PAGKATAPOS mag-snack, nagpaalam si Marilyn sa mga magulang na may gagawin sa kanyang silid. Nagpaiwan naman si Maya sa sala kasama ng lola at lolo nito. Nanonood ang mga ito ng pambatang movie na may pamagat 'The Little Mermaid'.
Pagpasok niya sa kanyang silid agad na binusisi ang kanyang laptop. Nakadapa siya sa ibabaw ng kama habang isa-isang in-open ang emails na natanggap. Puro condolence ang laman ng mensahe.
May natanggap din siyang mensahe galing sa kanyang boss na agad niyang binasa. Ayon sa mensahe, isang buwan na ang ibinigay sa kanya na bakasyon ng online school and with pay!
Sobrang natuwa siya at agad nag-reply sa kanyang boss.
Thank you so much, sir! ito lang ang tanging nasabi niya. Babawi siya pagkatapos ng isang buwan na bakasyon. In-off na niya ang laptop. Tumihaya siya ng higa at pinikit ang mga mata.
Hinihila na siya ng antok nang gulatin ng mga yabag. Pabalik-balik na tumatakbo sa loob ng kanyang silid. Napadilat siya at naupo sa ibabaw ng kama.
"Maya, ikaw ba 'yan?" Mula sa gilid ng kanyang mga mata'y may nakita siyang anino ng isang bata at kasing taas ito ng pamangkin niya.
Hindi sumagot ang inaakala niyang si Maya. Bigla ang lingon niya sa kanyang likuran. Wala siyang nakita, ni anino ng pamangkin. Nagtatakang inilibot niya ang paningin. Muli siyang nakarinig ng mga yabag at sa pagkakataong 'yon, may narinig na rin siyang mahinang hagikgik.
Gulat siyang napasinghap nang may biglang kumalabog. Mabilis na napalingon siya sa aparador. Nakita pa niya ang pagbukas at pagsara ng pinto niyon. Pakiramdam niya sa mga sandaling iyon ay naninindig ang mga kanyang mga balahibo sa buong katawan. Hindi niya maiwasang isipin na baka nagpaparamdam ang kanyang ate.
Huminga siya nang malalim. Bumaba siya ng kama at maingat ang mga hakbang na tinungo ang kinaroroonan ng aparador. Aktong bubuksan niya iyon nang biglang bumukas nang malakas. Tumilapon siya malapit sa kanyang kama at nakaupong bumagsak sa marmol na sahig.
Hindi nakita ni Marilyn ang isang batang babae na nagmamadaling lumabas ng aparador.
"A-aray ko...'' nakangiwing daing niya habang hinihimas ang masakit na balakang.
Dahan-dahan siyang tumayo at muling lumapit sa aparador at inusisa ang loob nito. Maayos naman ang mga nakatuping damit.
Posible kayang malakas lang na hangin ang nagbukas at nagsara ng aparador?
Tinapunan niya ng tingin ang bintana.
Paano nakapasok ang malakas na hangin sa kanyang silid gayong nakasara naman ang mga bintana?
Muling isinara ng dalaga ang aparador.
"Ate Esmeralda, kung nandito ka man ngayon, huwag mo naman akong takutin!"
Para siyang temang na nagsasalita kahit walang kausap. Kutob niya kasing baka nagpaparamdam ang kanyang nakatatandang kapatid, dahil ilang days pa lang naman itong nailibing.
"Ate... hindi namin pababayaan ang anak mo, pangako 'yan!" muling sabi niya sa kawalan, umaasang baka nga naroon sa silid ang kapatid. Pero kahit konting ingay ay wala siyang narinig. Wala na rin ang mga yabag na kanina lang ay binulabog siya.
Nagpasya na lumabas ng kanyang silid si Marilyn. Ang takot na nararamdaman niya kanina, napalitan ng pagka-miss sa kapatid. Sana nga'y magpakita ito sa kanya, gusto niya itong mayakap. Biglaan kasi ang pagkamatay nito. Hindi man lang sila nagkaroon ng bonding moment ng kapatid bago ito binawi ng maykapal.
Pagsara ni Marilyn ng pinto agad niyang napansin ang manika ni Maya. Ang manika ay nakaupo sa gilid ng pintuan ng kanyang silid. Nangunot ang noo niya sa pagtataka.
Bakit narito ang laruang ito? tanong niya sa isip.
Kinuha niya ang manika. Pinagmasdan niya ito habang inaalala sa kanyang diwa kung hawak ba ito ni Maya nang umalis siya kanina sa sala. Pero dahil hindi maalala, binitbit niya na lang ito.
Pababa na siya ng hagdan nang matanaw ang mga magulang na inaalo ang bata. Nakita niyang umiiyak ang pamangkin.
Bakit kaya?
Mabilis na bumaba ng hagdan si Marilyn upang alamin kung ano ang nangyari sa bata. Umiiyak ito at parang may hinahanap.
"Ano po ang nangyari?" humahangos na tanong niya sa mga magulang. "Bakit umiiyak si Maya?"
Mabilis niyang nilapitan ang bata at hinawakan ang mukha ng pamangkin. Patuloy pa rin ito sa pag-iyak.
"Nasa sa 'yo pala ang manika. Kanina pa 'yan hinahanap ng pamangkin mo," anang kanyang ina.
Napatingin si Marilyn sa hawak na manika.
"Nakita ko sa labas ng aking silid ang manika. Baka nabitiwan ni Maya nang bumaba kami kanina." Ibinigay niya ang manika sa pamangkin.
Nang makita ang manika ay umaliwalas ang mukha ng bata.
"Thank you, Tita Marilyn!" Humalik pa ito sa pisngi niya. Napangiti siya.
"Ingatan mo na ang manika mo, huh?" Umupo siya sa tabi nito. "May pangalan na ba ang manikang 'yan?"
Umiling ang bata.
"Apo, bagay sa manika mo ang pangalang Maria," tuwang suhestiyon ni Aling Pacing, nakaupo ang ginang sa tabi ng asawang si Mang Alfonso.
"Ang pangit!" reklamo ni Mang Alfonso.
Nahampas naman bigla ni Aling Pacing sa balikat ang asawa. "Tumahimik ka!"
"Apo, mas maganda ang naisip na pangalan ng Lolo Alfonso para sa manika mo," pagyayabang nito. "Annabelle!"
"'Tay!" si Marilyn naman ang nagreklamo. Naalala niya kasi ang bagong labas na horror movie.
'Annabelle-'ang kwento ng batang reincarnation.
"Maganda naman, ah?" anang kanyang ama.
"Ayoko ng pangalang "Annabelle". Naaalala ko lang ang napanood kong horror movie." Saglit siyang nag-isip ng pambabaeng pangalan pero naunahan siya ng pamangkin.
"Dolly!" masiglang sabi ni Maya, hinarap nito ang hawak na manika at kinausap. "Dolly ang ibibigay kong pangalan sa 'yo," humahagikgik na sabi nito sabay yapos nang mahigpit sa manika.
"Wow! Napakagandang pangalan!" Nakangiting inakbayan niya ang pamangkin at hinaplos ang magandang mukha ng manika. "Aray!"
Agad na binawi ni Marilyn ang kamay. Pakiramdam niya kasi may kumagat sa hintuturo niya.
"Bakit?'' halos sabay na tanong sa kanya ng mga magulang. Nakatingin ang mga ito sa kamay niya.
"W-wala po, 'nay," pagsisinungaling ng dalaga. Ramdam niya pa rin ang sakit ng hintuturo niya. Hindi niya maiwasang mapatitig sa mukha ng manika.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...