𝕾𝖎𝖊𝖙𝖊♱

438 9 1
                                    

MATAMANG nakatingin ang batang si Maya sa tiyahin pero ang mga mata'y tila balisa. May gustong sabihin pero ayaw magsalita. Iniisip nito na kapag nagsumbong, baka paghiwalayin sila ni Dolly. Ayaw iyong mangyari ni Maya. Ayaw nitong mawalan ng kalaro.

Nakita ni Marilyn nang haplusin ni Maya sa mukha ang manika. Wala naman nangyari sa bata. Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya?

Ilang araw pa lang silang naninirahan sa bahay ng ate niya pero marami nang nangyari sa kanya na hindi niya maunawaan.

Hallucination nga lang ba niya ang lahat ng iyon, o talagang nagpaparamdam sa kanya ang kanyang kapatid?

O baka naman napa-paranoid lang siya?

Isang buntong hininga ang kumawala sa lalamunan niya. Masakit na ang ulo niya sa kaiisip. Palalampasin niya muna ang mga nangyari sa kanya sa araw na iyon. Subalit, kung iyon ay magpapatuloy, kailangan na yata niyang magpatingin sa doktor.

***

KINAGABIHAN pagkatapos nilang kumain ng hapunan.

Ang magtiyahin ay maagang pumanhik ng silid. Request sa kanya ng pamangkin na samahan itong matulog sa sariling silid nito. Binitbit niya ang paboritong libro, babasahin niya iyon habang hindi pa siya inaantok.

"Goodnight, Maya." Ginawaran niya ito ng isang halik sa noo. Inayos niya ang puwesto nito sa higaan.

"Goodnight, Tita!" Nginitian siya ni Maya at pagkatapos binalingan naman ang nakahigang manika sa tabi nito. "Goodnight, Dolly!"

Natigilan si Marilyn nang marinig ang pangalan ng manika. Mabilis din naman niyang sinaway ang sarili dahil kung anu-ano nang iniisip niya sa manika.

"Matulog ka na," aniyang bahagyang itinaas ang kumot hanggang dibdib ng pamangkin. Hihintayin niya munang makatulog ito bago magsimulang magbasa ng libro.

Nang masigurong nakatulog ang pamangkin, nagsimula na rin siyang magbasa. Dumapa siya sa kama malapit sa lampshade, fantasy book ang kanyang binabasa. Limang pahina pa lang ang nabasa niya nang maramdaman ang paggalaw ni Maya. Nakita niyang wala na sa unan ang ulo ng bata kaya inayos niya ang pagkakahiga nito.

Nangunot ang noo ni Marilyn nang mapansing wala sa tabi ni Maya ang manika. Inangat niya ang kumot sa pag-aakalang baka natabunan lang ang laruan.

Nasaan ang manika? tanong niya sa isip.

Blag!

Napaigtad sa gulat ang dalaga. Narinig niya ang malakas na kalabog buhat sa bintana. Parang may matigas na bagay ang tumama sa glass window. Itinigil niya ang paghahanap sa manika. Dali-daling bumaba siya ng kama at lumapit sa bintana. Atubiling dumungaw siya.

May nakita siyang isang batang babae, nakatingala ito. Nagsalubong ang mga mata nila. Maganda ang batang babae, mahaba ang buhok, maputi, at nakasuot ng kulay puting floral dress.

Bakit may bata sa aming bakuran? Sino ang batang 'yon? sunod-sunod na tanong ng dalaga sa sarili habang pinagmamasdan ang batang nanatiling nakatayo sa labas. Mayamaya'y tumalikod ito.

"Sandali!" sigaw niya para sana pigilan ang pag-alis ng batang babae. Ngunit na-realize niyang imposible siyang marinig dahil sarado ang bintana.

Mabilis na lumayo siya sa bintana dahil balak niyang habulin ang nakitang bata. Napalundag siya sa gulat nang may naapakan.

Kaya pala hindi niya makita ang manika dahil nahulog sa sahig. Mabilis niya itong dinampot at pinagpag bago muling inihiga sa kama katabi ng natutulog na pamangkin.

Tinungo ni Marilyn ang pinto at lumabas ng silid. Nakasalubong niya ang ina sa kalagitnaan ng hagdan.

"O, ang akala ko'y nakatulog ka na?"

"Nagbabasa po ako ng libro, 'nay," sagot niya. "May napansin ho ba kayong bata sa labas malapit sa gate?"

Umiling si Aling Pacing, bakas sa mukha ang pagtataka. "Malalim na ang gabi, imposibleng may batang naligaw rito."

"May nakita akong bata, 'nay. Nakita ko siya buhat sa bintana ng silid ni Maya, nagkatitigan pa nga kami."

"Baka namamalikmata ka lang, anak. Mabuti pa'y matulog ka na."

"Totoo ang sinasabi ko, 'nay. Samahan niyo ako sa labas, silipin lang natin baka naroon pa ang bata." Hindi na niya hinintay makasagot ang ina. Mabilis niyang hinawakan ang isang kamay nito at maingat na isinabay sa pagbaba ng hagdan.

"Susmaryosep! Dahan-dahan lang at baka tayo'y mahulog!" reklamo ng kanyang ina.

"Sorry, ho," paumanhin ng dalaga at inalalayan ang ina sa paghakbang.

***

NAPANSIN ni Mang Alfonso ang kanyang mag-ina na palabas ng bahay. Mabilis na tumayo sa sofa ang matandang lalaki para sundan ang dalawa.

Tinatahak nilang mag-ina ang daan papuntang gate. Hindi nila napansing nakasunod sa kanila ang kanyang ama.

"Nasaan ang sinasabi mong bata?" Luminga-linga sa paligid si Aling Pacing.

"'Nay, nakita ko ho ang bata. Nakatayo siya banda roon!" nagpupumilit na sabi ni Marilyn sabay turo sa isang lugar kung saan nakitang nakatayo ang batang babae.

"Paanong magkakaroon dito ng bata, malayo ang pagitan ng mga bahay sa lugar na ito. Isa pa'y alas-nueve na ng gabi."

May punto naman ang kanyang ina. Alas-nueve na ng gabi at tahimik na ang paligid. Tanging ang ilaw sa may garahe ang nagbibigay liwanag sa harap ng gate.

"Bakit narito kayo sa labas?" biglang singit ni Mang Alfonso sa kanyang mag-ina.

Napasigaw naman sa gulat ang mag-ina. Nahampas ni Aling Pacing sa balikat ang asawa.

"Ano ka ba namang lalaki ka? Mapapatay mo ako sa nerbiyos, e!" inis na turan ni Aling Pacing nang makaharap ang asawa.

"Bakit ba narito kayo sa labas? Ano ba'ng ginagawa n'yong dalawa?" muling tanong ni Mang Alfonso. "Madilim na rito."

"Ito kasing si Marilyn, may nakita raw siyang batang babae. Nagpasama sa akin para hanapin ang bata."

"Totoong may nakita akong batang babae, 'tay."

"Baka napadaan lang ang sinasabing mong bata. Pumasok na tayo sa loob ng bahay, mahamog na rito sa labas."

Parang ayaw pang umalis sa lugar na iyon ni Marilyn. Gusto niya kasing masigurong wala nga roon ang bata.

"Marilyn!" agaw-pansin ni Mang Alfonso sa natigilan na anak. "Tara na't pumasok na tayo sa loob ng bahay."

"Opo, 'tay," napipilitan na sagot ng dalaga.

Sumunod siya sa mga magulang. Panay pa rin ang lingon niya sa gate, pero ni anino ng bata ay hindi na niya nakita.













Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon