MAKIKITA sa itaas na bahagi ng bangin ang kumpulan ng mga taong nakatanaw sa kotseng natupok ng apoy.
Isang salita lang namutawi sa bibig ng mga taong nakiusyuso sa aksidenteng naganap.
"Dios ko! Kawawa naman ang mga sakay ng nasa kotse!" bulalas ng isang babae, nakatakip ang isang kamay sa bibig nito.
"Kawawa naman ang mga biktima!" hiyawan naman ng iilan.
Dumating ang dalawang ambulance car, kasunod ang tatlong mobile car at isang fire truck.
"Tumabi muna kayo!" sigaw ng mga police.
Tumabi naman ang mga taong nakiusyuso sa pangyayari.
"Sir, tingin ko'y wala na tayong maililigtas sa mga biktima. Natupok na ang kotse!" sabi ng isang matabang pulis, nakapamewang pa ito.
"SPO1 Cruz, kailangan natin makatiyak at baka may ma-rescue pa tayo sa loob ng kotse. At kung sakali mang patay na ang mga pasahero ay kailangan natin ma-identify kung sino ang mga biktima," sermon dito ni Supt. Alvare Suarez.
Napayuko naman si SPO1 Cruz dahil napahiya.
Nagbabayanihan ang mga pulis, bumbero at ibang mga taong naroroon. Gamit ang matitibay na lubid ay bumaba ang ibang mga pulis sa ilalim ng bangin. May mga bumbero din na may dalang malaking hose na gagamitin upang maapula ang apoy.
SA kabilang banda. . . Binuksan ni Mang Alfonso ang TV.
"Flash Report! Isang Malagim na aksidente ang nangyari sa bayan ng San Jose Magallanes. Isang kotse ang nahulog sa bangin at tinupok ng nagliliyab na apoy. Wala pang pagkakakilanlan ang tatlong biktima na kasamang nasunog ng sasakyan. Ang inyong lingkod, nagbabalita, Sarah Farah!"
Kasalukuyang nakaupo rin sa sofa si Marilyn at napaangat siya ng ulo sa narinig na balita. Napatingin siya sa TV screen.
Napanood nilang mag-ama ang pagtulong-tulong ng mga tao na buhatin isa-isa ang mga sunog na bangkay mula sa loob ng natupok na sasakyan. May biglang bumundol na kaba sa kanyang dibdib. Hindi naman niya kilala ang mga 'di umano'y biktima pero nagdalang habag siya sa mga ito.
"Grabe na talaga ang mga nangyayari sa Pilipinas. Kabi-kabila na ang mga aksidenteng nangyayari," wika ng kanyang ama na umiling-iling pa habang nakatutok ang mga mata sa pinapanood na balita.
Napaigtad sa gulat si Marilyn nang biglang tumunog ang cellphone na hawak niya.
Monica is calling. . . Ang kaibigan niya ang tumatawag. May pakiramdam na siya kung ano ang dahilan nito kung bakit tumawag sa kanya.
"Hello, Monica?" bungad niya nang sagutin ang tawag.
"Alyssa, what happened to Perlita?" tanong ni Monica sa kabilang linya. Pinsan nito ang kasambahay nila.
"I don't know yet, Monica," sagot niya. "Pero may pumunta na mga pulis dito at hinahanap siya."
"Tumawag sa akin kanina lang si Tita Ana. Hindi raw nila matawagan ang cellphone ni Perlita. Hindi rin siya umuwi kagabi." Mababakas sa boses nito ang kaba.
Isang buntong hininga ang kumawala sa lalamunan niya. Kapag hindi pa rin makita si Perlita ng pamilya nito, natitiyak niyang maghihinala ang mga pulis sa kanyang pamilya na may kinalaman sa pagkawala ng dalaga. Hindi naman sila masamang tao at lalong hindi nila kayang kumitil ng buhay ng isang tao.
"Nagpaalam si Perlita sa 'min kagabi na uuwi. Pinigil ko pa nga dahil gabi na pero nagpupumilit siya. Ang sabi niya ay susunduin daw siya ng kanyang nobyo dahil may pupuntahan sila," paliwanag niya. Mariing napapikit siya. Hiling niya'y sana paniwalaan siya ng kanyang kaibigan.
"'Yon nga rin ang natanggap kong text message mula sa kanya kagabi. Nakiusap siyang ako nang magsabi kay Tita Ana. Kaya pag-out ko from work ay pumunta ako sa bahay nila kagabi," ani Monica.
"Sana'y walang masamang nangyari kay Perlita. Napakabait niya sa 'min. Kung sana'y nakinig siya sa 'kin kagabi, hindi tayo dapat nag-alala sa kanya ng ganito."
"Sana nga ay nasa maayos siyang kalagayan," malungkot na wika ni Monica. "Sabihan mo ako kapag may update na sa imbestigasyon ng mga pulis."
"Sige," sagot niya. "Ikaw rin, sakaling malaman mo mula sa iyong tiyahin na nakauwi na si Perlita, tawagan mo ako o kaya magpadala ka ng text message, ha?"
"Okay. Sige, I'll go ahead. Tapos na ang lunch break ko," paalam na sa kanya ng kaibigan.
"Sige, mag-ingat ka sa work. Bye!"
"Thanks, bye!" At nawala na sa kabilang linya ang kaibigan.
Nakatutok pa rin ang mga mata ng kanyang ama sa pinapanood na balita. Hindi man lang siya tinapunan ng tingin nang magpaalam siya rito na sisilipin ang pamangkin sa kwarto nito.
Tumalikod na nga si Marilyn at iniwan mag-isa sa sala ang ama.
"Pasintabi sa mga kumakain. Isang nagbabagang balita para sa mga oras na ito. Isang bangkay ng babae ang nakita sa dumpsite sa Sitio Kamias-II. Hindi pa makilala kung sino ang babaeng biktima. Pero ayon sa mga pulis ay may saksak ito sa magkabilang mata at tinatayang limang saksak naman sa leeg. Ayon din sa report, may hinala ang mga kapulisan na nasagasaan din ang biktima base na rin sa itsura ng bangkay nito. Lasog-lasog ang mga buto sa katawan at basag din ang ulo nito. Narito ang ilang kuhang larawan ng biktima."
"Diyos ko!" sambit ni Mang Alfonso. Nakilala nito ang kasuotan ng babaeng biktima. "Marilyn, pumarini ka sandali!"
Natigil sa paghakbang si Marilyn nang marinig ang sigaw ng ama.
Bakit kaya? tanong niya sa sarili.
Muli siyang bumaba ng hagdan at bumalik sa sala.
"Bakit po, 'tay?" tanong niya sa ama at sumilip sa bintana. Mula rito ay tanaw niya ang gate. Inaakala niyang muling bumalik ang tatlong pulis.
"Manood ka ng balita!" gimbal pa rin si Mang Alfonso sa napanood.
Tinatamad na umupo siya at isinandal ang likod sa sofa.
"Tingnan mong mabuti, 'di ba ganyan ang suot na damit kagabi ni Perlita?" naninigurong tanong ni Mang Alfonso.
"Oh, God!" usal ni Marilyn at tumayo. Nilapitan niya ang kinaroroonan ng TV at inilapit ang mukha sa screen nito. Nagimbal siya sa kanyang nakitang mga larawan na ipinakita. Malabo ang mukha ng biktima pero kitang-kita naman ang kasuotan nito.
"Anak, tama ba ako? 'Di ba ganyan na ganyan ang suot kagabi ni Perlita?" ulit na sabi ng kanyang ama.
"Tama ho kayo, 'tay. Katulad na katulad ng suot ni Perlita!" tugon niya na may nginig sa boses.
Malakas ang kutob niyang si Perlita ang babaeng nasa litrato. Naririnig niya ang mabilis na tibok ng kanyang puso dahil sa labis na kaba.
Muling nagsalita ang reporter.
"Kararating lang ng balita. Isa sa dalawang suspek ang lumitaw at umamin ng aksidenteng naganap kagabi sa Nazareno Street Bagong Bayan. Ayon sa suspek, nasagasaan ng dala nilang truck ang babae kagabi. Pero itinanggi nitong kagagawan nila ang tinamong mga saksak ng babaeng biktima. Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang tinutugis pa ang isa sa kasama nito na pinangalanang si Mister Alberto Bañez alyas 'Taba'-driver ng nasabing truck. Manatiling nakatutok sa numero unong balita, Brigada Dos. Ang inyong tagapagbalita, Alma Marañon!"
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...