"MARAMI ka yatang niluto, 'nak?" puna ni Mang Alfonso nang makita ang mga pagkain na nakahain sa mesa.
Nakangiting nilingon ng dalaga ang ama pagkatapos niyang in-off ang stove. "Syempre, 'tay. Gusto kong gawin nating special ang mga araw na nandito pa kayo ni 'nay. Maiwan po muna kita 'tay. Gigisingin ko lang si Maya," paalam niya sa ama. Tumango naman ito kaya lumabas na siya ng kusina.
Nasa sala na si Marilyn nang matanaw niya ang pamangkin, pababa ng hagdan. Maayos ang mahabang buhok nito at ang aliwalas tignan ng mukha.
Isa iyon sa nagustuhan niya sa bata. Bukod sa malambing, marunong rin itong mag-ayos ng sarili. Kahit only child lang ito ay hindi naman pinalaking spoiled ng mga magulang.
Nakangiting inabangan ni Marilyn sa ibabang bahagi ng hagdan ang pamangkin.
"Good morning po, Tita Marilyn!" inosenting bati nito sa kanya.
"Good morning, Maya!" nakangiting bati rin niya rito. Inabot nito ang kanyang kamay.
Agad napansin ng batang si Maya ang manikang nakaupo sa sofa. Bumitiw si Maya sa dalaga at patakbong nilapitan ang manika.
Sinundan ng tingin ni Marilyn ang pamangkin.
"Wow! Para po sa 'kin ito 'di ba?" tanong nito sa kanya habang mahigpit na yakap ang manika. "Salamat po, tita!"
Hindi siya nakasagot. Gusto niya sanang tanungin ang bata kung pagmamay-ari nito ang manika. Pero base sa reaksyon nito, tila ngayon lang nakita ang manika. Gusto niya sanang sabihin sa bata na nakita lang ng lola nito sa attic ang laruan. Pero mas pinili na lang niyang huwag sabihin. Nakakatunaw ng puso ang ngiting nakikita niya sa pamangkin.
"Oo. Para talaga sa 'yo 'yan, Maya. Nagustuhan mo ba?" tanong niya sa pinasiglang tono ng boses.
Yumakap ito sa kanyang mga binti habang karga sa isang kamay ang manika.
"Salamat po, tita. Sobrang nagustuhan ko!" masiglang sagot nito at bumitaw na sa pagkakayakap sa kanya.
Natutuwa siya sa nakikitang kasiyahan sa mukha ni Maya, kahit papaano nabawasan na rin ang lungkot na nadarama ng bata. Natanaw niya ang kanyang ina na papalapit sa kanilang dalawa ng pamangkin. Mabilis na sinalubong niya ang ina.
"Mukhang nagustuhan ng apo ko ang manika," nakangiting sambit ni Aling Pacing habang nakatanaw sa apo.
"Pst..." pigil niya sa ina. Inilagay niya sa kanyang mga labi ang hintuturo. Tila nagtaka naman ito. "Ang akala ni Maya sa akin galing ang manika. Pero nang makita ko ang excitement sa kanyang mukha, hindi ko na nasabi sa kanya na nakita mo lang sa attic ang manika, 'nay."
Napatango naman si Aling Pacing. "Ngayon ko lang ulit nakitang ganyang kasaya ang aking apo."
"Huwag na po natin sabihin sa kanya na hindi galing sa 'kin ang manika, 'nay. Nakita ko kasing sobrang saya ni Maya nang makita ang manika. Baka kasi kapag sinabi natin ang totoo, hindi niya ito tanggapin."
"Oo, naman. Ang mahalaga, makita nating masaya na ulit ang aking apo. Iyon naman ang gusto nating lahat. Salamat sa Diyos at nakita ko ang manika," natutuwang turan ng kanyang ina.
"Tama ka po, 'nay. Natutuwa rin po akong makitang ngumingiti ulit si Maya," aniya habang pinagmamasdan ang nakangiting pamangkin habang nakatanaw sa kanila. "'Nay, tapos na pala akong magluto. Pumaroon na tayo sa komedor para makapag-almusal."
"O, siya, tawagin mo na si Maya."
Tinawag ni Marilyn ang pamangkin. Patakbo naman itong lumapit sa kanya.
"Maya, mag-breakfast muna tayo. Mamaya ka na maglaro."
Tumango naman ang bata, muli nitong inilagay sa sofa ang hawak na manika at bumalik ito sa kanya. "Tita, salamat po ulit."
"Your welcome, Maya," tugon niya, pero ang kanyang mata ay nasa ina.
Tumungo nga sila sa komedor para mag-almusal.
SA hapagkainan masaya nilang pinagsaluhan ang mga nilutong pagkain ng dalaga.
Mayamaya ang tingin ni Marilyn sa kumakain na pamangkin, halatang ganado itong kumain kaya natutuwa siya.
Kahit ang mag-asawang Alfonso at Pacing, natutuwa sa nakikitang sigla ng kanilang apo.
Sana tuloy-tuloy na... lihim na sambit sa isip ni Marilyn habang humihigop ng sabaw ng sopas. Ayaw niyang makita na malungkot ang pamangkin. Dahil sobrang naaawa siya sa bata.
Una, nagpapasalamat siya sa panginoon dahil hindi nito hinayaan tumagal pa ang pagdadalamhati ng bata. Pangalawa, ang manikang nakita ng kanyang ina. Hindi maitatanggi, mula nang makita ng bata ang manika ay may nakita siyang spark sa mga mata nito. 'Yun bang kahit hindi sabihin na masaya ang isang tao, makikita naman sa reaksyon nito.
"Gusto mo pa bang kumain, Maya?'' tanong niya sa pamangkin.
Nakangiting tumango ang bata. Inabot ni Marilyn ang pinaglalagyan ng sinangag na kanin.
"Kumain ka nang marami, huh?" nakangiting sabi niya sa pamangkin matapos lagyan ng kanin ang plato nito. Bahagyang ginulo niya ang buhok nito sa bumbunan.
"Opo, tita!" masiglang sagot ni Maya kahit punong-puno ng pagkain ang bibig.
Inakbayan ni Mang Alfonso ang asawa. Inihilig naman ni Aling Pacing ang ulo sa balikat nito. Sobrang natutuwa sila sa nakikitang kasiglahan ng kanilang apo.
Naagaw naman ang atensyon ni Marilyn sa nakitang sweetness ng mga magulang.
"Ehem!" kunwa'y tikhim niya. "Baka langgamin kayo sa sobrang sweet n'yo, 'tay, 'nay!"
Natatawa na pinaglayo ng mag-asawa ang mga sarili.
"Syempre, anak. Ganyan kami magmahalan ng tatay mo," sagot ni Aling Pacing, sinulyapan ang asawa bago muling sumubo ng pagkain.
"Naiinggit lang iyang anak natin, dahil hanggang ngayo'y wala pang love life!" tukso sa kanya ng ama.
"Naku, makita ko lang masaya kayo ni inay, kahit wala akong love life ay ayos lang," sabi niyang may katotohanan. Wala pa kasi sa isip niya ang pag-ibig na 'yan. Twenty three na siya, NBSB pa rin. No boyfriend since birth, ika nga! Hindi naman siya pangit. Sadya lang talagang hindi pa siya interesado sa mga ganoong bagay.
"Baka tumandang dalaga ka niyan anak?" anang kanyang ina.
"Hindi naman ho, 'nay. Bata pa naman ako. Saka, kahit hindi n'yo aminin ni itay, ayaw n'yo pa rin akong mag-asawa."
Napakamot sa batok ang kanyang ama. Hindi naman nakaimik ang kanyang ina.
Sabi na nga ba, tama ang hula niyang ayaw pa ng mga itong mag-asawa siya.
Ipinagpatuloy nila ang masaganang almusal na sinabayan pa rin nila ng kuwentuhan. Hindi na nila napansin ang mga matang kanina pa nagmamasid sa kanila.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mystery / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...