Na-update namin ang aming Mga Alituntunin sa Nilalaman.
Suriin ang pinakabagong mga alituntunin para patuloy na makapagbahagi ng mga kuwento nang ligtas.

BG I

293 9 0
                                        

Isinulat ni Angel Medenilla.

I AM A BAD GENIE

Sa mundo ng mga tao

"Mama! Papa!" May paghihinapgpis na sigaw ni Celine.

Nagpipigil ako ng mga hikbi habang pinapakinggan ang aking kaibigang tumatangis. Kasalanan ko ito. Kasalanan ko lahat.

Napapunas ako sa mga basa kong pisngi. Nangangawit na ako. Mahigit kalahating oras na din akong tahimik na nakatayo sa harap ng pinto niya. Aalukin ko sana siyang kumain kaso hindi ko siya kayang harapin.

Kinakain ako ng konsensiya ko.

"Ano? Kakain pa ba kayong magkapatid? Mga palamunin, hala sige, huwag na kayong kumain. Magpagutom na lang kayo!" Sigaw ito ng tiyahin ni Celine mula sa kusina. Madami pa siyang ibinubunganga pero wala na akong lakas pang pakinggan siya.

Patuloy ang pag-agos ng aking mga luha para sa mag-asawang tumayong pangalawa kong mga magulang. Isa akong ampon. Pero kailanman ay hindi nila ako itinuring na ganoon.

"Hoy bata!" Naabutan ako ng tiyo at idinuro. "Patahimikin mo nga iyang kapatid mo. Ang ingay-ingay. Akala mo naman kahapon lang namatay ang mga magulang eh dalawang araw na ang lumipas."

Nilunok ko muna ang galit ko at saka naglakas-loob na buksan ang pinto.

Halos mapaluhod ako sa naabutan. Basag ang cellphone niya na ihinagis sa kalayuan, lukot na parang papel ang bedsheet, ang mga damit niya ay nagkalat sa sahig. Inuuntog-untog pa niya ang noo sa gilid ng kama.

Hindi ko maiibsan ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Malalim akong napabuntong hininga. Hindi nagtagal ay nanlamig ang mga palad ko at napako ako sa katayuan.

May kung anong mainit na pwersa ang bumalot sa aking buong katawan, naglalaro ito mula sa talampakan paakyat sa aking ulo. Paikot-ikot. Dama ko ang pagpintig nito sa mga ugat.

Hindi. Hindi maaari. Pinagmasdan ko ang mga palad na naglalabas ng usok. Napalunok ako sa kaba. Gusto kong ihakbang ang mga paa ko. Gustong-gusto kong tumakbo palayo pero hindi ko kaya.

"Ben," tumingin ito sa akin na walang buhay ang mga mata.

Ibinalik ako ng mga pangyayari sa simula.

Ilang araw nang nakaraan

"Don, pakiusap. Maawa kayo sa amin. Wala na kaming ibang hanapbuhay kundi ang pagsasaka." Bakas sa mukha ng magsasaka ang takot at hinagpis. Ipinagbigay alam ni papa sa kanila na kukunin na nito ang kanilang lupa biglang kabayaran sa kanilang utang.

"Buo na ang aking desisyon, Mariano. Ilang beses na akong naawa sa inyo at sa iyong anak na may sakit. Dalawang taon na siyang magaling, hindi ba? Pero hanggang ngayon hindi ka pa din bayad."

Nagitla ako at nabalik sa kasalukuyan nang maramdaman ang mga bisig ni Celine na pumulupot sa akin.

"Ben," mahinang banggit nito habang patuloy ang paghikbi.

Yumakap ako pabalik. Bumilis ang pagtambol ng puso ko na parang gustong kumawala. Dama ko ang mga butil ng pawis sa aking noo. Gusto niyang humiling.

"Cel, please. Kaya natin ito, Cel."

Kumakapal ang usok sa mga palad ko at alam ko kung anong kasunod ng mga ito. Wala akong kontrol.

I AM A BAD GENIE

Alaala ng nakaraan

Payapang umalis si Mang Mariano noong gabing iyon subalit hindi pa man lumipas ang gabi ay bigla na lamang tinupok nang malaking apoy ang mansiyon. Hindi matukoy ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog pero ako, alam ko.

"Sana ay magliyab ang pamamahay niyo at mawala ang lahat sa inyo... nang maranasan niyo ang buhay naming mga api." Lumabas ang usok mula sa aking mga palad at natupad ang kaniyang kahilingan.

Hindi ko sinasadiya.

"Hindi na dapat nila ako iniligtas."

"Cel, tama na. Tumahan ka na, please." Sa aking kaloob-looban ay ipinagdarasal kong pigilan niya ang sarili. Balak niyang humiling.

Ang kaniyang kahilingan, hinahanap ng katawan ko ang masama niyang kahilingan. Kailangan ko iyon para sa aking mana.

"Kasalanan ko, Beny. Kung hindi sila bumalik... kung hindi nila ako binalikan, sana buhay pa sila." Kumalas ito sa yakap.

"Tumingin ka sa akin, Cel." Pinantayan niya ang mga titig ko na maluha-luha ang mga mata. "Wala kang kasalanan." Dahil ako, ako ang may kasalanan ng lahat.

"Hindi, Ben. Hindi ko kaya, wala na sila, dahil sa akin. Hindi na sana nila ako binalikan."

"Mahal ka nila mama at papa kaya ka nila iniligtas."

"PERO PATAY NA SILA! At dahil sa akin iyon, Beny."

Nabigla ako sa pagtaas ng kaniyang boses. Muli kong pinagmasdan ang kulay tsokolate niyang mga mata. Wala nang kinang sa mga ito. Malamlam. Wala nang siya, pinalitan ng hinagpis at galit.

"Cel, please. Tama na. Let's stop this. Tumahan ka na at matulog, mag-usap na lang tayo bukas." Huli na ba? Hindi ko na ba siya mapipigilan? Anong gagawin ko kung pati ikaw ay mawawala sa akin, Celine?

Nagawa kong ihakbang palayo ang mga paa.

"Ako ang dapat na namatay, Ben."

"CEL, ANO BA!" Pinagsaklob ko ang mga palad ko para pigilan ang paglabas ng usok. "Sabi nang tama na eh, bukas na kasi tayo mag-usap." Puno ng takot ang puso ko, gusto kong umalis, tumakbo papalayo pero ipinako ako sa kinatatayuan. Wala nang saysay, huli na.

"Sana ako na lang ang namatay, Ben. Sana namatay na lang ako kasama sila!"

Napantig ang mga tainga ko sa nadinig. Lalo akong nakonseniya nang maramdam ang kaunting kaligayahan sa aking kalooban. Kumawala na sa mga palad ko ang puting usok na kanina ko pa pinipigilan.

Napasigaw ako nang hindi mapigilan ang pagtangis.

"HOY! Manahimik kayo, pwede ba!"

Pinagsusu-suntok ko ang sarili habang nakaluhod sa harap ng bangkay niya. Sinubukan ko siyang gisingin pero wala. Hindi na siya humihinga. Sumisilay sa dibdib ko ang poot. Kinamumuhian ko ang isang tulad ko! Isa akong sumpa.

Ako, ako nga ang tunay na dahilan kung bakit nagliyab ang sunog, ang nagdala sa mga magulang ko sa kamatayan. At ako, ako din ang tumupad sa kahilingan ng kanilang anak na sumakabilang buhay. Isa akong mamamatay tao. Wala akong kwentang kaibigan.

Hinayaan ko ang sarili na lumuha at magluksa. Kalong-kalong ko si Celine na parang isang manika. Maganda, pero walang buhay.

Kinabukasan

Huling araw na ng lamay. Dumating ang mga pulis sa bahay nila tiyo at tiya, narito sila para dakpin ako dahil ako ang itinuro nilang pumatay sa kapatid na si Celine. Sumaklolo naman ang abogado ni papa.

"Walang sapat na ebidensiyang nagtuturo na siya ang may sala."

"Attorney naman, huwag mo nang ipagtanggol ang ampon na iyan. Siya ang pumatay sa kawawa naming pamangkin para masolo ang mga lupa at mana. Kawawa naman si Celine." Nagpunas pa ng pekeng luha ang tiyahin.

"Madam, idaan na lang natin ito sa korte."

"Ha! Idedemanda talaga namin ang batang iyan. Mamamatay tao, pinatay niya ang pamangkin namin." Ang galing niyang umarte at nakaya niya pang humagulhol.

"Nga pala, nais kong ipaalam sa inyo madam na hindi na kayo ang guardian ni Benevelle. Hindi na siya mamalagi sa pamamahay niyo."

"Aba naman! Buti at lalayas na ang demoniyong iyan sa pamamahay ko."

"Ibig sabihin din ay hindi na kayo ang hahawak sa mga pagmamay-ari na mamanahin niya sa wastong gulang. Iha, birthday mo kahapon 'di ba? Nasa legal age ka na, lahat ng pagmamay-ari ng Don ay sa iyo niya ipinangalan."

Bad Genie [Book 1 Completed]Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon