𝕯𝖞𝖊𝖘𝖎𝖘𝖞𝖊𝖙𝖊♱

357 8 0
                                    

"MARILYN!" tawag-pansin ni Aling Pacing sa anak, pabalik-balik na naglalakad ang dalaga sa sala habang kinakagat ang kuko sa kamay.

"'Nay!" sapo ang dibdib na bulalas ni Marily.

"Napansin kong parang balisa ka. Ano ba ang dahilan kung bakit ka nagkakaganyan?"

Napakagat-labi siya. Pinag-isipan niya nang mabuti kung sasabihin sa kanyang ina ang sinabi ni Father Damian.

Nagpasya siyang sabihin iyon sa kanyang ina habang nasa komedor pa ang ibang kasama nila sa bahay. Hinawakan niya ang mga kamay nito. Huminga nang malalim bago magsalita.

"May sinabi kasi si Father Damian," panimula niya.

"Anong sinabi?" tila excited na tanong nito.

"'Nay, mag-ingat daw tayo. May kakaiba daw siyang naramdaman sa bahay na ito. Isang masamang espiritu."

Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. "Anak, huwag kang magpapaapekto sa sinabi ni Father Damian. Karamihan sa mga bahay na walang house blessing ay tinitirhan ng mga kaluluwang ligaw."

"Natatakot lang ako na baka may katotohanan ang tinuran niya. Ayokong may mapahamak sa pamilya natin."

Marahang pinisil ng kanyang ina ang kamay niya. "Anak, tayong mga anak ng Diyos ay mas makapangyarihan kaysa sa mga kampon ng diyablo. Kailangan mo lang ng mas matibay na pananampalataya sa Diyos kaysa magpadala sa takot."

"Tingin mo, 'nay, ang espiritu na naramdaman ni Father Damian ay kaluluwa lamang ng aking kapatid?"  tanong niya na nakatitig sa mga mata nito.

Marahan itong tumango.

"Siguro, hindi nila natanggap kaagad ang kanilang biglaang pagkamatay. Hindi pa rin sila handa na iwan ang anak nilang si Maya." Biglang nalungkot ang ekspresyon ng mukha ni Aling Pacing nang mabanggit ang panganay na anak.

"Nay, bumalik na tayo sa komedor at tikman natin muli ang iyong espesyal na suman," pag-iiba niya ng usapan sa masiglang tono ng boses.

Bigla siyang nakonsensya nang makita niya ang malungkot na mukha ng kanyang ina. Inakbayan niya ito at sabay silang pumasok sa komedor. Naabutan nila ang kanyang ama at si Mang Leo na nagsisimula nang uminom ng alak.

Si Aling Dolores ay kumakain ng suman habang si Maya ay nakaupo sa kandungan ng ginang, sarap na sarap na kumakain ng spaghetti ang bata.

"Perlita, mamaya na 'yan. Kumain ka ulit," puna ni Marilyn sa kasambahay na abala sa paghuhugas ng pinggan.

"Tatapusin ko lang po ito," sagot ni Perlita sa kanya na nakatutok ang mga mata sa paghuhugas.

"Balae, napakasarap mo magluto ng suman!" papuri ni Aling Dolores sa kanyang ina.

"Salamat," nakangiting sagot ni Aling Pacing. Kumuha rin ito ng dalawang plato at nilagyan ng suman para sa kanilang mag-ina.

Inalok din ni Aling Pacing ang dalawang matandang lalaki na umiinom ng alak ngunit tumanggi ang mga ito.

"Tay, huwag kang masyadong magpakalasing," bilin niya sa ama.

Tumango lang ito.

"Huwag kang mag-alala, anak. Babantayan namin ni Dolores ang dalawang lasinggero na iyan," sabi ng kanyang ina.

Nagkibit-balikat siya. Hinila niya ang isang upuan at umupo sa tabi ng kanyang ina. Habang kumakain siya ng suman, hindi pa rin mawala sa isip niya ang mga sinabi ni Father Damian. Malaki ang epekto niyon sa kanya.

***

ALAS-OTSO na ng gabi kaya nagpasya si Marilyn na umakyat sa kwarto kasama ang pamangkin na kanina pa niya napansing humihikab.

"Maya, kailangan mo pang maglinis ng katawan bago matulog," sabi niya sa pamangkin. Hindi sumagot ang bata bagkus ay bumaba sa kandungan ng abuela.

"Kiss muna," wika ni Aling Dolores.

Binigyan ng halik sa pisngi ng bata ang mga lola at lolo.

"Perlita, huwag ka nang umuwi. Dito ka na lang sa bahay matulog," sabi ni Marilyn.

"Hindi na po, Ate," tanggi ni Perlita.  "Susunduin ako ng boyfriend ko. May pupuntahan pa kami," medyo nahihiyang sabi nito.

"Gabi na, hindi ligtas na gumala–"

"Hayaan mo na't dalaga na si Perlita. Palibhasa wala kang nobyo, anak," putol ng kanya ama.

"Ang sa akin lang, 'tay, baka mapahamak sila sa labas. Gabi na at siguradong hindi sila makakasakay ng pampasaherong bus o jeep."

"May motorsiklo ang boyfriend ko, Ate. Saka mag-iingat kami, pramis!"

"Mukhang hindi na kita mapipigilan. Sumunod ka na lang sa 'kin nang maibigay ko sa 'yo ang bayad sa pagtulong mo sa 'min kanina." Kinawayan niya ang pamangkin na lumapit sa kanya.

***

SI Marilyn lang ang pumasok sa kwarto niya para kumuha ng pera na ibibigay kay Perlita. Nasa labas ito kasama ang kanyang pamangkin.

"Salamat, Ate," nakangiting sabi ni Perlita at itinago sa bulsa ng blouse nito ang pera.

"Mag-ingat kayo ng nobyo mo, ha?" paalala niya rito. "May susi ka ng gate. Ikaw na ang bahalang mag-lock paglabas mo," dagdag niya.

May tiwala siya sa kasambahay dahil kamag-anak ito ng isa niyang kaibigan. Isa pa, makikita sa mukha nito na walang gagawing masama.

Tumango ito. "Ate, alis na ako," paalam nito sa kanya at tumalikod na.

Hindi niya maintindihan, biglang nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kaba habang sinusundan ng tingin ang papalayong kasambahay.

Napakurap siya nang lumingon si Perlita sa kanya. Napaatras siya nang makitang wala itong ulo!

Kinusot niya ang kanyang mga mata. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nandoon ang ulo ng kasambahay. Pinaglalaruan lang siya ng mga mata niya.

"Tita," tawag ni Maya sa kanya, hinila ang laylayan ng blouse niya.

"Halika sa kwarto mo," sabi niya nang makita ang paghikab ng pamangkin. Hinawakan niya ang maliit nitong kamay.

Pagpasok sa kwarto ng pamangkin ay agad na hinubaran ni Marilyn ang bata para linisin ang katawan. Siya ang nagsipilyo ng ngipin nito dahil halatang tinatamad ito.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon