"Duelo sa Mundo ng mga Engkanto"----------
Pawisan si Inspector Emmanuel Valle ng makarating siya sa higanteng belete. Tinanggal niya ang kanyang backpack. Kinuha ang isang bote ng tubig at uminom muna. Inilabas niya ang anim na bars na tsokolate. Lumapit siya sa punso at ipinatong ang mga tsokolate sa ibabaw.
"Apo muli akong nagbalik dito. Sinunod ko ang sabi mo. Nainom na ng mga halimaw ang likidong nasa bote." Sabi niya.
"Poof!"
Lumitaw ang nuno. Umupo ito at dinampot ang mga tsokolate. Kumain muna ng isa.
"Ho ho ho! Anong nangyari ng mainom nila ang ibinigay ko sayo? Mas masarap yata ang alay mo ngayon! Gusto ko ang lasa at may mani pa!"
"Hindi ho mani yan. Almonds po at imported na tsokokate. Hindi sila namatay Apo. Naging malala pa. Nagkahiwalay silang tatlo. Ngayon ay tatlong higanteng halimaw na ang naghahasik ng lagim."
"Ho ho ho! Sinabi ko bang mamatay sila? Maganda kung naghiwalay na sila! Ano yung imported?"
"Imported po ay hindi rito ginawa ang mga tsokolate. Sa ibang bansa galing. Paanong naging maganda ang paghihiwalay nila? Lalo kaming mahihirapang patayin sila. Hindi na sila tinatalaban ng bala o granada." Tugon ni inspector na medyo nainis.
"Hmmmm! Mas masarap pala ang gawa ng ibang lugar. Dalhan mo pa ako nito sa susunod na pumunta ka. May lahi silang maligno kaya hindi sila mapapatay na ng kahit anong sandatang gawa ng tao. Kaya ipinainom ko sayo ang likido ay para maghiwalay sila. Mapapatay mo na sila ng isa-isa." Tumayo ang nuno.
"Paano ko sila mapapatay e hindi nga sila tinatalaban ng bala?"
"Handa ka bang labanan sila?" Seryoso na ang nuno.
"Handa ho ako kung mapapatay ko sila! Marami na silang pinatay na mga tao. Kailangan na silang mapigilan kahit ikamatay ko pa ay gagawin ko." Tugon ni inspector.
"Bueno kung handa ka ring mamatay kailangan ay lakasan mo ang iyong paniniwala sa mundo ng mga engkanto." Kumumpas ang nuno at lumabas sa kamay niya ang isang espada.
"Kunin mo ito at gamitin mo sa pagpatay sa kanila." Iniabot niya ang espada kay inspector. Tinignan ni inspector ang espada at nagtataka pa rin siya kung mapapatay nga ng espada ang mga halimaw.
"Apo parang karayom lang ito sa kanila. Kung ang granada nga e hindi man lang sila nagalusan e ano ang magagawa nitong espada sa kanila?"
"Sinabi ko na sayo na magtiwala ka lang." Muling kumumpas ang nuno at lumabas ang isang maliit na supot na gawa sa katad sa kanyang kamay.
"Kunin mo ito. Tatlong bola ang nasa loob ng supot. Pumili ka sa tatlong halimaw kung sino ang una mong gustong makalaban at ibato sa kanya ang isang bola. Kayong dalawa ay tatawid sa mundo ng mga engkanto. Pwede mo na siyang labanan. Kapag napatay mo siya ay saka ka pa lang makababalik dito sa mundo ng mga tao. Pero kapag ikaw ang nakain niya ay siya na lang ang babalik dito. Wala ng makapapatay pa sa kanila. Magbaon ka ng pagkain at tubig. Huwag kang kakain o iinom ng mga makikita mong pagkain sa mundo ng mga engkanto dahil hindi ka na makababalik pa rito. Gamitin mo ang iyong talino sa laban. Huwag puro katapangan lamang. " Sabi ng nuno.
Kinuha ni inspector ang supot. Hindi na niya tinignan ang loob. Ibinulsa niya ang supot. Binunot niya ang espada sa suklubang katad nito. Kuminang ang talim ng masinagan ng araw. Tinignan niya. Parang razor blade ang talas ng talim. Ibinalik niya ang espada sa sukluban.
"Maraming salamat po Apo. Aalis na ako!"
"Huwag ka munang magpasalamat dahil magkikita pa tayo at huwag kang magugulat kung saan. Dalhan mo ako ng imported na tsokolate mo. Ho ho ho!"
BINABASA MO ANG
Triplets (Completed)
HorrorSa kadiliman ng gabi ay maraming kakaibang nilalang na nagmamasid sa atin at handang maghasik ng lagim ng hindi natin inaasahan. Mga nilalang na kahit sa ating guniguni ay ating katatakutan. Isang maligno ang nagkagusto kay Gilda at kanyang ginahas...