UMAGA.
Abala ang lahat sa pagluluto.
"Pwede bang magpahinga muna ako?" paalam ni Aling Dolores. "Sumasakit ang ulo ko."
"Sige po. Do'n na lang po kayo magpahinga sa kwarto ni Maya," wika ni Marilyn.
"Nasaan nga pala si Maya?"
"Nasa kwarto niya. Nanonood ng telebisyon."
"Gano'n ba? Sige, mabuti pa ngang do'n na ako sa kwarto niya magpahinga para may makasama siya. Maiwan ko muna kayo?"
"Samahan ko na po kayo," presenta niya.
"Huwag ka nang mag-abala. Alam ko kung saan ang kwarto ng apo ko." Tumalikod na ito at umalis sa kusina.
"Ate, mukhang masungit ang biyenan ng nasira mong kapatid," bulong sa kanya ng kasambahay na si Perlita.
"Ssh..." agad niya itong sinaway nang makitang pumasok sa kusina ang kanyang ama. Nasa likuran nito si Mang Leo. Galing ang mga ito sa palengke dahil bumili ng isda at kung anu-ano pa.
Nanahimik naman ang kasambahay.
"Kailangan na nating tapusin ang pagluluto. Darating dito ang pari na nakausap ko ng alas dos ng hapon," aniya habang hinahalo ang spaghetti. Marami rin silang niluto para sa padasal. Forty days nang nakalipas mula nang pumanaw ang kanyang kapatid at bayaw.
"Marilyn, tapos ka na bang magluto ng spaghetti?" tanong ng kanyang ina. Galing ito sa labas. Abala rin ito sa pagluluto ng mga kakanin sa likod ng bahay.
"Opo, 'nay. Isusunod ko na po ang karne. Magluluto po ako ng menudo at pochero."
"O siya, ikaw nang bahala. Mag-iihaw daw sila ng isda sabi ng ama mo. Iinom daw sila ng alak mamayang gabi."
"Si 'tay talaga, mag-iinom pa sa mismong araw ng forty days ni ate at bayaw," reklamo niya.
Nag-aalala lang siya sa kanyang ama, lalo na't matanda na ito. Idagdag pa na hindi ito sanay uminom ng alak. Lambanog lang ang iniinom nito sa probinsya at madalang pa.
"Ngayon lang naman 'yan, anak. Malapit na kaming umuwi sa probinsya. Hindi na siya makakatikim ng alak do'n."
"Pwede bang dito na lang kayo tumira ni Itay?" mungkahi niya. "Maganda naman ang trabaho ko. Ako na ang bahala sa mga gastusin natin. Magpahinga na lang kayong dalawa."
Inilagay ng kanyang ina ang malaking kawali na may laman na suman sa ibabaw ng lababo.
"Hindi papayag ang ama mo. Sanay na siya sa bukid. Isa pa'y mayroon kaming maliit na piggery at poultry. Hinabilin namin ang mga iyon sa pinsan mong si Dario habang nandito pa kami sa siyudad."
"Inay, subukan mo lang kausapin si 'tay. Gusto kong dito na rin kayo tumira sa siyudad kasama namin ni Maya. Malaki itong biniling bahay ni Ate. Kasya tayong lahat dito," pangungulit pa rin niya sa ina.
Matapos hugasan ang karne ay sinimulan na niyang maghiwa ng mga gulay.
"Sige, kakausapin ko siya. Pero huwag kang umasa, anak. Kilala mo ang ama mo."
Napabuntong hininga siya nang sabihin iyon ng kanyang ina. Nakatuon ang kanyang mga mata sa hinihiwang patatas.
"Pilitin mo siya, 'nay."
Hindi nagsalita ang kanyang ina kaya nagtaas ng mukha si Marilyn. Nagulat siya dahil wala na ito sa kinatatayuan nito. Ang nakita niya'y si Perlita na abala sa pagbabalot ng suman.
***
PAGPASOK ni Aling Dolores sa silid ni Maya, nakita nito ang bata na abala sa paglalaro ng mga manika. Ngunit bago pa man ito makalapit sa bata ay may napansin itong isang manika sa ilalim ng kama. Lumuhod ito at kinuha iyon.
"Maya, sinong nagbigay sa 'yo nito?" tanong ng babae sa bata at ipinakita ang manika sa kamay nito.
"Si Tita Marilyn. Dolly po ang pangalan ng manika, Lola," sagot ni Maya at niyakap nang mahigpit ang mga bagong manika.
"Hindi mo ba gusto ang manika?" tanong ulit ng babae. Umupo ito sa tabi ng bata.
"H-hindi ko na siya gusto! Bad po kasi si Dolly!" Itinuro ng bata ang manika na sinabayan ng pag-iling ng ulo. "Mas gusto ko itong mga manika na binigay mo, Lola."
Hindi nagtanong si Aling Dolores kung bakit ganoon ang sinabi ng apo. Mas binigyang pansin ng babae ang sayang naramdaman dahil nagustuhan ng bata ang regalo nito.
"Hayaan mo't ibibili pa kita ng manika sa susunod na punta namin dito. Mas maganda pa sa lumang manikang bigay ni Tita Marilyn mo." Masuyong hinaplos ni Aling Dolores ang pisngi ng bata. "Sige, ipagpatuloy mo na ang paglalaro."
Tumango naman ang bata at muling naglaro.
Pasimpleng tumayo ang ginang at lumapit sa bintana. Sinubukan nitong sirain ang manika na hawak nito ngunit mukhang matibay ang pagkakagawa ng laruan. At dahil hindi mapunit ang damit na suot ng manika, nagpasya itong itapon na lang sa labas ng bintana.
Sumilip muna si Aling Dolores sa bintana kung may tao sa labas. Nang makita ng babae ang mga halaman sa ilalim ng bintana ng kwarto ng apo ay sumilay ang ngiti sa mga labi nito.
Ang pangit at basurang manika na ito ay dapat itapon na lamang! bulong ni Aling Dolores sa sarili. Inihulog nito ang manika sa may bintana at saka bumalik sa higaan ng apo at humiga.
"Maya, matutulog muna ang lola, ha? Maglaro ka lang diyan," sabi ng babae habang nakapikit.
"Opo, Lola!" sagot ng bata na hindi nag-abalang tumingin sa abuela. Abala ito sa panonood ng telebisyon na sinasabayan ng paglalaro ng mga manika.
BINABASA MO ANG
Ang Manika
Mistero / ThrillerMarilyn's mother got an old doll from the attic. She gave it to her niece to ease her grief over the death of her parents. Unbeknownst to her, an evil soul is trapped in the doll. A disciple of the devil. The doll becomes more sinister when it start...