SUMIMANGOT si Maya. "Huwag mo nang uulitin 'yon, ha?"
"Paulit-ulit kong gagawin iyon kapag may umapi sa 'yo, Maya. Sasaktan ko rin kahit ang mga taong malalapit sa 'yo." Ngumisi ng nakakatakot si Dolly. Naging kulay apoy ang mga mata.
"Ayoko na sa 'yo! Bad ka!" sigaw ni Maya sa batang kaharap. "Ayaw na kitang kalaro!" Tinulak ni Maya sa dibdib ang bata kaya napahiga ito sa ibabaw ng kama.
"Kapag tumigil ka sa pakikipaglaro sa akin, sasaktan ko talaga sila!" pananakot ng bata at tinulak din si Maya. "Kung ayaw mong masaktan ko sila, ipangako mo sa akin na ako lang ang magiging kaibigan mo. Makikipaglaro ka pa rin sa 'kin!"
"I hate you!"
"Maya!"
Napatingin sa pinto ng kwarto ang batang si Dolly. Ibinuka ang bibig at naglabas ng itim na usok bago bumalik sa anyo ng manika.
Napatigil si Marilyn sa pagkatok sa pinto nang marinig niya mula sa loob ng kwarto na may kausap si Maya. Narinig niya ang sinabi ng pamangkin. Kumunot ang noo niya. Sino ang kausap ng bata at bakit parang umiiyak?
Pinihit niya ang door knob, naka-lock ang pinto. Ngayon lang ginawa ng pamangkin na i-lock ang pinto.
"Maya!" tawag niya rito at muling kumatok sa pinto. "Buksan mo ang pinto, Maya!"
Napalingon si Maya sa pinto nang makarinig ng sunod-sunod na katok. Mabilis na pinunasan ng bata ang kanyang luha.
Hindi sumagot ang pamangkin ngunit may narinig siyang yabag na palapit sa pinto. Mabilis na pinihit ni Marilyn ang door knob at mahinang itinulak ang pinto. Sumilip ang dalaga sa loob ng kwarto at nakita si Maya na nakatayo, tila naghihintay sa pagpasok niya.
"Narinig kita na parang may kausap," sabi niya sa pamangkin nang tuluyan na siyang makapasok sa kwarto. Binuhat niya ito at pinaupo sa kama.
"N-naglalaro lang po ako, Tita Marilyn," sagot ng bata sa nanginginig na boses. Nakatingin ito sa manika na nakahiga sa ibabaw ng kama.
"Ano ba'ng nilalaro mo?" usisa ng dalaga sa bata. Inabot niya ang nakahigang manika.
"Huwag!" sigaw ni Maya sabay tabig sa kamay ng tiyahin.
"Hahawakan ko lang si Dolly," mahinahong sabi niya. Bakas sa mukha niya ang pagtataka.
"Huwag mo siyang hahawakan!" Dinampot ng bata ang manika at inihagis sa sahig.
Nagulat si Marilyn sa ginawa ng pamangkin, hindi niya talaga inaasahan iyon. Alam niya kung gaano ito nahuhumaling sa laruan.
"Bad si Dolly!"
"A-anong ibig mong sabihin?"
"Basta!"
Ilang tanong pa niya ng 'bakit?' pero hindi siya nito sinasagot nang maayos.
Napabuntong hininga nang malalim si Marilyn. Hindi na muling tinanong ang bata at tila ayaw magsalita. Alam niyang malawak ang pag-iisip ng mga kabataan ngayon, baka nagdadrama lang ito tulad ng mga napapanood sa telebisyon.
"Tara, bumaba na tayo." Tumango lang ang bata. Binuhat niya ito at ibinaba sa sahig. Hinawakan niya nang mahigpit ang maliit na kamay nito at lumabas ng silid na iyon.
Hindi na nakita ng magtiyahin ang nagngangalit na mga mata ng manika.
***
DUMIRETSO sa dining room ang magtiyahin.
Napansin agad ni Aling Pacing ang nakasimangot na mukha ng apo. "O, anong nangyari sa batang 'yan? Bakit ganyan ang hitsura niya, hindi maipinta?"
Pinaupo ni Marilyn ang bata bago sinagot ang tanong ng ina. "Hindi ko alam sa batang 'yan, 'nay. Nag-away yata sila ng manika niya."
"Ano 'kamo?"
Natawa si Marilyn sa reaksyon ng mukha ng kanyang ina.
"Naglalaro lang siya sa kwarto kasama 'yong manika niya. Baka hindi siya makakuha ng mga sagot kapag tinanong niya ang manika, disappointed siya." Halatang alam ng ina na nagbibiro lang siya. Ang isang laruan, tulad ng isang manika, ay hindi nagsasalita.
"Ewan ko sa 'yo, Marilyn! Nahahawa ka na sa kalokohan ng tatay mo," sabi ni Aling Pacing sabay sandok ng kanin.
"O, bakit nadamay ako?" reklamo ni Mang Alfonso. Inilapag ng lalaki ang mga plato sa mesa.
Napakaswerte niya sa kanyang mga magulang. Bukod sa pagiging masipag, mapagmahal, maasikaso at maalaga pa sa mga anak.
"Kumain na lang tayo dahil gutom na ang ating munting prinsesa," sabi ni Marilyn na ang mga mata'y na kay Maya na nakatalungko sa mesa.
Inabot ng dalaga ang plato ng pamangkin. Nilagyan niya ito ng kanin at gulay na pinakbet. Kumuha siya ng pritong isda, tinanggal ang tinik at saka hinimay.
Hinila niya ang isang silya at umupo. Kinuha na rin siya ng pagkain niya. Panay ang sulyap niya sa pamangkin na mukhang matamlay habang kumakain.
Humugot siya ng isang silya at umupo. Kumuha na rin siya ng pagkain. Panay ang sulyap niya sa pamangkin na mukhang matamlay habang kumakain.
Nagkatinginan silang mag-ina. Hinayaan na lang muna nila ang bata. Ang nasa isip nila, na-miss na naman nito ang mga magulang.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...