MAY lumabas na itim na usok sa bibig ni Dolly nang ibuka nito ang bibig.
Kinilabutan si Maya sa nakita. Pilit itong lumayo kay Dolly.
"Mapapagod ka lang, Maya." Ngumisi si Dolly. Nagtagumpay ito sa pagbuka ng bibig ni Maya. Unti-unting pumasok ang itim na usok sa bibig ng bata.
Napasapo sa sariling lalamunan si Maya. Parang apoy na naglalagablab sa loob ng katawan nito ang itim na usok. Nangingilid ang luha sa sulok ng mga mata ng bata.
Sinubukan ni Maya na sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa bibig nito. Saglit lang ay unti-unting nagbago ang anyo ng dalawang bata.
Naging manika si Maya.
Walang pagsidlan ng tuwa si Dolly. Tagumpay na nagkapalit ang katawan nila ni Maya. Mabilis itong kumilos. Kinuha ang kahon at inilagay ang manika na walang iba kundi si Maya.
Humahalakhak ito habang naglalakad palapit sa kinaroroonan ng tokador. Humarap sa salamin at tiningnang mabuti ang sariling repleksyon. Hindi pa rin ito makapaniwala sa nakikita.
Hinawakan ng bata ang magandang mukha. Ang mga mata'y kumikinang sa kaligayahan.
***
NAGPAALAM si Marilyn sa mga magulang at panauhin. Pupunta muna siya sa kwarto ni Maya para silipin ang bata. Bigla siyang kinabahan na hindi niya mawari. Ang unang pumasok sa isip niya'y si Maya.
Napatigil si Dolly sa pagsusuklay ng buhok nang makarinig ito ng katok sa labas ng pinto.
"Maya!" Kumatok siya sa pinto. Sinubukan niyang pihitin ang door knob ngunit naka-lock ito. "Buksan mo ang pinto!"
Naghanap ng mapagtataguan ang bata. Hindi pa ito ang tamang oras para makita ng kahit sino. Kinuha nito ang kahon na naglalaman ng manika na kamukha ni Maya. Ayaw man nitong balikan ang manika na matagal nang kanlungan, ngunit hinihingi ng pagkakataon.
May ibang araw pa upang muling maangkin ang buhay na matagal ko nang inaasam-asam... Ang tuluyang maging tao! sa isip ni Dolly. Naging itim ang puting bahagi ng mga mata nito habang nakatitig sa mga mata ng manika.
Naalala ni Marilyn na itinago niya ang susi ng kwarto ni Maya sa pinakamaliit na bulsa ng kanyang shorts.
Nasaan na ba 'yon? inis na bulong sa sarili ng dalaga.
Nang makuha ng dalaga ang susi ay mabilis niyang ipinasok sa keyhole ng door knob. Pagkabukas ng pinto ay agad siyang pumasok.
Nakita niya ang kanyang pamangkin na nakahiga sa sahig at sa tingin niya'y nakatulog ito. Nilapitan niya ang bata at inangat ang ulo nito. "Maya, gising!"
"Ugh..." ungol ng bata bago nanlaki ang mga mata. Biglang napaupo si Maya sa sahig nang maalala ang nangyari sa kanya.
"Tita, naging manika po ako kanina!" nanginginig ang boses na sabi ng bata.
Napangiti si Marilyn matapos ginulo ang buhok ng kanyang pamangkin. "Maya, nakatulog ka sa sahig habang naglalaro," paliwanag niya.
"Totoo ang sinasabi ko, Tita." Yumakap ito nang mahigpit sa kanya. "Si Dolly, masama siyang laruan! May kapangyarihan po siya. Ginawa niya akong manika!"
"Nasa kabilang kwarto si Dolly." Hindi niya pinansin ang sinabi nito. Naisip niyang baka nanaginip ito habang natutulog sa sahig kanina.
"Narito siya!" Inilayo nito ang katawan sa kanya at tinignan siya sa mga mata. "Kasama ko siya kanina at galit na galit siya."
Humugot siya nang malalim na hininga. Base sa galaw ng mga mata ng pamangkin ay tila may kinakatakutan ito. "Nasaan si Dolly?"
Nagpalinga-linga ang bata sa loob ng sariling silid. Wala na ang manika.
Inalalayan ni Marilyn tumayo ang bata. Dinampot niya ang bago nitong manika na nasa sahig.
Maingat na gumapang si Dolly mula sa ilalim ng kama hanggang sa likod ng aparador. Gumapang ito pataas hanggang sa makarating sa itaas na bahagi nito. Dumapa ito. Mula dito ay nakita nitong nag-uusap ang magtiyahin.
"Tita, ayoko na kay Dolly! Sinasaktan niya ako kapag ayaw kong makipaglaro sa kanya," sumbong ni Maya.
Para hindi magtampo ang bata sa kanya, sinakyan na lang niya ang mga sinasabi nito.
"Ganito na lang," panimula niya. "Sasabihin ko sa lola mo na itago muna ang manika sa attic."
"Makakalabas pa rin siya, Tita."
"Ako na ang bahala kay Dolly, okay? 'Wag mo na lang sabihin sa lolo't lola mo ang tungkol kay Dolly, o kahit kanino. Maliwanag ba?" Ayaw niyang matawag na baliw ng kahit sino ang kanyang pamangkin, lalo na't hindi kapani-paniwala ang mga sinasabi nito.
"Why, Tita?" inosenteng tanong ng bata.
"Mahirap ipaliwanag. Sundin mo na lang ang sinasabi ko, okay?"
"Sige po, Tita."
"Halika, sa sala mo ipagpatuloy ang paglalaro." Hinawakan niya ang isang kamay nito.
Hindi naman kumibo si Maya. Malikot pa rin ang mga mata nito sa apat na sulok ng kwarto.
Lumabas ang magtiyahin sa kwarto nang hindi nakita ang manika na nagkatawang-batang babae. Nanlilisik ang mga mata nito habang sinusundan ng tingin sina Marilyn at Maya. Nag-aapoy ang mga mata sa galit. Hindi ito natuwa sa sinabi ng dalaga. Ayaw na nitong bumalik sa attic.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...