𝕿𝖗𝖊𝖘♱

554 10 0
                                    

"O, nariyan na sila." Kinarga ni Aling Pacing ang apo, pinaupo sa isang silya na katabi nito.

Inabot ni Marilyn ang pinggan ni Maya, nilagyan ng kanin at ulam.

"Maya, kumain ka ng gulay para laging healthy, huh?"

Tumango lang naman ang bata, nakangiti.

"Kakain ka nang marami, huh?"

"Yes po, tita."

Naupo na rin si Marilyn. Naglagay naman siya ng pagkain sa kanyang plato.

"Very good!" tuwang sambit niya nang makitang ganadong kumakain ang bata.

Iniiwasan talaga nilang pag-usapan ang tungkol sa namayapang mga magulang nito upang hindi na naman umiyak o malungkot.

Sumubo na rin si Marilyn, pakiramdam niya buong isang linggo siyang hindi nakakain kaya naman nakailang plato rin siya ng kanin. Hindi bale nang masira ang figure niya ang importante makabawi siya ng pagod, puyat at gutom. Saka na lang niya iisipin magpa-sexy. Na-miss niya ang luto ng kanyang inay.

"Tubig, anak?" birong tanong ni Mang Alfonso sa anak. Napansin kasi nito ang sunod-sunod na subo ng dalaga.

"'Tay, sobrang na-miss ko ang luto ni 'nay," nakangiting turan niya sabay abot ng basong may lamang tubig na inabot ng kanyang ama.

"O, siya, kumain ka nang marami. Marami pa tayong ulam," wika naman ng kanyang ina.

Kahit hindi sabihin ng kanyang ina ay talagang kumain siya nang marami.

***

MAAGANG nagising si Marilyn, nilingon niya ang katabing si Maya. Masarap pa rin ang tulog ng bata. Hinalikan niya ito sa noo bago bumangon at bumaba ng kama.

Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang makita ang ina, pawisan ang noo nito. Sa pagkakatanda niya'y alas-sais pa lang ng umaga. Ang aga naman yata magising ng kanyang ina.

"'Nay!" tawag niya sa ina na abalang nagwawalis sa sala.

Natigil naman si Aling Pacing sa ginagawa, lumingon ito sa anak.

"Ang aga mo naman magising, anak?" puna nito sa kanya.

Bahagyang itinali ni Marilyn ang mahabang buhok at agad humalik sa pisngi ng ina nang malapitan ito.

"Mas maaga ka po nagising, 'nay. Magpahinga na po kayo at ako na ang tatapos sa ginagawa n'yo. Nagbakasyon ako sa trabaho ng isang linggo."

"Anak, alam mo naman sa ating probinsya, sanay ang mga tao na gumising ng maaga at hindi ako sanay na walang ginagawa."

"Kahit na ho, 'nay. Magpahinga na lang kayo."

"Maiba ako, ilang buwan na nga pala nang mabili itong bahay ni Esmeralda?" tanong sa kanya ng ina habang pinapagpag ang malambot na sofa.

"Isang linggo pa lang po, 'nay. Mura lang ang benta kaya kinuha na agad ni Ate Esmeralda," sagot niya. "Bakit po?"

"Wala naman. Nanghihinayang lang ako, hindi man lang umabot ng taon na nakatira sa bahay na ito si Esmeralda," gumagaralgal ang boses ni Aling Pacing, naalala na naman nito ang namayapang anak.

Mahigpit na niyakap ni Marilyn ang ina. "'Nay, huwag na kayong malungkot. Isipin na lang natin nagbakasyon sa ibang lugar si ate kaya hindi natin siya kasama ngayon."

Kumawala sa pagkakayakap niya ang ina, muli nitong inabala ang sarili sa pagwawalis.

"Pasensya na, anak. Hindi ko lang maiwasan maalala ang ate mo."

Tumango lang siya. Naiintindihan naman niya ang nararamdaman ng ina. Pero kailangan nilang magpakatatag at ituloy ang buhay. Hindi naman porket may nawala, ibig sabihin ay hindi na maaalala. Mananatili sa kanilang mga puso ang pagmamahal at alaala ng isa sa namayapang mahal nila sa buhay.

Nagpaalam siya sa ina na pupunta sa kusina para maghanda ng almusal nang mahagip ng kanyang paningin ang isang manika na nakahiga sa sofa. Kunot-noo na nilapitan niya iyon at kinuha. Sinipat niya ang manika mula ulo hanggang paa. Maging harap at likod.

Maganda! sambit sa isip ni Marilyn.

Medyo marumi ang manika pero mukhang bago pa naman. Maganda ang mukha nito. Mahaba ang kulay kahel na buhok.

Sa unang tingin, mapagkakamalan na totoong batang babae ang manika. Ngunit kapag hinawakan, malalaman na isa lang itong magandang laruan.

"Nakita ko 'yan sa attic," pabatid sa kanya ng ina.

Napalundag sa gulat si Marilyn nang marinig ang tinig ng ina. Hindi niya namalayan nasa likuran niya na pala ito.

"Hindi ko napansin na may attic sa bahay ni ate," aniya na hawak pa rin ang manika.

"Mayroon, anak. Naroon sa silid nilang mag-asawa. Aksidenteng nakita ko. Nagwawalis kasi ako sa silid nila nang biglang bumukas ang kisame at may lumabas na hagdan."

"Talaga, 'nay? Kakaiba rin pala itong bahay na nabili ni Ate Esmeralda!" tila puri pa niya sa namayapang kapatid.

"Maraming nakatagong laruan doon sa attic. Pero ang manika na nasa iyong kamay ang umagaw sa pansin ko. Maganda, 'di ba?" nakangiting tanong nito sa kanya.

"Oo, 'nay. Tingin mo, 'nay, laruan kaya ito ni Maya?"

"Iyan ang hindi ko alam, anak," sagot nito. "Mamaya ay tanungin mo siya."

"Kung hindi man ito kay Maya, tiyak magugustuhan niya ito, 'nay. Mamaya, lilinisin ko ito para mas magmukhang bago."

Paupo na muling inilapag ni Marilyn ang manika sa sofa. Nagpaalam siya sa ina na magluluto ng agahan. Tumango naman ito.

***

SA kusina ay abala na si Marilyn sa pagluluto para sa kanilang agahan. Nagluto siya ng sopas. Ang natirang kanin ay sinangag niya. Nagluto rin siya ng longganisa, ginisang corned beef na sinamahan niya ng hiniwang patatas. Naisip niya kasing sanay sa kanin ang mga magulang.

Bumungad sa kusina ang kanyang ama.

"Magandang umaga, 'tay!" ang kanyang pagbati sa ama. "Gusto n'yo ho bang pagtimpla ko kayo ng kape?"

Humila ng isang silya si Mang Alfonso at naupo. "Sige, anak."

Nakapag-brew na siya ng kapesa coffee maker. Kumuha siya ng isang tasa at sinalinan ito ng kape, nilagyan niya ng isang kutsarang asukal at cream.

"Heto na ang kape mo, 'tay." Idinulog niya rito ang kape.

"Salamat, anak."

"Malapit na maluto ang niluluto kong sopas, 'tay. Mayamaya ay kakain na tayo ng almusal," turan ni Marilyn habang hinahalo ang niluluto na nasa kaserola.

Bahagyang hinipan ni Mang Alfonso ang mabangong usok bago maingat na humigop ng kape.








Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon