DAPIT-HAPON, kasalukuyan nasa hardin si Marilyn, nagdidilig ng mga halaman nang mapansin niyang wala na si Maya sa kinauupuan nitong steel chair.
Sinarado niya ang gripo. Niligpit niya ang hawak na hose bago pumasok sa loob ng bahay. Naabutan niya sa sala ang mga magulang, nanonood ang mga ito ng telebisyon.
"'Nay, napansin n'yo ba si Maya?'' tanong niya sa ina.
"Nagpaalam na pupunta raw siya sa kanyang silid at doon maglalaro ng kanyang manika," anang kanyang ina na muling ibinalik ang paningin sa pinapanood.
"Gano'n ho ba? 'Nay, akyatin ko muna si Maya," paalam niya sa mga magulang.
"Paghahanda ko kayo ng juice. May niluto akong pancit, mag-merienda kayong dalawa ni Maya."
"Sige po, 'nay. Kayo ba ni itay, nakapag-merienda na?"
"Hindi pa, anak. Mauna na kayo ni Maya. Alam mo naman itong ama mo, gustong kasama ako kapag nanonood siya ng paborito niyang pelikula."
Napangiti siya sa sinabi ng ina.
"Sa sala na lang tayo mag-merienda para makakain na rin kayo ni itay," aniya at muling nagpaalam na aakyat ng pangalawang palapag para puntahan ang pamangkin.
Tumalikod na ang dalaga. Tumayo naman si Aling Pacing para pumunta ng kusina at maghanda ng pagkain para sa kanilang merienda.
***
MALAPIT na si Marilyn sa silid ng pamangkin nang may marinig siyang mga yabag sa loob ng silid. Parang may naghahabulan. Narinig niya ang matinis na boses ni Maya habang tumitili ito sa tuwa.
Nangunot ang noo ni Marilyn.
"Habulin mo, 'ko!" Boses ni Maya ang narinig ng dalaga. Tila hindi nag-iisa sa loob ng silid na iyon ang pamangkin.
Muling narinig ni Marilyn ang mga yabag, naghahabulan habang panay ang tawa ni Maya. Tumigil siya sa tapat ng pinto ng silid ng pamangkin. Maingat na idinikit niya ang kaliwang tenga sa pinto upang pakinggan ang nasa loob.
"Ang daya-daya mo talaga! Lagi mo akong nahuhuli. Ako na naman ulit ang taya, e!" Tila nagmamaktol na reklamo ni Maya, pakiwari niya'y may kausap ito.
Hindi na nakatiis ang dalaga kaya biglang pinihit ang door knob sabay tulak sa pinto. Nakita niya ang bahagyang pagkagulat sa mukha ni Maya, nakaupo ito sa ibabaw ng kama habang sinusuklay ang mahabang buhok ng manika.
Inilibot niya ang paningin sa loob ng silid ni Maya pero wala siyang ibang taong nakita bukod sa kanyang pamangkin. Pero kanina, narinig niyang may ibang kasama ang bata, tila may kalaro.
Lumapit siya sa kama, bahagyang yumuko upang silipin ang ilalim ng kama. Malinis. Tumayo siya at nilapitan naman ang malaking closet. Huminga muna siya nang malalim bago binuksan ang pinto ng closet. Mga nakatuping damit ang nakita niya. Naisip niya kasing baka nagtatago roon ang kausap ni Maya kanina kaya sinubukan niya itong hanapin.
Bumaba ng kama si Maya habang mahigpit na yakap ang manika. Lumapit ito sa tiyahin na nakaharap pa rin sa binuksang closet.
"Tita!" tawag pansin ng bata sa dalaga.
Napalundag naman sa gulat si Marilyn. Nasapo niya ang sariling dibdib. Mariin niyang ipinikit ang mga mata at muling iminulat bago humarap sa pamangkin.
"Maya," aniyang pilit ngumiti sa bata.
"Ano po ang ginagawa n'yo, tita?'' inosenteng tanong nito sa kanya, saka sumilip rin sa nakabukas na closet.
"Huh?" sambit niya at mabilis na nag-isip ng isasagot. "W-wala. May hinahanap lang ako, Maya," pagsisinungaling niya at mabilis na isinara ang closet.
Gusto niya sanang tanungin ang pamangkin tungkol sa kanyang narinig, subalit naisip niyang baka guni-guni lang iyon. Isa pa, ayaw niyang matakot ang bata.
"Ano naman po ang hinahanap 'yun, tita?" muling tanong nito.
Bahagyang natigilan si Marilyn.
"W-wala 'yun," sagot niya. "Halina't bumaba na tayo, kanina pa tayo hinihintay ng lolo't lola mo." Inabot niya ang isang kamay nito.
Hawak-kamay na lumabas silang magtiyahin ng silid. Hindi na napansin ng dalaga ang gumuhit na isang ngiti sa mapulang mga labi ng manika.
***
NAPANSIN ni Aling Pacing ang pananahimik ng anak. Dahilan upang hindi nito matuloy ang pagsubo ng pancit.
"Anak, may problema ba?" tanong ni Aling Pacing sa dalaga.
Agad nag-angat ng mukha si Marilyn.
"Wala naman ho, 'nay," kaila niya. Hindi niya masabi rito ang totoong gumugulo sa isipan. Pilit kasing umuukilkil sa kanyang utak ang mga yabag na narinig kani-kanina lang sa loob ng silid ni Maya.
"Sigurado ka?"
"Naalala ko lang po ang aking isang estudyante. Magbabakasyon daw po sa Pilipinas ang buong pamilya niya," pagsisinungaling niya. Upang maiwasang usisain pa ng ina.
"Gano'n ba? Masaya kung gano'n. Makakapasyal sila sa ating bansa," anang kanyang ina. Itinuloy na nito ang pagkain.
Pinagmasdan ng dalaga ang ina. Mukhang naniwala naman agad ito sa sinabi niya.
Ipinilig ni Marilyn ang ulo. Pipilitin niyang huwag isipin ang narinig kanina. Baka pagod lang siya kaya kung anu-ano ang narinig niya. Ilang araw rin kasi silang walang maayos na tulog. Naisip niya rin na baka namamahay pa siya, ilang araw pa lang naman silang naroroon sa bahay ng kanyang ate.
"Tita, gusto ko po pa ng pancit," narinig niyang sabi ng pamangkin. Mabilis naman niyang kinuha ang plato nito at nilagyan ng pansit.
"Maya, masarap magluto ang lola, 'no?" tila patanong niyang sabi rito.
Ngumiti naman ito kahit puno ang bibig ng pansit, sabay thumbs up pa nito sa kanya.
Natatawa na pinisil niya ang baba nito. "Ang cute-cute mo talaga!"
"Mahal, gusto ko rin ng pancit," si Mang Alfonso, sabay abot ng plato sa asawa. Inabot naman iyon ng ginang at nilagyan ng pansit.
"Marilyn, gusto mo pa bang kumain?'' tanong sa kanya ng ina nang balingan nito.
"Mamaya na, 'nay. Pero magtabi ho kayo at baka maubusan ako ni itay at ng batang matakaw na nasa tabi ko," nakangiting sagot niya sa ina, sabay pisil ulit sa baba ni Maya. Narinig niya ang sabay na pagtawa ng mga magulang sa kanyang tinuran.
"Narinig mo ang sinabi ng anak mo?"
"Oo, na. Kapag may natira," biro ng kanyang ama. Natawa naman ang dalaga sa sinabi nito.
Magana nilang ipinagpatuloy ang pagkain ng masarap na lutong pancit ng ina habang nagkukulitan sa sala. Syempre, laging bida ang kanyang mahal na ama.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...