𝕺𝖙𝖘𝖔♱

438 6 0
                                    

PAGPASOK sa bahay ay mabilis na ni-lock ng kanyang ama ang screen door at maging ang pangalawang pinto. Sinuri din kung naka-lock ang mga bintana.

At nang mai-lock na ang lahat, sabay silang umakyat sa hagdan. Pumasok muli si Marilyn sa silid ng pamangkin. Umupo siya sa gilid ng kama, nakatingin sa kawalan habang inaalala ang mukha ng batang babae.

Pakiramdam ng dalaga'y nakita na niya ang batang babae, hindi niya lang maalala kung saan at kailan niya ito unang nakita. Huminga siya nang malalim bago humiga sa kama katabi ng pamangkin.

Hindi napansin ni Marilyn ang maruming paa ng manika.

Patihayang nakahiga sa kama ang dalaga habang nakapatong sa noo ang isang braso. Hindi pa rin nawawala sa isip niya ang mukha ng bata. Sa hindi malamang dahilan, bigla siyang nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kaba.

May kaugnayan ba ang batang iyon sa kanilang pamilya o baka naman may third eye siya kaya kung anu-ano ang nakikita niya?

Haist! inis na piksi ng dalaga sabay abot ng isang unan na nasa gilid ng pamangkin at itinakip ito sa mukha niya. Ayaw pa siyang dalawin ng antok pero pipilitin niyang matulog.

***

SA loob ng sasakyan. Matamang pinagmamasdan ni Marilyn ang kanyang walang imik na pamangkin mula sa rearview mirror ng kotse. Hinatid niya ito sa paaralan ngunit ayaw nitong bumaba ng sasakyan.

"Maya, kailangan mong mag-aral para sa future mo," pagpapaunawa niya rito.

"Ayoko po," tipid na sagot ng bata habang mahigpit na yakap ang manika nito.

"Bakit? Masisira ang record mo sa school kung hindi ka papasok. Gusto mo ba 'yon?"

"Basta, ayoko po. Tita, umuwi na lang po tayo."

Napasandal sa upuan ng sasakyan ang dalaga. Ano pa bang pamimilit ang puwede niyang gawin mapapayag lang na pumasok ito sa school?

"Siguradong hindi matutuwa ang mommy at daddy mo kung hindi ka papasok sa school." Sinilip niya sa salamin kung ano ang magiging reaksyon ng bata. At nakita niya ang biglang paglungkot ng mukha nito.

Ibinaling ni Maya ang tingin sa labas ng bintana ng sasakyan at may pinagmasdan. Sinundan niya ang tinitingnan ng bata.

Nahabag si Marilyn. Nakita niya ang tinitingnan ng pamangkin. Isang ginang at isang batang babaeng ang magkahawak-kamay na pumasok sa gate ng elementary school. Hindi siya sigurado kung naiinggit ang bata sa nakikita o nami-miss ang mga magulang nito. Hatid-sundo ito noon sa school ng kanyang Ate Esmeralda.

"Hindi kita pipilitin na pumasok ngayon. Kailangan kong makausap ang principal ng school kaya sumama ka sa akin." She give up. Ang makita pa lamang ang malungkot na mukha ng kanyang pamangkin ay nadudurog na ang kanyang puso.

***

SA isang maliit na silid ay kausap ni Marilyn si Ginang Evangeline Castillo ang punong-guro ng paaralan.  Nakaupo sa isang tabi ang batang si Maya, abala sa paglalaro ng manika.

Nakatutok ang mga mata ni Mrs. Castillo sa naglalarong si Maya. "Miss, hindi dahil sinabihan ka ng bata na ayaw niyang pumasok kaya sumunod ka kaagad. Magiging spoiled lang ang batang iyan kung siya lang ang laging masusunod," mataray na sabi ng guro. Itinutok pa nito ang dulo ng ballpen kay Maya.

Hindi napansin ng guro ang masamang tingin ng manika nang ibalik nito ang tingin kay Marilyn.

Parang hindi nagustuhan ng dalaga ang tabas ng dila ng kausap. Naturingang principal teacher, matalim kung magsalita.

Hay naku! Pasalamat talaga ang matandang ito at may posisyon sa school na pinapasukan ng pamangkin niya. Mangani-nganing patulan niya ang tabas ng bibig nito.

"Ma'am, hindi pa rin matanggap ni Maya ang pagkawala ng kanyang mga magulang. Sana maunawaan niyo ang nararamdaman ng bata," magalang pa rin niyang paliwanag.

Saglit na tumahimik si Mrs. Castillo.

"Sige, bibigyan ko siya ng isang linggong pahinga. Ngunit pagkatapos ng isang linggong ibinigay ko sa iyo, kailangan mong pilitin ang bata na pumasok sa paaralan."

Napangiti siya sa narinig. Siguro sapat na iyon para mapilit niya si Maya na pumasok sa school. "Thank you so much, Mrs. Castillo."

Nagpaalam si Marilyn sa principal teacher na lalabas na sila ng opisina nito. Tumango lang ang kausap bilang tugon.

Paglabas nila ng principal's office, tinanong ni Marilyn ang kanyang pamangkin kung saan ang banyo. Magkasamang binaybay nila ang hallway.

"Maya, dito ka lang sa may pinto. 'Wag kang aalis ha?" paulit-ulit niyang paalala sa pamangkin.

"Yes po, Tita!" mabilis na sagot ng bata. Nakatuon ang mga mata nito sa laruan. Masuyo nitong hinaplos ang mahabang buhok ng manika.

"Promise?"

"Promise. Hindi po ako aalis, Tita." Nag-angat ito ng mukha at ngumiti sa kanya. May kakaibang ningning sa mga mata nito.

"Sige, mabilis lang naman ako." Pinisil niya ang baba nito bago pumasok sa cubicle.

***

ABALA sa pakikipag-usap si Mrs. Castillo sa hawak na cell phone. Kausap ng guro ang asawa sa kabilang linya.

"Tatawagan kita mamaya, darling. Marami pa kasi akong aayusin."

"Sige. Susunduin kita mamaya, huh?"

"Okay. I love you!" pahabol pa ng babae sa kausap. Itinago nito ang aparato sa loob ng drawer.

Tumayo si Mrs. Castillo para ayusin ang gusot na uniporme bago mabilis na lumabas ng opisina.

Pababa ng hagdan ang guro nang makita ang batang si Maya. Nakatayo ito sa ibaba ng hagdan. Bahagya lamang na tiningnan ng guro ang bata at sinimulang baybayin ang baitang ng hagdan pababa.

At nang muling tingnan ng guro ang kinaroroonan ng bata ay wala na ito sa kinatatayuan nito.

Ang creepy naman ng batang iyon! lihim na sambit ni Mrs. Castillo. Wala itong ideya sa nagbabadyang panganib.

Ang ManikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon