𝕯𝖔𝖘♱

619 13 0
                                    

Napagkasunduan ng bawat pamilya na mananatili sa Maynila ang batang si Maya, kasama ni Marilyn.

Si Marilyn ay titira sa bahay ng namayapang mag-asawa kasama ng bata, pumayag na rin ang dalawang matanda. Ang usapan, sa tuwing sasapit ang buwan ng disyembre ay kukunin ng mga ito ang bata para makasama na magdiwang ng pasko sa probinsya.

Pumayag naman si Marilyn sa kasunduan, mahalaga ay nasa kanya ang kustodiya ng bata. Hindi na nila pinag-usapan ang tungkol sa bahay ng mag-asawa dahil nakapangalan ito sa anak na si Maya.

"Aalis na kami," paalam ni Aling Dolores.

"Dito na ho kayo magpalipas ng gabi," paanyaya ni Marilyn sa mag-asawa. 

"Maraming salamat, subalit kailangan namin makahabol sa last trip papuntang probinsya."

"Tamang-tama lang ang magiging byahe namin dahil wala pang alas-sais ng gabi," segunda naman ni Mang Leo.

Tumayo na ang mag-asawa.

"Ipangako n'yo lang sa 'min na hindi ninyo pababayaan ang aming apo. Magpapadala kami ng pera kada buwan, tulong namin para dagdag sa mga pangangailangan ng bata."

"Pangako, hindi ko ho pababayaan si Maya," masayang sagot niya. Mabuti na lang at nakumbinsi niya ang mag-asawa.

Tumayo na rin siya at ang kanyang mga magulang. Hinatid nila hanggang sa labas ng gate ang mag-asawa kung saan naroroon ang sasakyan ng mga ito. Nakatayo naman sa gilid ng kotse ang family driver ng mag-asawa na si Mang Isko.

"Aalis na kami. Pakisabi na lang sa aming apo, umalis na kami."

"Aling Dolores, gusto n'yo po bang makita muna si Maya?" tanong ni Marilyn sa mag-asawa.

"Hayaan na nating magpahinga ang aming apo. Malulungkot lang ako 'pag makita ko pa siya bago kami umalis," malungkot na tugon nito.

Naintindihan naman ito ni Marilyn, ramdam niya kung gaano kamahal ng mga ito ang apo.

"Balae, mag-ingat kayo sa biyahe," paalala ni Aling Pacita, ina ni Marilyn.

"Salamat. Sige, aalis na kami."

Inalalayan ni Mang Leo ang asawa na makasakay ng kotse. Kumaway pa ang mag-asawa sa kanila.

Gumanti sila ng kaway. Hatid-tanaw nila ang papalayong sasakyan ng mag-asawa.

"Tara, pumasok na tayo sa loob 'nay."

Magkahawak kamay na pumasok sa loob ng bahay ang kanyang mga magulang habang nakasunod naman siya sa mga ito.

***

MULI silang bumalik sa sala.

"Anak, kami ng iyong ama ay babalik na rin sa ating probinsya bukas," pagbibigay alam sa kanya ng ina.

"Wala pa kayong isang buwan dito, babalik na agad kayo sa Samar, 'nay?" nagtatampong sabi niya. Bihira na nga lang silang magkasama, tapos ngayon gusto na agad makabalik ng mga magulang sa probinsya. "Hindi n'yo ho ba hihintaying maka-forty days muna si Ate Esmeralda?"

Nagkatinginan naman ang mag-asawa.

"Sige, dito muna kami hanggang maka-forty days ang ate mo," anang kanyang ina.

Sa labis na tuwa ay niyakap niya nang mahigpit ang ina.

"Bihira na nga lang tayo magkita at magkasama-" Piningot siya sa tainga ng kanyang ama kaya hindi niya natapos ang sasabihin.

"Pumayag na nga kami,'di ba?" natatawang turan ni Mang Alfonso kasabay ng pagbitaw sa tainga ng anak.

"Nagtatampo lang," hirit pa ni Marilyn.

Tuwing bagong taon lang kasi niya nakakasama ang mga magulang dahil nagtatrabaho siya sa Maynila bilang isang online tutor. Malaki naman ang sahod niya dahil mga tsikwa o chinese ang mga estudyante niya na gustong matuto ng lenggwaheng english. Hindi niya kasi pwedeng gawin 'yon sa probinsya dahil mukhang naiwanan na ng makabagong teknolohiya ang kanilang lugar.

"Magluluto muna ako para sa ating hapunan."

"Tutulungan ko ho kayo 'nay."

"Ako na lang," presenta ng kanyang ama. "Samahan mo na lang si Maya sa kwarto niya. Ako nang tutulong sa pagluluto sa iyong ina."

"Sige po, itay." Hindi na siya namilit kahit gusto niyang tumulong sa ina. Ito ang gusto niya sa mga magulang. Kahit matanda na, hindi pa rin nababawasan ang sweetness at pagmamahal ng mga ito sa isa't isa.

Sabay silang tumayo. Tumuloy ang mga magulang niya sa kusina, habang siya naman ay pumanhik sa ikalawang palapag ng bahay.

Tulog na si Maya, nang makapasok siya ng silid nito. Dinampot niya ang remote control at pinatay ang TV. Nakangiting pinagmasdan niya ang maganda at maamong mukha ng pamangkin. Kamukhang-kamukha nito ang ina.

"Pangako, mamahalin kita tulad ng pagmamahal sa 'yo ni Ate Esmeralda," bulong ni Marilyn sa hangin.

Inayos niya ang mga unan. Binuhat niya ang bata at inayos ang paghiga nito. Masuyong hinaplos niya ang mahabang buhok nito.

Humiga si Marilyn sa tabi ng pamangkin at pinikit ang mga mata hanggang siya ay makatulog.

***

SAMANTALA, sa kusina ay abala ang mag-asawang sina Alfonso at Pacita sa paghahanda ng pagkain sa lamesa.

"Gisingin mo ang magtiyahin para makakain na," utos ni Mang Alfonso sa asawa.

"Saglit lang," sagot ni Aling Pacing habang inaayos ang mga plato. "O, siya, maiwan na muna kita."

Naalimpungatan si Marilyn sa sunod-sunod na katok sa pinto. Agad siyang napaupo sa kama habang kinukusot ang mga mata.

"Anak, bumaba na kayo ni Maya. Nakahanda na ang ating hapunan!" Boses ng kanyang ina buhat sa labas ng kwarto.

"Opo, 'nay!" sagot ni Marilyn. Ginising niya ang pamangkin. "Maya, wake up!"

Umungol ang bata pero nanatiling nakapikit ang mga mata.

Muling niyang niyugyog ang balikat ng bata. "Maya, kumain muna tayo."

Nakita niya ang pagdilat ng mga mata nitong tila inaantok pa.

"Tita?"

"Kumain muna tayo. Mamaya ka na lang ulit matulog."

"Opo," malumanay nitong sagot. Itinaas nito ang dalawang bisig tila naglalambing sa kanya na magpakarga.

Nakangiting inabot niya ang dalawang bisig ng pamangkin at maingat na hinila para makaupo. At nang nakaupo na ito ay agad naman niya itong kinarga.

"Kumapit ka nang mahigpit," utos niya rito. Sumunod naman ang bata. Isiniksik pa nito ang mukha sa kanyang leeg.

Maingat na binaybay ni Marilyn ang hagdan pababa. Naabutan niya ang mga magulang na nakaupo, hinihintay silang magtiyahin.






Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon