𝕯𝖎𝖘𝖎𝖓𝖚𝖜𝖊𝖇𝖊♱

351 5 0
                                    

MABILIS na pinatakbo ng drayber ang truck.

"Anong gagawin natin sa babae?" balot pa rin ng kaba at takot ang lalaking kasama ng drayber. Ayaw rin nitong makulong dahil may limang anak na binubuhay.

"Itatapon natin sa dumpsite ang babae. Dalawa lang tayo ang nakakaalam sa nangyari. Kaya kung ako sa 'yo ay itikom ang iyong bibig, kung ayaw mong pareho tayong damputin at ipiit sa kulungan!" wika ng drayber sa galit na tono ng boses.

Minabuti na ngang manahimik ng lalaki kahit kinakain ito ng sariling konsensiya. Mas mahalaga ang pamilya rito. Magugutom ang mga anak nito kung makukulong sa bilibid.

Sa kabilang banda... Kanina pa nakatigil sa tapat ng gate ng malaking bahay ang isang motorsiklo. Ang nobyo ni Perlita. Dinukot nito ang cell phone sa bulsa ng suot na jeans at sinubukan tawagan ang nobya ngunit out of coverage ang babae. Naisip nitong baka umuwi na lang ang nobya at hindi na nagawang maghintay.

Pumipiksi na muling isinuot ng lalaki ang helmet. Bakas sa mukha ang panghihinayang dahil sabik na sabik itong muling makasama at makaulayaw sa kama ang nobya.

Saglit pa'y pinaharurot na nito ang motorsiklo.

***

NAKAPIKIT ang mga mata ni Marilyn habang nakasandal ang likod ng ulo sa gilid ng bathtub. Naramdaman niyang parang may mga kamay na humahaplos sa kanyang mga binti kaya napadilat. Ngunit gano'n na lang ang pagkasindak niya nang makita si Perlita na nakatayo sa harapan niya.

"P-Perlita..." hintakot na sambit ni Marilyn. Nakakatakot ang itsura nito. Duguan, wakwak ang leeg at nakaluwa sa socket ang isang mata.

"Ate..." Parang nanggagaling sa ilalim ng lupa ang boses nito. Lalo siyang kinilabutan.

Sinubukan niyang umahon sa bathtub ngunit mabilis siyang sinakal ni Perlita. Makailang beses siya nitong nilublob sa tubig.

Sinubukan niyang sumigaw ngunit bumubula lang sa tubig ang hangin na nanggagaling sa kanyang bibig. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay mauubos ang hangin sa kanyang dibdib. Nahihirapan siyang huminga.

Inipon ni Marilyn ang nalalabing lakas para baklasin ang mga kamay ni Perlita na nasa leeg niya, ngunit nabigo siya. Desidido talaga itong patayin siya sa pamamagitang ng pagkalunod. Hanggang sa nabalot na siya ng dilim.

Ngunit...

Nang imulat ni Marilyn ang kanyang mga mata, napagtanto niyang lumubog ang buong katawan niya sa ilalim ng tubig ng bathtub. Nakatulog siya habang nagpapahinga at dinalaw ng isang masamang panaginip.

Naalala niya si Perlita. Hiniling niya na sana'y walang masamang nangyari sa dalaga. Malinaw pa rin sa kanya ang nakakatakot na mukha nito sa panaginip niya.

Umusal siya ng dasal na sana'y ligtas si Perlita. Na sana'y hindi totoo ang kanyang panaginip. Umahon siya sa bathtub. Kinuha niya ang tuwalya na nakasabit sa hook at ipinulupot sa hubad niyang katawan.

Lumabas siya ng banyo na kinakabahan pa rin. Ang buong akala niya'y katapusan na niya. Mabuti na lang at isang masamang panaginip lang 'yon.

Habang nagbibihis si Marilyn, hindi napansin ng dalaga ang isang anino na nakatayo sa likod ng kurtina. Ang kaluluwa ng umiiyak na si Perlita, ang duguang mukha nito'y nakasubsob sa magkabilang palad.

***

KINAUMAGAHAN...

Pagkatapos mag-almusal, nagpaalam na sa kanila sina Aling Dolores at Mang Leo. Uuwi na ang mag-asawa sa probinsya.

Hinatid nilang mag-anak hanggang gate ang mag-asawa kung saan naghihintay ang family driver ng mga ito na si Mang Cardo.

"Mag-ingat kayo sa byahe!" si Aling Pacing.

"Lola, mag-ingat po kayo!" sabi naman ng batang si Maya. Lumapit ito sa abuelo at abuela para yumakap.

"Mamimiss ka namin, Maya," ani Aling Dolores at mahigpit na niyakap ang apo. "Lagi rin kayong mag-iingat dito, ha?"

Tumango naman ang bata.

Samantala, bumaba si Mang Cardo sa sasakyan para manigarilyo. Bahagyang lumayo ito at tumalikod sa sasakyan.

Samantalang si Mang Cardo ay lumabas ng sasakyan para manigarilyo. Lumayo at tumalikod ito sa kotse.

Nakakakilabot ang ngisi na bumalatay sa labi ng isang nilalang na kanina pa nagtatago sa gilid ng gate. Gumapang ang manika sa sementadong daan patungo sa nakaparadang sasakyan sa labas ng gate.

Gamit ang isang kutsilyo, sinimulan ng manika ang pagputol ng mga wire sa ilalim ng kotse. Napahinto ito sa ginagawa dahil may naramdaman itong mga yabag na papalapit sa sasakyan.

Dinukot ni Mang Cardo sa bulsa ng suot na maong pants ang maliit na bote ng perfume. Nagwisik ito ng pabango sa leeg, palapulsuhan at damit. Halos ipaligo na nga nito ang pabango sa pangambang mapagalitan na naman ng among babae na masyadong maselan. Ayaw nitong makaamoy ng sigarilyo o kahit na anong mabaho sa loob ng sasakyan.

"Bye, Lola!" Nakangiting kumaway si Maya. Nag-flying kiss pa ito.

Nang umusad ang sasakyan, nahulog ang manika sa semento. Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi nito.

Muling bumalik sa loob ng bahay ang mag-anak. Sa sala muna sila tumuloy at umupo sa malambot na sofa.

"Maya, nalulungkot ka ba?" tanong ni Marilyn sa pamangkin. Napansin niya kasi ang pananahimik ng bata.

Lingid sa kaalaman ng lahat, nakita ni Maya si Dolly na nahulog mula sa ilalim ng sasakyan ng lolo't lola nito. At natatakot ang bata na baka may ginawang masama ang manika.

"Si Dolly, nakita ko po siya!" sumbong ng bata sa dalaga.

"Paano naman mangyayari 'yon, nasa kuwarto ng parents mo si Dolly?" sagot niya sa pamangkin. "At ano naman ang gagawin ni Dolly sa labas?"

"I swear, I saw, Dolly!" pagpumilit pa ng bata. "Nakita ko siyang nahulog mula sa ilalim ng kotse ni Lolo. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya roon."

Tumayo ang dalaga.

"Okay, let's go to your parents' bedroom," mahinahon niyang sabi sa bata. Gusto niyang patunayan dito na nasa loob ng kuwarto ng mga magulang nito ang manikang si Dolly.

"Ako na anak," sabad naman ng kanyang ina. "Kukunin ko rin kasi ang vacuum."

"'Nay, sasama po kami ni Maya para maniwala siyang hindi umaalis sa pinaglalagyan nito ang manika."

Umakyat silang tatlo sa ikalawang palapag, habang si Mang Alfonso ay naiwan sa sala na nanonood ng balita.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon