog niya ito ng halik.
"Tita, nakikiliti po ako!" humahalakhak na hinuhuli ni Maya ang kamay niya.
"Hmm... ang bango ng batang ito, huh!"
"Aray!" sigaw ni Maya habang hawak ang sugatang braso.
"Oh, I'm sorry! Napadiin yata ang kiss ko," aniya sa pag-aakalang iyon ang dahilan kung bakit ito nasaktan.
"No, Tita."
"Bakit mo tinatakpan ang braso mo?" tanong niya pero hindi ito sumagot. Hinawakan niya ang kamay nito pero umiwas ito.
"'Wag po–"
"Maya," putol niya sa sasabihin nito. Tinitigan niya ito. "Ipakita mo sa akin ang iyong braso."
"P-pero..."
"Sige na, Maya. Gusto kong makita kung ano ang tinatakpan mo sa braso."
Bakas sa mukha ng bata na nag-aalangan itong sumunod sa kanya. Nagyuko ito ng ulo saka inalis ang kamay na nakatakip sa braso.
Mabilis na hinawakan ni Marilyn ang braso ng pamangkin nang makitang may mahabang sugat doon at may dugo pa.
"Oh, God! I'm sorry. Hindi ko sinasadya, Maya. Hindi ko napansin na nakalmot pala kita," nag-aalalang sabi ng dalaga.
"Anong nangyari sa apo ko?" tanong ni Aling Pacing.
"'Nay, pakikuha ng alcohol at betadine. Nasugatan si Maya."
"Nasobrahan kasi kayo sa harutan," sermon pa ng ina sa kanya bago nito lisanin ang sala.
Hindi niya pinansin ang tinuran ng ina. Mas nakatuon ang pansin niya sa mahabang sugat sa braso ng bata. Malalim ang kalmot sa balat nito kaya labis siyang nag-alala.
"Hindi mo kasalanan, Tita Marilyn."
Nagawa pa siyang pagtakpan ng pamangkin.
"Hindi ko sinasadya," she was really guilty. Niyakap niya ito nang mahigpit. Napabitaw lamang siya nang makitang papalapit ang kanyang ina.
Sinimulang linisin ni Marilyn ang sugat ni Maya. Panay naman ang pangaral ni Aling Pacing sa dalaga.
"Aray!" daing ng bata at hinila ang braso.
"Tiisin mo ang sakit. Kailangan nating linisin at gamutin ang iyong sugat." Muling napaungol ang bata nang buhusan niya ng alkohol ang sugat nito. "Hindi ko talaga sinasadya, Maya."
"Tita, hindi ikaw ang gumawa nito," tukoy ng bata sa sugat. Bahagyang natigilan si Marilyn. "Si Dolly, siya ang may gawa nito."
"Maya, hindi mo kailangang magsinungaling."
"Hindi po ako nagsisinungaling."
Nagkatinginan silang mag-ina dahil sa tinuran ni Maya.
"Ako ang may gawa nito," tukoy niya sa sugat nito sa braso. "Paano ka sasaktan ni Dolly, manika lang siya. Isa siyang laruan."
"Nagsasabi po ako ng totoo, Tita. Nagalit sa akin si Dolly. Ayokong makipaglaro sa kanya kaya sinaktan niya ako."
Bumalik ang tingin ni Marilyn sa kanyang ina. Nagkibit balikat lang ito at muling umupo sa sofa katabi ng kanyang ama na abala sa panonood ng telebisyon.
Huminga siya nang malalim at tumingin sa mga mata ni Maya. Hinawakan niya ang magkabilang balikat nito. "Manika si Dolly, walang buhay. Hindi ka niya kayang saktan."
Sinusubukan niyang ipaunawa sa bata na ang mga bagay tulad ng mga manika ay walang kakayahang gumalaw o magsalita, maliban kung pinapagana ng baterya.
Iniisip niya na baka may imaginary friend ang pamangkin lalo na't minsa'y naririnig niya itong parang may kausap.
"Hindi ako nagsisinungaling!'' sabi nito sa mataas na boses. "Hindi ordinaryong manika si Dolly. Buhay siya!" Binawi nito ang sariling braso at tumakbo papalayo sa kanya habang umiiyak.
"Maya!" tawag niya sa pamangkin. Nakita niya itong umakyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag. Hindi ito lumingon sa kanya nang tawagin muli.
Isang buntong hininga ang kumawala sa lalamunan ni Marilyn. Tumayo siya para sundan ang bata. Nagpaalam siya sa mga magulang para kausapin si Maya.
"Anak, sakyan mo na lang muna ang sinabi ng bata. Kaysa naman isipin niyang sinungaling siya dahil ayaw nating maniwala sa sinabi niya," anang kanyang ama na kanina pa nakikinig sa usapan nila ni Maya.
"Itay, kung gagawin ko iyon, tatatak sa utak ni Maya na ayos lang magsinungaling. Ayokong kunsintihin ang bata."
"Ikaw ang bahala. Subukan mong kumbinsihin ang apo ko na mali ang paniniwala niya sa manika." Ibinalik ni Mang Alfonso ang paningin sa telebisyon.
***
NAKAILANG katok na si Marilyn sa pinto ng kwarto ng pamangkin pero ayaw pa rin nitong buksan ang pinto. "Maya, pwede ba tayong mag-usap?" mahinahong sabi niya.
"Ayaw ko!" tipid na sagot ng bata mula sa loob.
"Look, I'm sorry." Hinintay niya ang sagot ni Maya pero hindi ito nagsalita. Pinihit ni Marilyn ang door knob, natutuwa siyang hindi naka-lock ang pinto. Nakita niyang nakadapa sa kama ang bata, nakasubsob ang mukha sa unan. "Maya..."
"Hindi ako sinungaling!" Nanatiling nakabaon ang mukha nito sa unan.
Hinaplos ni Marilyn ang buhok nito. "Alam ko, Maya."
Biglang nag-angat ng mukha ang bata, naawa siya nang makitang basa ng luha ang magkabilang pisngi nito.
"Bakit hindi kayo naniniwala sa sinasabi ko?" inosenteng tanong ni Maya.
Umupo siya sa gilid ng kama at marahang hinaplos ang kaliwang pisngi nito.
"Maya, kahit hindi ako naniwala sa mga sinasabi mo, hindi ibig sabihin na sinungaling ka." Huminga siya nang malalim. "Mahirap paniwalaan na ang isang laruan ay maaaring makasakit ng isang tao."
"Ngunit iyon ang katotohanan," paninindigan ng bata.
"Let's just forget about it, okay?" Hinagkan niya ito sa noo. "Please, huwag ka nang magtampo kay tita, ha?"
"Pasensya na po, Tita." Niyakap siya nito. "Pero ayaw ko nang makipaglaro kay Dolly."
"Sige, ilalagay ko muna si Dolly sa bakanteng kwarto. Pero kung gusto mong makita ang manika, huwag kang mahihiyang magsabi sa akin o sa lola mo para makuha natin si Dolly, okay?"
"Opo," sagot nito na parang napipilitan.
"Gusto mo bang manood ng TV?"
Tumango ito. Bakas sa mukha ang tuwa. "Gusto kong manood ng mermaid tale!"
Nakangiting pinisil ni Marilyn ang matangos na ilong nito. Buti na lang hindi marunong magkimkim ng galit ang bata.
"You're the boss!" natatawang sabi niya sabay kiliti sa kilikili nito.
Bumaba ang dalaga sa kama, lumapit sa divider kung saan nakalagay ang TV. Matapos isalang ang CD sa DVD player ay muling umupo sa tabi ng kanyang pamangkin.
"Yippee!" Pumalakpak pa si Maya nang makita ang mukha ng paboritong cartoon character na si Barbie.
Nakangiting pinagmasdan ni Marilyn ang pamangkin. Kung gaano kabilis magtampo ang bata, mabilis din itong nawawala.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...