"Emmanuel"
--------
Nagtayuan at sigawan ang mga maligno sa biglang paglitaw nina Pula at Itim. Lalo pang umingay ang buong arena ng sumigaw si Pula. Galit na galit siya. Lumakas ang pustahan ng mga maligno. Marami ang pabor na sa dalawang higanteng halimaw."Anong lugar ito? Nasaan ang mga tao? Ang aming pagkain? Nasaan ang bubuwit na pumatay kay Ngipin?" Malakas niyang sabi. Nakatingala siya at pinagmamasdan ang mga maligno sa itaas.
"Naririto na kayo sa mundo ng mga engkanto! Dito kayo nabibilang dahil kayo ay may lahing maligno."pasigaw na sagot ng isang tikbalang.
"Nasaan ang bubuwit?"
"Hanapin ninyo. Kasabay ninyo siyang lumitaw dito."
"Itim tumayo ka riyan. Hahanapin natin si bubuwit."
"Pula nagugutom ako. Ikaw na lang muna kaya ang maghanap."
"PAK!"
"ARAY! Bakit ka ba nambabatok?"
"Pareho lang tayong nagugutom. Hanapin muna natin si bubuwit pagkain din siya. Tanga!"
"Oo nga ano? Sige. Doon ka pumunta sa kabila naman ako."
Nasa itaas ng isang malaking punong kahoy si Emmanuel. Nagulat siya sa pagsigaw ni Pula. Hindi niya inaasahan na kasama si Pula sa paglitaw nila ni Itim sa mundo ng mga engkanto. Iniisip niyang delikado siya kung hindi siya mag-iingat. Mabuti na lang ay mayayabong ang mga sanga at dahon ng mga punong kahoy. Marami siyang pagtataguan sa itaas ng mga puno. Nagsimula siyang kumilos. Nagpalipat-lipat siya sa mga puno. Dikit-dikit ang kanilang malalaking sanga kaya madali siyang nakatatawid sa kasunod na puno.
Nakarinig siya ng malakas na lagaslas ng tubig. Narating niya ang dulong puno. Wala ng kasunod. Isang daan na ang ibaba at sa kabila ay isang hilera ng mga puno. Kailangan na niyang bumaba at umakyat sa kabilang mga puno.
"PULA HINDI KO SIYA MAKITA PERO NAAAMOY KO SIYA!" sigaw ni Itim.
"OO ITIM! AMOY KO RIN SIYA. MALAPIT LANG SIYA SA ATIN" sagot ni Pula.
Narinig niya ang sinabi nina Itim at Pula. Wala siyang naririnig na mga yabag. Malayo pa sila sa kanyang kinaroroonan ang kanyang inakala. Bumaba siya. Tumingin sa magkabila ng daan bago siya tumawid.
"Kakaiba ang mga punong ito. Hindi ako makaraan sa pagitan nitong dalawa. Masyadong masinsin ang pagkakadikit nila." Bulong niya.
Hinubad niya ang kanyang mga boots. Nagpalit siya ng anyo. Isa na siyang taong lobo. Biglang nagsigawan ang mga maligno ng makita ang kanyang ginawa. May pumupusta na para sa kanya. Nakaramdam siya ng kakaibang lakas. Umakyat siya sa puno. Bumilis ang kanyang pag-akyat dahil sa nga mahahaba at matutulis niyang mga kuko sa kamay at paa. Para siyang pusang kumakapit sa balat ng puno. Bumilis na rin ang pagtakbo niya sa pagtawid sa mga sanga. Balanse na ang kanyang katawan. Nakatatalon siya ng malayo at mataas.
Nagkasalubong sina Pula at Itim sa isang daan sa paghahanap kay Emmaniuel.
"Pula maraming pasikot-sikot ang mga daan at maraming mga nakaharang ng mga puno. Nahihirapan akong makita siya!" sabi ni Itim.
"Ahhhh! Kailangan natin siyang makita. Pinatay niya si Ngipin. Paghahatian natin ang kanyang katawan." tugon ni Pula.
"Masyadong makapal ang mga sanga at dahon ng mga puno. Maliit lang siya kaya hindi natin siya makita." sabi ni Itim at nakatingala siya. Tinitignan niya ang itaas ng mga puno.
"Itim, gamitin mo yang kukote mo! Nakikita mo ba ang mataas na pader? Nakakulong tayong tatlo rito. Wala siyang matatakbuhan kundi ang itaas ng mga puno. Kaya itutumba natin ang lahat ng mga puno." sabi ni Pula.
BINABASA MO ANG
Triplets (Completed)
HorrorSa kadiliman ng gabi ay maraming kakaibang nilalang na nagmamasid sa atin at handang maghasik ng lagim ng hindi natin inaasahan. Mga nilalang na kahit sa ating guniguni ay ating katatakutan. Isang maligno ang nagkagusto kay Gilda at kanyang ginahas...