𝕿𝖗𝖊𝖘𝖊♱

364 8 0
                                    

SA sala, sunod-sunod na doorbell ang bumulaga sa mag-asawa. Tumayo si Aling Pacing at nagpaalam sa asawa.

"Baka masamang tao ang nasa labas. Mas mabuting samahan kita," sabi ni Mang Alfonso, hinampas ng lalaki ang kanyang dibdib. Tumawa si Aling Pacing at hinampas ang balikat ng asawa.

"Puro ka kalokohan. Halika na, sumasakit na ang tainga ko sa tunog ng doorbell."

Magkahawak kamay na umalis sa sala ang mag-asawa. Bago pa man makarating sa gate, nakita ng mga ito ang isang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa tapat ng gate.

"Sina balae!" bulalas ni Aling Pacing.

Lakad-takbo ang mag-asawa. Si Mang Alfonso ang nagbukas ng gate.

"Binisita namin ang kapatid ko kahapon kaya biglaan ang dating namin dito." Si Aling Dolores.

"Kardo, pakikuha ang mga pinamili namin sa likod ng sasakyan," utos ni Mang Leo sa driver ng pamilya.

Maraming pinamili ang mag-asawa kaya tinulungan ni Mang Alfonso ang driver.

"Nasaan nga pala ang apo namin?"

"Nasa kwarto niya. Pasok na tayo," tugon ni Aling Pacing. Medyo naiilang ito sa kilos ni Aling Dolores. Masungit at laging seryoso ang ekspresyon ng mukha ng huli.

Dinala ng mag-asawa ang mga panauhin sa sala. Pagkatapos mabigyan ng maiinom ay nagpaalam si Aling Pacing na pupuntahan sa kwarto si Maya.

Samantala, naalimpungatan si Marilyn nang makarinig siya ng sunod-sunod na katok sa labas ng pinto ng kwarto. Napabalikwas siya ng bangon.

"Marilyn!"

"Bakit po, 'nay?" tanong niya habang pinupusod ang mahabang buhok. Hindi niya namalayan nakatulog na pala siya habang seryosong nanonood pa rin ang kanyang pamangkin.

"Lumabas muna kayo ni Maya. Nandito sina balae!"

Lalong nagising ang diwa niya nang marinig ang sinabi ng kanyang ina.  Dalawang araw na lang at forty days na ang mga magulang ni Maya.

"Lalabas na 'nay!" sigaw niya. Hinarap niya ang pamangkin. "Maya andito na ang lolo't lola mo. Tara, bumaba na tayo."

"Pero hindi pa ako tapos manood ng mermaid tale," reklamo ng bata.

"Tapusin mo na lang mamaya," sabi niya.

Pinalitan ni Marilyn ng damit si Maya. Nilagyan niya rin ng kaunting pulbo sa likod at leeg ang bata. At pagkatapos, binuhat niya ito at inilapag sa sahig. Hinawakan niya ang maliit nitong kamay at lumabas ng kwarto.

***

"O, nariyan na pala sila," nakangiting wika ni Aling Pacing nang matanaw ang anak at apo.

"Ang aking apo!" masayang bulalas ni Aling Dolores.

Binitiwan ni Marilyn ang kamay ng pamangkin.

"Lola!" Yumakap si Maya sa abuela.

"I have something for you!" Kinuha ni Aling Dolores ang isang shopping bag na nakalapag sa sofa.

"Wow! It's a doll!" Namilog ang mata ng bata. "Lola, thank you! I love you!" malambing na sabi ng bata sabay mabilis na humalik sa pisngi ng matanda.

Natutuwang pinagmasdan ni Marilyn ang dalawa. Umupo siya sa single sofa.

"Kumusta ang aking apo?" tanong ni Mang Leo. Binuhat ang bata at pinaupo sa kandungan nito.

"I'm fine, Lolo," sagot ni Maya na nakatingin sa bagong manika. "Nagsasalita ba ito na parang tunay na bata?" inosenteng tanong nito sa abuelo na ang tinutukoy ay ang manika. Iniisip ng bata na baka kapareho ito ni Dolly.

Natatawang pinisil ni Mang Leo ang tungki ng ilong ng apo. "Tao lang ang nakakapagsalita."

"You mean, talking doll?" singit ni Aling Dolores. Hinaplos nito ang buhok ng bata. "Hindi mo ba nagustuhan?"

"I like it!" mabilis na sagot ni Maya.

"Sa pasko, bibilhan kita ng talking doll."

"Talaga po, Lola?"

"Pangako, ibibili kita."

"Thank you, po!"

"Sige, maglaro ka muna, ha?"

Tumango ang bata. Lumapit ito kay Marilyn at nagpaalam na maglalaro sa sariling kwarto.

"Gusto mo bang samahan kita?" tanong ng dalaga sa pamangkin.

"Tita, huwag na po."

Hindi na siya nakapagsalita dahil mabilis na tumakbo palayo sa kanya ang bata.

***

SA sala ay pinag-usapan nila ang tungkol sa forty days ng namayapang mag-asawa. Nabanggit ni Marilyn sa mag-asawa na may nakausap na siyang isang pari para sa gagawing padasal.

"May kakilala ba kayo na tutulong sa atin magluto?" tanong ni Aling Dolores.

"May nakausap na ako," nakangiting sagot ni Marilyn. Tinutukoy niya ang bagong hired nilang katulong. Day off ng katulong sa Sabado at Linggo. Pero dahil kailangan nila ng tutulong sa pagluluto sa susunod na Sabado, kinausap niya ito at sinabing babayaran niya ang day off nito.

"Salamat at pinaghandaan n'yo talaga ang pa-forty days ng mag-asawa," wika ni Mang Leo.

Iniba na rin nila ang usapan.  Napag-usapan nila ang tungkol sa paghiram sa bata sa magkabilang panig ng pamilya.

Samantala...

Sa kwarto ni Maya, pinaglalaruan nito ang bagong manika. Hindi napansin ng bata ang dahan-dahang pagbukas ng pinto ng kwarto.

Pumasok ang isang batang babae, bakas sa mga mata ang selos at galit sa bagong manika na pinaglalaruan ni Maya.

"Ayaw mo na bang makipaglaro sa 'kin, Maya?" tanong nito na nakatayo sa likod ni Maya. Ang nanlilisik nitong mga mata ay namumula sa galit.

Natigil sa paglalaro si Maya at nilingon ang nagsalita. "Dolly!"

"Ayaw mo na ba sa akin?!" tanong ulit nito.

Sunod-sunod na umiling si Maya at niyakap ang bagong manika.

Galit na sinabunutan ni Dolly si Maya. Kinuha nito ang manika na yakap ni Maya at itinapon sa 'di kalayuan.

"Aray!"

"Kung ayaw mong makipaglaro sa akin, hindi ka rin pwedeng makipaglaro sa ibang manika!"  singhal nito kay Maya.

"Bitiwan mo ako! Salbahe ka! Masama kang manika!" Nagpumiglas si Maya at sinubukang tanggalin ang mga kamay ni Dolly na nakakapit sa buhok nito.

"Ayaw mo akong maging kalaro, 'di ba?! Ginagalit mo talaga ako, Maya! Ngayon, subukan mong makulong sa kahon kung saan lagi mo akong tinatago!" Tinulak nito si Maya dahilan para mapahiga sa sahig.

Nakangising sumampa si Dolly sa tiyan ni Maya at pilit na ibinuka ang bibig ng bata.

"Hmph!" Napaiyak si Maya. Nanatiling tikom ang bibig ng bata habang sinusubukang makawala kay Dolly.

Nagpagulong-gulong sa sahig ang dalawang bata.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon