PART 13: Ang Maskarang suot mo!

4K 65 2
                                    

“Ilang maskara ba ang suot mo ngayon?” that familiar  baritone voice na iisang tao lang ang kilala niyang may gano'ng klaseng boses. “May mga kamera ba dito ngayon? Naka-live ba ang kawang-gawa na ito?”

Gusto niyang kamuhian ang lalaki sa paulit-ulit na pang-iinsulto nito. Gusto niya itong sigawan at pagmumurahin ngunit ayaw niyang gumawa ng eksena sa lugar na ito at lalong-lalong ayaw niyang masira ng tuluyan nito ang magandang nasimulan ng araw niya.

Akma na sana siyang maglalakad papalayo upang makaiwas ngunit napigilan agad nito ang kanyang braso.


“Kinakausap pa kita kaya ‘wag kang bastos,” anito habang hawak ang kanyang braso.

Sinubukan niyang hablotin ang braso, ngunit masyadong malakas ang pagkakahawak nito at bahagya na siyang nasasaktan sa riin ng pagkakahawak nito.


“Ano ba ang dapat nating pag-usapan Santeztiban?” Sa pagkakataong ito ay pinipigilan niyang huwag patulan ang lalaki.

“Anong drama mo at nandidito ka? Talaga bang galing yan sa puso mo o para wala lang?”

“Ano naman ang paki mo?” naiinis na siya, kunting-kunti nalang ay masisigawan na niya ang lalaki.

“Sa klase mo'ng babae ay imposibleng marunong kang maawa, talaga lang ha! Naawa ka? Pero minsan man lang ba naawa ka sa mga anak ng lalaking inaakit mo na pwede nilang iwan dahil sa kalandiang ginagawa mo?"


Akma niya sanang sasampalin ang lalaki ngunit bigla niyang naalala ang mga bata. Kaya huminga nalang siya ng malalim, pinipigilan ang pag-alpas ng emsiyong kanina pa nais na kumawala. “Wala akong balak patulan ka Santeztiban, kung gusto mo talaga ng giyera 'wag ka dito magtapon ng bomba dahil wala akong balak makipag-away sayo. Nandito ako para makasama sina Sisters at ang mga bata. Hindi para makipag-away sa katulad mong makitid ang utak,” aniya na humulagpos na ang lahat ng pagpipigil. “There must be a hundred reasons to hate me Santeztiban, and I’m not going to stop you. Pero hindi iyon ang magiging dahilan para hindi ko tulungan ang mga bata sa bahay ampunan na ito, at lalong hindi ikaw ang magiging dahilan para hindi ko tulungan ang kahit sinong nangangailangan ng tulong ko!” gigil na sambit niya.


Anong karapatan nitong kwestyonin ang pagtulong niya. Anong karapatan ng lalaking ito para bigyan ng masamang ibig sabihin ang lahat ng ginagawa niya sa mga batang pinabayaan ng magulang.

“Bakit? You’re seeking for love? May problema ka sa magulang mo? Hindi ka mahal ng mga magulang mo kaya nakaka-relate ka sa mga batang nadidito o…” binitin nito ang huling salita at tinignan siya ng nakakainsultong tingin, saka nagpatuloy. “…o baka naman, dahil walang ibang nagmamahal sa katulad mo? Sabagay nga naman hindi ko naman sila masisisi, pati magulang mo hindi ko masisisi kung bakit hindi ka nila mahal. Dahil sa ugali mong makasarili kaya lahat ng tao sa paligid mo ayaw sayo, kaya ngayon dito ka nakikilimos ng simpatiya sa mga bata. Inuuto mo sila para kahit papaano may maniwala sayo at maramdaman mong importante ka, tama ba? Miss Montemayor,” anito na hindi hinihiwalay ang tingin sa kanya.

Sa paraan ng titig nito ay nag-aalok ito ng laban, akmang sasampalin niya ito ng ubod lakas ngunit napigilan niya ulit dahil nakatingin na ngayon sa kanilang dalawa ang mga bata.  Pakiramdam niya ay sasabog na siya sa sobrang galit na nararamdaman. May respeto parin siya sa sarili kaya ayaw niyang makagawa ng anomang eskandalo, kaya imbes na sagotin ito ay akma na sana niya itong tatalikuran ng magsalita ulit ang lalaki. Hindi pa pala ito tapos sa pang-iinsulto sa kanya.

“Hindi pa ba sapat ang nakukuha mong atensiyon sa mga lalaking inaakit mo?”

Sumosobra na talaga ito sa kanya. Hindi na niya napigilan ang galit na nararamdaman, ngali-ngali niya itong nilapitan at dinuro.

“Wala akong ginagawang masama! Ilang ulit ko na ba ‘yang sinabi sayo!” galit na niyang sambit. “At tama ka! Nanlilimos nga ako ng pagmamahal sa lahat ng batang nandirito dahil gusto ko namang maramdaman kung gaano kasarap ang mahalin, kahit sino naman siguro gusto ang pakiramdam na may nagmamahal 'di ba? Hindi ko ba pwedeng ilimos 'yon kahit sa mga bata nalang?” nanlilisik na ang mata niya sa galit na nararamdaman. Gustong-gusto na niyang umiyak sa galit, ngunit ayaw niyang umiyak lalo na sa harapan ng lalaking ito.

Magsasalita na sana ito upang sagutin siya, ngunit naunahan ito ng boses ni sister Linda, na kanina pa pala nakatayo sa likuran, hindi man lang nila napansin.

“May problema ba sa inyong dalawa Gie?” takang tanong nito sa kanila.

Inirapan niya ang lalaki bago sinagot ang tanong ni Sister Linda. “Wala naman po, Sister nag-uusap lang po talaga kami,” katwiran niya bago ito hinarap at nagpaalam na munang magbabanyo lang.

Dali-dali siyang naglakad palayo sa mga ito, kailangan niyang kalmahin ang sarili dahil hanggang ngayon ay nag-aapoy parin siya sa nararamdamang galit. Pigil ang mga luhang gusto ng mag-unahang lumabas ay hinanap niya ang banyo ngunit hindi na siya umabot, kaya naghanap nalang siya ng mauupuan at doon na ibinuhos ang lahat nang sama ng loob habang paulit-ulit na umaalingaw-ngaw sa isip niya ang mga sinabi ni Fyro.

“You’re seeking for love?”

“May problema ka sa mga magulang mo!?”

“Hindi ka mahal ng mga magulang mo kaya ka nanlilimos ng pagmamahal dito?”

Lalo siyang napaiyak sa boses na akala mo ay ni-record sa pandinig niya. Siguro nga ay uhaw siya sa pagmamahal sa tunay na magulang dahil wala siya no'n, kaya naaawa siya sa mga batang nandidito sa bahay ampunan dahil alam niya ang pakiramdam. Alam niya ang pakiramdam na akala mo may malubha kang sakit na nakakahawa at lahat ng tao ay ayaw sayo dahil pati sarili mong magulang ayaw sayo.

Alam niya ang pakiramdam na walang nagmamahal kaya binibigay niya ang lahat sa mga batang nandito kahit alam niyang hindi iyon sapat, masama ba ang ginagawa niya? Masama bang maghanap siya ng pagmamahal?

Napahagulhol siya sa naisip. Bakit parang galit sa kanya ang mundo?

  xxFLORDELUNAxx

𝐋𝐨𝐯𝐞 𝐎𝐫 𝐋𝐮𝐬𝐭 [Published by: Bookware] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon