𝕺𝖓𝖘𝖊♱

377 10 0
                                    

SAMANTALA, sa kwarto ni Maya, nagngangalit ang kalooban ng isang batang babae.

Si Dolly.

Bumalik sa alaala ng bata ang mga hindi magandang nangyari sa kanyang buhay, mahabang panahon na ang lumipas. Lumaki rin ito kasama ang kanyang tiya, ngunit hindi tulad ni Maya na mahal ng pamilya. Samantala, inabuso ito ng sariling tiyahin. Sinasaktan, ginugutom at ginawang alipin.

Sa huling hininga, tanging kasama nito'y ang laruan na manika–kung saan naninirahan ang itim nitong kaluluwa!

Naiinggit.

Gustong maranasan kung ano man ang mayro'n si Maya. Gagawin ang lahat para magkapalit sila ng kapalaran. Ngumisi ito bago tumawa nang mahina hanggang sa unti-unting bumalik sa pagiging manika.

***

MASAMA pa rin ang loob ni Maya kay Dolly kaya hindi pinapansin ang huli.

"Maya, laro tayo," pangungulit ni Dolly.

"Ayoko nga maglaro, e!" sagot naman ni Maya. Kasalukuyan nanonood ng telebisyon sa sariling kwarto ang bata.

Bumakas ang inis sa mukha ng bata. Hinablot nito ang buhok ni Maya. "Kapag sinabi kong maglaro tayo, maglalaro tayo!"

"Aray! Bitiwan mo ang buhok ko. Nasasaktan ako, Dolly!" Tinulak ito ni Maya at nahulog sa sahig.

Mabilis ding bumangon si Dolly at galit na sumugod. Bumaon ang kuko nito sa braso ni Maya dahilan para umiyak ang bata.

Papunta sana si Aling Pacing sa silid ng pumanaw na anak upang maglinis nang madaanan ang silid ng kanyang apo at marinig ang iyak ng bata.

"Maya!" tawag dito ng ginang. Kumatok ito sa pinto.

Mabilis na binitiwan ni Dolly ang braso ni Maya. Matalim itong nakatingin sa nakasarang pinto.

"Lola!"

"Ano bang nangyayari sa iyo?" Nag-aalalang lumapit si Aling Pacing sa umiiyak na apo. Nakita ng ginang kung paano pilit na inilalayo ng bata ang manika na nakasabit sa leeg nito.

Patakbong lumapit si Maya sa abuela, luhaan ang mga mata. "Lola!"

"Bakit ka umiiyak, apo?"

Itinuro ni Maya ang manika sa sahig. Naisip ni Aling Pacing, baka nakakita ng insekto ang bata kaya ito umiiyak. Napayakap ang bata sa katawan ng abuela nang kunin ng ginang ang manika at inilagay sa ibabaw ng kama.

Inakay ni Aling Pacing ang apo at lumabas ng silid. Dinala nito sa sala ang bata. Naroon si Mang Alfonso, nanonood ng balita.

"Maya, manood ka na lang muna ng paborito mong cartoon movie."

Narinig ni Mang Alfonso ang sinabi ng asawa kaya ito na mismo ang naghanap ng mapapanood ng bata.

Umupo si Maya sa tabi ng kanyang lolo. Hindi na nagawang itanong ulit ni Aling Pacing sa bata kung bakit umiiyak dahil tahimik ito. Seryoso ang mukha habang nanonood.

"Alfonso, alagaan mo muna si Maya at may gagawin ako sa taas," paalam ni Aling Pacing sa asawa.

"Sige, ako na ang bahala sa kanya," tugon ni Mang Alfonso.

Tumalikod na nga ang ginang, muling bumalik sa ikalawang palapag ng bahay.

Nagsimula nang maglinis si Aling Pacing, hindi nito napansin ang isang anino na nakatayo sa ibabaw ng tokador. May hawak itong isang flower vase, kumukuha ng tiyempo para ihulog ito sa ulo ng ginang.

Bibitiwan na sana ni Dolly ang hawak na flower vase, nang biglang sumulpot si Marilyn sa silid na iyon. Napilitang magtago ang bata. Nanginginig pa ang mga kamay hanggang sa unti-unting bumalik sa pagiging manika.

"O, nakauwi ka na pala anak." Tumigil si Aling Pacing sa pag-vacuum sa ilalim ng tokador.

Hinalikan ng dalaga ang pisngi ng kanyang ina. "Kararating ko lang po 'nay. May dala akong pizza, pasalubong ko sa inyo."

Bahagyang nagulat ang mag-ina nang may bumagsak sa kanilang harapan.

Ang manika ni Maya.

"Ano'ng ginagawa ng manikang 'yan dito?" nagtatakang tanong ni Marilyn sa ina. Imposibleng si Maya ang naglagay noon sa ibabaw ng kabinet.

"Hindi ko alam," sagot ng kanyang ina. Bakas sa mukha nito ang pagtataka nang damputin ang laruan sa sahig. "Pero kani-kanina lang, nakita ko itong manika sa loob ng kwarto ni Maya."

"Sigurado ka ba, 'nay?" Gusto lang niyang makasigurado. Minsan kasi'y may pagkaulyanin ito.

Saglit na natigilan ang kanyang ina. Iniisip siguro kung kinuha nito ang manika at dinala sa kwartong iyon. At nang walang maalala, napakamot ito sa batok.

Base sa reaksyon nito'y tila hindi ito sigurado sa sinabi. Imposibleng maglakad mag-isa ang manika at umakyat sa ibabaw ng tokador.

Inakbayan ni Marilyn ang kanyang ina. Kinuha niya ang manika at vacuum cleaner sa kamay nito. Inilagay niya ang laruan sa ibabaw ng  nightstand. Isinandal naman niya ang vacuum cleaner sa gilid ng tokador.

"'Nay, tara na sa baba. Hindi ka na maglilinis ng bahay dahil may nakuha na akong kasambahay."

"Anak, gastos lang 'yan. Malakas pa naman ako, kaya ko pa ang mga gawaing bahay."

"Basta, ayokong makita kang naglilinis ng bahay." Inakay niya ang ina, sabay silang lumabas ng kwarto.

Nagtungo sa kusina ang mag-ina.

Gumawa ng juice si Aling Pacing. Binitbit naman ni Marilyn ang dalawang box ng pizza na binili niya sa mall na pinuntahan niya kanina.

Maaga siyang umalis dahil bumili siya ng groceries at mga lulutuin para sa susunod na araw sa forty days ng kanyang Ate Esmeralda at bayaw. Hindi niya isinama ang mga magulang at pamangkin dahil may dinaanan pa siya bago pumunta sa supermarket.

Sabay silang mag-ina na pumunta sa sala, ito talaga ang paborito nilang pwesto sa bahay. Sa sala sila madalas mag-bonding, magmeryenda at manood ng balita sa telebisyon.

"Tita, bakit hindi mo po ako sinama?" May himig hinampo sa tinig ng boses ng pamangkin. Nakaupo ito sa tabi niya.

"I'm sorry, Maya. May dinaanan kasi ako at bawal sa mga bata ang lugar na 'yon. Sa susunod ipapasyal kita kasama ng lola at lolo mo."

"Promise?"

Nagtaas ng kamay si Marilyn na parang nanunumpa. Ngumiti sa kanya ang pamangkin. Pinisil niya ang tungki ng ilong nito. "Promise!"

"Kumain na tayo habang mainit pa ang pizza," sabi ng kanyang ina nang bigyan sila ni Maya ng isang plato na may dalawang slice ng pizza.

"Salamat, Inay."

Masaya silang nagkwentuhan sa sala.  Hindi nila napansin na sa isang sulok ng bahay ay nakasilip ang mga mata ng isang batang babae. Naiinggit ito sa nakikitang kasiyahan sa sala.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon